Ikalawang Kabanata: Bumabagabag na Pangitain

6 1 0
                                    

Ang lungsod ng mga babaylan, ang Tribu ng Aluhib, ay napapalibutan ng mga Burol ng Lulagimlim. Dating lambak ang kinatatayuan ng lungsod ng mga babaylan. Ngunit pinili ito ng mga kanunu-nunuan nila bilang pagtatagan ng kanilang lungsod. Walang gaanong kakayahan sa pakikipaglaban ang mga babaylan noon kung kaya ay mainam ang mga Burol ng Lulagimlim bilang kanilang maging pananggalang laban sa gustong sumakop sa kanila. Ngunit hindi naman naglaon ay napa-unlad ng mga babaylan ang kanilang kaalaman at kakayahan sa panghuhula at paggamit ng mga makapangyarihang mga dasal. Nakaya na rin nilang gamitin ang kapangyarihan ng anino kung kaya naman ay nawalan ng lakas ng loob ang ibang mga tribu na naghahangad sumakop sa kanila.

          Ang latian ay punong-puno rin ng pwersa na siya namang gustong-gusto ng mga taglugar at sa katunayan ay nakikihalubilo sila ng harapan sa mga babaylang nakatira dito. Malakas kasi ang kaugnayan ng mga babaylan sa mga nilalang na ito. Sila ang mga katulong ng mga babaylan sa pamumuhay pati na sa panghuhula at pagsasagawa ng mga ritwal. Ang mga bahay ng mga babaylan ay gawa sa pinagsamang kahoy at kawayan ngunit may mga matataas na haligi ang mga ito upang umangat ang mga sahig nito sa matubig na ibabaw ng lambak. Sa halip na mga kalye at kalsada ay pawang mga tulay na gawa rin sa mga tabla ng kahoy, mga pinutol na kawayan, at mga pinagpatong-patong na mga bato ang nagsisilbi nilang daanan. Ang mga tulay na daanan ng mga tao lamang ay gawa sa kahoy at kawayan ngunit ang mga tulay na nagsisilbing daanan ng mga kalakal ay gawa naman sa mga mga malalaking bato. Ang ibang bahagi naman ng Aluhib ay mararating sa pamamagitan ng mga maliliit na bangka.

***

Dito sa Tribu ng Aluhib ay nakatira ang isang dalagitang babaylan na nagngangalang Tilhati, labing limang taon at matalinong babaylan ng Aluhib. Kadalasan siyang tahimik at ang mukha ay tila walang kibo ngunit hindi siya takot sabihin ang kanyang saloobin. Araw ng pahinga sa pag-aaral noon kung kaya ay nasa bahay lamang siya. Nasa loob siya ng kaniyang silid at naka upo sa kawayang sahig nito. Nasa harapan niya ang isang panritwal na mangkok na may kalaparan ng bahagya at yari sa pinatuyong luwad. Tinatawag din itong "kam-aw." Pamana pa ito sa kanya ng kanyang yumaong lola. Mula sa kam-aw ay umuusbong ang kulay lilang usok dahil sa sinunog na kamangyan(insenso) na inilagay niya sa gitna nito. Sinamahan niya ito ng mga tuyong talulot ng sampaguita at dahon ng mayana. Nakapalibot din sa kanya ang mga ilawan na gawa sa pinatuyong bao ng niyog at ng langis nito na may nakasawsaw na mitsa na sinindihan upang magsilbing ilaw sa madilim niyang silid. Sinusubukang isagawa ni Tilhati ang isang ritwal na wala sa mga nilimbag(isinulat) na aklat nilang mga babaylan. Mahilig kasing tumuklas ng mga makabagong ritwal si Tilhati gamit ang pinagsanib-sanib na mga dasal na naka limbag naman sa kanilang talaan(listahan) ng mga ritwal.

          "Landongan, handa ka na ba?" kalmadong wika niya habang nakatutok lamang ang mga mata sa umuusok niyang kam-aw. Bigla namang lumitaw galing sa madilim na sulok ng kanyang silid ang isang nilalang na kawangis(kamukha) ng isang pusa. Tayong-tayo ang mga hugis parisukat nitong mga tenga. Meron itong dalawang malakunig(maladilaw) na luntiang mga mata ngunit pawang walang mga balintataw(itim ng mata). At meron pa itong mas malaking mata sa kanyang noo na kulay malakunig(maladilaw) na luntian din ngunit meron namang balintataw(itim ng mata). Ang balahibo nito sa buong katawan ay kasing kulay dagtum(itim) ng anino. May mahaba rin itong buntot na ang dulo ay hugis kamay na may mga daliring matutulis.

 May mahaba rin itong buntot na ang dulo ay hugis kamay na may mga daliring matutulis

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
ItnikusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon