Ikalimang Kabanata: Pangangalap ng mga Mintalyang Ligaw

1 0 0
                                    

Masayang naglalaro habang lumilipad ang mga talahihip dala-dala ang sariwang hangin sa kapatagan sa bukang liwayway. Dito sa kapatagang ito matatagpuan ang malalapad na taniman ng mga gulay at palay. Ngunit hindi lamang mga halamang makakain ang mga nakatanim dito. Ang taniman ay may katangi-tanging bahagi kung saan nakatanim ang ibat-ibang klase ng mga halamang gamot. Napapalibutan din ito ng mga hile-hilerang pinutol na tuyong sanga ng mga puno na ibinaon ang mga dulo sa lupa upang magsilbing bakod. Sari-sari ang mga uri ng halamang gamot dito. Mayroong pawang mga dahon lamang at makukulay. Mayroon ding mga namumulaklak at namumunga. Ang iba sa kanila ay maskapakipakinabang ang mga ugat o tangkay at mainam upang gawing tsaa. Matatagpuan din dito ang ibat ibang uri ng mga halamang-singaw at kabute na may mga katangiang nakakapabuti sa kalusugan.

          Ang tanimang ito ay pagmamay-ari ng Tribu ng Herbuna; ang tribu ng mga manggagamot na kung tawagin ay mga manogbulong. May kakayahan silang pag-aralan ang mga katangian ng mga halaman at gawin itong mga gamot o kasangkapan sa pagpapabuti ng kalusugan. May angking galing din sila upang pabilisin ang pagtubo ng mga halaman sa kanilang kapaligiran. Sinasabing may malakas silang kaugnayan sa mga ada(diwata) na siyang tagapagbantay ng kalikasan. Lingid sa kaalaman ng nakararami ay ang lahat ng sinaunang talaan ng mga gabay sa panggagamot ng mga Herbuna ay galing pa mismo sa mga ada. Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unting natigil ang pakikihalubilo ng mga ada sa nga taga Herbuna sa hindi matukoy na dahilan. Dahil doon ay hindi na nila kailan man nakausap ang mga ito. Naging alamat na lamang sila ng kanilang tribu. Gayon pa man ay marami paring mga Herbuna ang nagnanais at naniniwalang makakatagpo nilang muli ang mga ada.

          Isa sa mga Herbunang nag-aasam na mangyari itong muli ay ang labing anim na taong gulang na dalagitang si Ilanggayan. Mahilig siya sa pananaliksik ukol sa mga halaman upang maging ganap na manogbulong. Naniniwala kasi siyang isang susi sa katuparan ng pangarap niyang makita ang mga ada ang paginging ganap niyang manogbulong. Kapag malaya na siyang mapag-aralan ang mga talaang biyaya ng mga ada sa kanilang tribu ay makakahanap na siya ng paraan upang matunton ang mga ito.

          Sa kasalukuyan ay naghahanda si Ilanggayan para sa darating na pagsusulit ng pagiging manogbulong. Nag-iisang pagsubok lamang ang dapat nilang mapagtagumpayan upang maging ganap na manogbulong. Ito ay ang makagawa ng isang hindi pangkaraniwang gamot na maaaring pagalingin ang isang nakakapinsala ngunit hindi naman gaanong malubhang karamdaman. Marami ang mapagpipilian niyang mga Itnikanong may karamdaman sa bahay-pagamutan ng kanilang lungsod. Tanyag din kasi ang pagsasagawa ng pagsusulit na ito sa mga kalapit na lungsod ng Herbuna tulad ng Amyahanon, Aluhib, Igoloy at Batinglilaw. Ito lamang kasi ang pagkakataon nilang makapagpagamot sa Herbuna ng libre. Hindi kasi pinagbabayad ang mga mapipiling gagamutin sa araw ng pagsusulit. May iilan ding galing sa lungsod ng mangangalakal na Iglamati. Ngunit hindi ang pagpapagamot ang pakay nila rito kung hindi ang mga panibagong mga gamot na matutoklasang mabisa sa araw mismo ng pagsusulit. Ang mga matatagumpay na manogbulong ay pag-aalukan nila ng kasunduan na tanging ang kanilang tindahan lamang ang maaring maging tagapagkalakal ng kanilang gamot sa Iglamati.

          Magandang pagkakataon din ito para sa mga kalahok ng pagsusulit upang makahanap ng maagang pangkabuhayan pagkatapos na maging ganap silang manogbulong. Kaya naman ay maagang dumayo si Ilangagayan sa bahay-pagamutan ng kanilang lungsod upang makita ang talaan ng mga magpapagamot. Sinuri niyang maigi ang mga pangalan ng mga magpapagamot at ang mga karamdaman ng mga ito. Natuon ang kanyang pansin sa pangalang Anilatun. Ang sakit nito ay nagsanhi matinding pag-ubo na nagpapamaga sa kanyang lalamunan. May dalawang buwan na ang sakit niyang ito ngunit kahit anong gamot ang kanyang inumin ay hindi nalunasan ang kanyang karamdaman.

          Napukaw ang pansin ni Ilangagayan dito. Ang ubo ay hindi naman ganoon ka hirap gamutin. May alam na mabisang halamang gamot si Ilanggayan para dito. Ngunit ayon sa talaan ay may dalawang buwan na ang ubo ng Anilatun na iyon. Maaring hindi lamang simpleng ubo ito kundi mas malubha pa. Tinunton niya ang magpapagamot na ito upang suriin. Nagtanong siya sa mga manogbulong na nakatalaga doon upang madali niyang matagpuan si Anilatun. May isang manogbulong ang nakapagsabi sa kaniya at natunton nga niya ito. Nasa tatlongpong taon na ang gulang nito at nananamlay habang umuubo ng matindi.

ItnikusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon