Ikaapat na Kabanata: Ang Babala ng Ilorong

1 0 0
                                    

Sa bandang kanluran ng Itnikus, ay matatagpuan ang bulubundukin at mapayapang kagubatan ng Tribu ng Igoloy. Sinasabing kadugtong na ng buhay ng tribung ito ang kagubatang pinaglalagian nila. Sa kadahilanang iyan kaya naman ay hindi na naisipan pa ng mga ninuno nilang magtatag rin ng sarili nilang lungsod sa kapatagan. Matiwasay ang pamumuhay ng mga taga Igoloy sa kanilang mabundok na kagubatan. Hitik ito sa mga namumungang punong kahoy at mga hayop na maaaring hulihin upang makain. Dahil dito ay pangangaso ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Igoloy. Kadalasan sa mga huli nila ay kanilang ginagagawang kalakal sa Iglamati, ang lungsod ng mga mangangalakal. Bukod sa mga huli nilang hayop ay kinakalakal din nila ang mga bunga ng mga punong kahoy na matatagpuan sa kanilang kagubatan.

          Hindi tulad ng mga tagapatag na unat ang mga buhok at mapusyaw ang mga balat ay kulot ang mga buhok at magulang na kayumanggi ang mga balat ng mga Igoloy. Kakaiba man ang kanilang katangiang panlabas ay hindi naman sila maihahambing sa iba pagdating sa paggamit ng pana at palaso. Malawak din ang kanilang kaalaman sa paggawa ng mga matitibay na uri ng mga patibong. Musmus pa lamang ang mga Igoloy ay hinahasa na sila sa paghawak ng mga pana at palaso. Ganoon na rin sa paggawa ng mga patibong. Isa na sa mga kabataang Igoloy na nahasa ay si Daklilan. Masugid ito sa pag-aaral tungkol sa pangangaso kung kaya naman ay walang makakapantay sa kanya sa gawaing ito.

***

Maagang bumaba ng kanilang bahay na nasa taas ng punong kahoy si Daklilan. Lahat ng mga taga Igoloy ay nakatira sa mga bahay na kahoy na ginawa mismo sa itaas ng mga puno. Nagpaalam si Daklilan sa kanyang ama na si Agamay at ina na si Ilaling upang mangaso. Pinayagan naman siya kaagad ng mga ito sa pagkat ito naman talaga ang kinaugaliang gawain ng kanilang tribu. Ngunit lingid sa kanilang kalaman ay tutunguhin ni Daklilan ang ipinagbabawal na Kagubatan ng Aramungkay. Karugtong kasi ng kanilang kagubatan ang banal na kakahuyang ito. Nasa likod lamang ito ng tinitirhan nilang kabundokan.

          Pinapakay ni Daklilan doon ang mga kabuteng tumutubo lamang sa katawan ng mga ikugmutan, ang mga tagabantay ng Kagubatan ng Aramungkay. Napag-alaman kasi niyang bihira ang mga kabuteng iyon at maibebenta ito sa napakalaking halaga sa Iglamati. Ngunit ipinagbabawal ng kanilang tribu ang pagpunta roon sa pagkat ayaw nilang suwayin ang kalooban ng anito ng kagubatan at mga hayop na si Agmitoy. Sa kabila noon, pinaghandaan naman ito ni Daklilan. Nagdala siya ng mga alay upang pahupain ang galit ng anito kung sakasakali man.

          Dala-dala ang kangyang pana at mga palaso ay maliksi siyang nagpatalon-talon sa sanga ng mga punong kahoy. Ngunit kahit na mabilis ang kanyang paggalaw ay tila hindi naman nagambala ang kapaligiran. Isa kasi sa mga katangian ng mga Igoloy ang makagalaw ng walang ingay. Para silang mga dahong tahimik na sumasabay sa pag-ihip ng hangin. Kaya rin nilang makakita sa malalayong pook tulad ng sa kabilang ibayo ng kanilang kinatatayuan. Nagagawa rin nilang paamuin ang mga hayop sa kagubatan at ang iba naman ay nabibiyayaan ng kakayahan sa pakikipag-usap sa kanila. Tinatawag nga mangangayam ang may angkin ng biyayang ito at isa sa mga mapapalad ay si Daklilan. Bibihira ang may biyaya ng mangangayam sa kanilang tribu kung kaya ay ipinagmamalaki siyang tunay ng kanyang mga magulang.

          Tanghaling tapat na nang mapadako si Daklilan sa bandang likod ng kabundok ng Igoloy. Nasa paanan nito ang Kagubatan ng Aramungkay. Ang kinakailangan nalang niyang gawin ay ang bumaba sa bundok. Ngunit bago niya ito gawin ay napagpasiyahan niya munang magpahinga at mag-agahan na rin. Pinili niyang pumalagi sa sanga ng isang puno na may makakapal na mga dahon upang hindi siya gaanong matapat sa mainit na sikat ng araw. Kinuha niya ang kanyang baong inihaw na ibon at kaning niluto sa loob ng pinutol na kawayan sa dala-dala niyang tampipi(bag) na yari sa hinabing pinanipis na balat din ng kawayan. Suot-suot niya ito sa kanyang likuran. Nakadikit din sa tampiping(sisidlang) ito ang kanyang talanga(sisidlan ng kanyang mga palaso). Nagutom siya ng maigi kung kaya ay mabilis niyang kinagat ang inihaw na paa ng ibon sabay subo ng kanin. Malaki ang paa ng ibon kaya naman iisang piraso lamang ang kaniyang ibinaon. Sinabayan niya rin ito ng paglagok ng malamig na tubig na dala-dala niya sa isang pinutol ring kawayan na nilagyan ng makapal at nakataling kayo(tela) sa butas nito upang magsilbing takip.

ItnikusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon