Unang Kabanata: Ang Pagbababad sa Sinag ng Buwan

8 1 0
                                    


Namamayaning luntian ng mga kagubatan, kaakit-akit na pagiging maaaliwalas ng kapaligiran, at mga naninirahang iba't-iba ang paniniwala at pamamaraan ng pamumuhay— ito ang nakahahalinang kalagayan ng Itnikus. Ang mundong ito ay nilikha ng mga anitong pinaniniwalaang nakatira sa ituktok ng Bundok Kuldras. Kadalasang masusukal(makapal) ang mga kagubatan dito na sagana naman sa mga namumungang punong kahoy, halamang gamot at mga hayop na maaaring mapangaso ng mga Itnikanon. Ngunit kung inaakala mo na ito ay pangkaraniwang mundo lamang, ikwa ay nagkakamali. Ang kasukalan ng mga kagubatan, kailaliman ng mga karagatan, at kasulok-sulokan ng mga kweba ay nagkukubli ng mga samot-saring kababalaghan. Ilan sa mga ito ay mga kamanghamanghang mga nilalalang na kung tawagin ay mga 'taglugar' na madalas nagbabalat kayo at nakikisalamuha sa mga Itnikanon sa ibat-ibang kadahilanan. Ang mga nilalalang na ito ay mga nilikha din ng mga anito ngunit kakaiba ang hubog ng kanilang mga pinagmulan kung ihahambing sa mga Itnikanon. Kadalasan silang maiilap at mababangis ngunit hindi naman namiminsala kapag hindi nagagambala. Malimit silang namamalagi sa mga kasukalan at pook na walang gaanong nagagawing mga Itnikanon. Idagdag mo pa ang mga nakakakilabot na mga nilalang ng kadiliman na sa kasalukuyang panahon ng Itnikus ay sa mga kwento mo na lamang maririnig. Ngunit mga kwento na lamang nga ba sila?

          Magkagayon man ay hindi ito gaanong alintana ng mga Itnikanon sa kadahilanang sila rin ay may mga taglay nga kakaibang mga kakayahan. Ang kakayahang ito ay naaayon sa kung saang tribu nabibilang ang isang Itnikanon. Maraming mga tribu ang naitatag sa buong Itnikus ngunit iilan lamang ang mga ito ang nakikisalamuha sa isa't-isa. Isa sa mga tribung ito ang Tribu ng Batinglilaw.

          Dito mismo sa tribung ito magsisimula ang ating kwento. Pawang mga biniyayaan ng kakayahan sa pagtatanghal gamit ang tugtugin at mga awitin ang mga taga Batinglilaw. At sa kadahilanang iyan ay naging gitna sila ng libangan ng pagtatanghal. Sila ay pangkat ng mga masasayang mga Itnikanon. Sila rin ay masyadong palakaibigan. Ngunit paminsan-minsan ay ginagamit nila ang kapangyarihan ng knilang mga awitin at pagsasayaw upang linlangin ang iba. Nang dahil dito ay hindi sila kaagad pinagkakatiwalaan ng ibang mga tribu. Ngunit bukod sa mapanlinlang nilang katangian, may taglay na kapangyarihang ang mga taga Batinglilaw upang itaas ang moral o kaya naman ay mas lalong pagbisain sa maikling panahon ang angking kakayahan nino man sa pamamagitan ng mga tugtugin at awitin.Sila ay sumasamba sa Buwan at ang kanilang bawat kasiyahan at pagtatanghal ay iniaalay nila sa anito nito.

***

Sa kasalukuyang araw ng Itnikus ay gaganapin ang pinaka mahahalagang pagdiriwang ng mga taga Batinglilaw. Ito ang araw kung kailan idaros ang banal na pagtatanghal na kanilang iaalay sa anito ng buwan na si Pilakang Aliya. Ang mundo ng Itnikus ay pinangangalagaan ng mga anito na pinaniniwalaan ng mga Itnikanon na nakatira sa ituktok ng Bundok Kuldras; ang pinakamataas na bundok sa mundo ng Itnikus. Ngunit kalimitan sa mga Itnikanong tribu ay nakatutok lamang sa pagsamba sa iisang anito. Isa dito sa kanila ang Tribu ng Batinglilaw na tagasamba ni Pilakang Aliya.

          Taunang idinadaus ng mga taga Batinglilaw ang kanilang banal na pagtatanghal. Bawat taon din ay namimili sila sa mga mahuhusay na kabataang kasapi ng kanilang tribu ng isang mangunguna sa pagtatanghal. Ang napiling ito ay kinakailangang maghanda ng isang awitin, tugtugin, o sayawin na kaniyang itatanghal sa kabilugan ng bughaw na buwan na siya ring pinakatampok na gabi ng isang linggong pagdiriwang.

          Sa taong ito, si Ambahan, labing anim na taong gulang, ang napiling manguna sa banal na pagtatanghal na kung tawagin nila ay manglalanton. Kasalukuyan siyang nasa gilid ng bangin kung saan sagana ang sinag ng buwan. Anim na gabi na siyang pumupunta dito dahil ayon sa kinaugalian ng kanilang angkan, ang manglalanton sa ay kailangang mag-insayo sa ilalim ng buwan anim na gabi bago ang gabi ng kabilogan ng bughaw na buwan. Tinatawag nila itong 'pagbababad sa sinag ng buwan' na isang paraan upang makalikom ng banal na sinag si Pilakang Aliya. Ang banal na gawaing ito ay kinakailangan ding gawin sa isang tagong lugar dahil bawal itong makita nino man bago pa man ang gabi ng pagdaraos. Kapag may kahit isa lamang na makakita sa manglalanton na 'nagbababad sa sinag ng buwan' ay mawawalan ng kabanalan ang kanyang iaalay na pagtatanghal.

ItnikusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon