Ikatlong Kabanata: Ang Pagsubok ng Pagiging Ganap na Hangaway

2 0 0
                                    

Ang Tribu ng Amyahanon ay kilala sa pagiging mga mandirigma at mahusay sa pakikipaglaban. Ngunit sa kabila nito ay hindi sila pumapaslang ng walang angkop na kadahilanan. Kilala din kasi ang kanilang tribu sa pagpapahalaga sa patas na pamamalakad. Ang kanilang kaalaman sa paggamit sa mga sandatang may talim ay isa sa pinakadahilan kung bakit sila kinukuhang tagapag bantay ng mga naglalakbay na mga mangangalakal. Kadalasan kasing sa kagubatan dumaraan ang mga mangangalakal upang mas madali silang makarating sa kanilang paroroonan. Marami ang mga mababangis na hayop roon at kinakailangan ang paglilingkod ng mga mandirigma ng Amyahanon. Sa katunayan ay ito ang pangunahing pangkabuhayan ng kanilang tribu – ang paghahatid sa mga mangangalakal at tiyaking sila ay ligtas na makarating sa kanilang paroroonan.

          Ngunit hindi lahat ng kasapi ng Tribu ng Amyahanon ay maaaring makatanggap ng malaking kabayaran sa ganitong uri ng ikinabubuhay. Kahit na bihasa sa pakikipaglaban ang halos lahat ng nasa Amyahanon, tanging ang mga nakapasa lamang sa pagsubok ng pagiging hangaway ang maaaring makasingil ng mas mahal. Ang hangaway ay isang antas sa lipunan ng mga Amyahanon. Para itong mataas na pagkilala at ang sino mang naihirang bilang ganap na hangaway ay nakakatanggap ng mataas na paggalang. Kung kaya at mas mataas ang bayad sa mga tagahatid na mga hangaway ng Amyahanon. Sa kadahilanan ding ito ay kahit mahirap at lubhang mapanganib ang pagsubok ay marami parin sa mga kalalakihan ng Amyahanon ang nagnanais na makuha ang ganoong pagkilala. May mangilan-ngilan din namang mga kababaehan ngunit mas pinipili ng kamaramihan sa kanila na maging bantay na lamang ng kanikanilang mga pamamahay.

***

Kinaugalian na sa Amyahanon ang magsagawa ng pagsubok ng pagiging hangaway taon-taon. Ang tanging makakasali dito ay iyong mga labing walong taong gulang pataas lamang. Hindi kasi basta-basta ang antas ng pagiging mahirap at mapanganib nitong pagsubok kung kaya at marami ang nabibigo taon-taon. Sa kadahilanang ito ay kahit lagpas na labing walong taong gulang ang ibang mga kalahok ay patuloy parin silang sumasali rito.

          Sa taong iyon ay isang binang Amyahanon ang nagbalak na makilahok sa naturang pagsubok. Siya si Kusogsinon at disidido siyang magtagumpay sa pagsubok. Isa siya sa mga kabataang Amyahanon na naghahangad ding maging tanyag na hangaway at umangat ang pamumuhay dahil dito. Labing walong taong gulang na siya at angkop na angkop lamang sa patakaran ng pagsubok kung gulang ang pagbabatayan. Sa murang gulang pa lamang ay hinasa na niya ang kanyang sarili para sa pagdating ng araw na ito. Samo't-saring pagsasanay ang kanyang ginawa pati na rin ang mga iniuutos sa kanya ng kanyang ina ay pinaghahaluan niya ng pag-sasanay. Mapa-igib man ito ng tubig, pagbibiyak ng kahoy na panggatong o pagbubuhat ng mga bagay-bagay ay itinuring niyang bahagi ng kanyang pagpapalakas. Madalas din siyang nanonood nga mga pagsasanay ng mga nahirang nang mga hangaway at ginagaya niya rin ang mga ito kapag magsasanay siyang mag-isa.

          Maingay ang buong parang na nasa likod lamang ng bakod ng lungsod ng Amyahanon. Dito nagtipon-tipon ang halos lahat ng mga kasapi ng tribu nila. Dito rin gaganapin ang naturang pagsubok. Meron namang may natirang magbabantay sa buong lungsod nila habang lahat sila ay nasa parang kaya wala silang kung ano mang pagkabahala.

          Sa di kalayuan nitong parang ay matatagpuan ang Kagubatan ng Aramungkay. Ang kagubatang ito ay pinamumugaran ng mga mababangis na nilalang na kung tawagin ay Ikugmutan. Ang mga nilalang na ito ay kalahating hayop at kalahating taglugar kung kayat may taglay na kapangyarihan din ang mga ito. Kasing laki sila ng Itnikanon na nasa hustong gulang na. Maliliksi ang mga ito sa paggalaw sa mga sanga ng mga punong kahoy at kasing talino mag-isip ng mga Itnikanon. Malalakas ang mga braso, kamay, binti at mga paa ng mga ito na hugis mga kamay din. Ngunit ang pinakamabisang ginagamit nila sa pakikipaglaban ay ang mga mahahaba at malalakas din nilang mga buntot. Pinaniniwalaan kasi na sila ay mga alaga ng anito ng kagubatan at ng mga hayop na si Agmitoy. Pinakawalan niya sila sa kagubatan ng Aramungkay upang bantayan ang mga puno ng Malunsingan na banal sa kanya. Tamang-tama lamang sila upang maging kasangkapan sa pagsubok ng mga Amyahanon bago maging ganap na mga hangaway.

ItnikusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon