May kalamigan na ang aking kape nang makahigop ako matapos kong makalimutan nang panandalian na nasa bakasyon nga pala ako. Naging abala ako sa loob ng halos isang oras kaka-chat sa kay Ate Ninay, naninigurado kung nasunod niya ba ang lahat ng tugon ko.
1. Pakainin si Vic
2. Paliguan si Vic (ngayon at sa isang araw. Mahigpit kong habilin na may pagitang isang araw sa bawat araw ng pagpapaligo. Baka sipunin si Vic )
3. Gamitin ang natatanging Shampoo na binili ko para kay Vic. Wala nang iba.
4. Ilakad si Vic tuwing alas cinco ng hapon.
5. Wag kalimutan ang tali ni Vic.
6. Kapag nakalimutan mo, sumbong kita kina Mama.
"Basta pasalubong ko Addie!"
Tumingala ako sandali sa maaliwalas ng kalangitan. Malinis ang paligid. Hindi amoy usok ang hangin. Mainit, ngunit organisado ang paligid. Tunayo ako at iniwan na lamang ang kapeng malamig sa mesa at nag-umpisang maglakad papalapit sa sikat na Merlion. Kumuha lamang ako ng litrato mula sa di kalayuan. Bagamat hindi ito ang unang pagkakataong makapamasyal ako syudad na ito, kakaiba parin ang pakiramdam na makatungtong ka sa isang bansang mas maliit pa sa kapuluan ng Luzon, ngunit napakaimportante at katangi-tangi sa pangdaigdigang ekonomiya.
Pamilyar sa akin ang mga kalsada at lugar na pwedeng pasyalan. Kung tutuusin, maiikot mo lamang ang buong Singapore ng walang masyadong inaalala. Ligtas, malinis at maayos. Naglakad lakad ako hanggang sa marating ko ang Downtown Core at walang ginawa kung hindi ang maglakad lakad lamang. Nasabihan na nga akong weirdo dahil daw sa kakaiba ang aking paraan upang maglibang. Marahil ay tama nga sila.
Ang pagbibiyahe ko naman ay di na bago sa akin o sa aming pamilya, ngunit ito ang unang pagkakataong wala akong kasama man lamang sa aking biyahe. Ako lamang mag-isa. Hindi ko alam kong talaga bang mahal ako ng mga magulang ko kaya't naisipan nilang bigyan ako ng ganitong klaseng regalo, o gusto lamang nilang magdusa ako ng walang kasama sa loob ng apat na araw. "Matuto ka nang maging independent, Addie.", ang paulit ulit na litaniya ng aking ama. Marahil parehong tama and dalawa kong hinala.
Mula sa aking pag-iikot ng Raffles Place, dinere-diretso ko na ang mahabang daanan kung saan ako nanggaling kanina. Naisipan kong mananghalian na lamang sa malapit na Hawker Center (Food Court nila) na siyang typical na kainan dito. "Adobo. Adobo.", paulit-ilit kong bulong sa aking sarili habang inisa isa ang bawat food stall doon.
Dahil wala akong napili, umorder na lamang ako ng isang bowl ng Chinese noodles at Iced Coffee. Chinese Noodles. Sagarin ko na lang din, tutal Intsik naman ang mga magulang ko. Pero kahit na siguro gaano kasingkit ang aking mga mata ( Pero hindi naman masyadong singkit ang aking mga mata. Sa katunayan ay ako ang may pinakabilugan ang mata sa aming pamilya ), o ka-strikto ang magulang ko sa Feng Shui, purong puro ang aking pagiging Pilipino. Sa puso man o panlasa. Punuan ang kainan kaya't tumungo ako sa isang mesa malapit sa hallway. Tiyempo at iisa lamang ang taong nakaupo doon at eksaktong mas malakas ang bentilasyon. Habang naglalakad ako ay kung may sino mang bumangga sa aking tagiliran na siyang dahilan upang maalog ang dala kong tray. Tumalsik ang sabaw ng Noodles at may kaunting napunta sa malaking mama na siyang bumangga sa akin. Tila hindi ko maisip ang aking sasabihin dahil inunahan ako ng takot.
"Whaaat did ye du?", galit na pagtatanong sa akin ng isang Indiano. "Leek at my Shert".
"I'm so-sorry, Sir... But it was you who-", pilit kong pinapaliwanang ang aking sarili ngunit maliban sa nakakatakot iyong lalaki, wala na siyang tigil kakasalita sa akin. Nahihirapan din akong intindihan ang Ingles niya. Hindi ko minamaliit ang kanyang pagsasalita, ngunit hindi ako sanay makipag-usap sa taong may British-Indian Accent. Nahihiya nadin ako dahil pinagtitinginan na kami ng mga taong nasa Hawker.