Cris
Inabutan ako ng napakalakas ng ulan papuntang Tagaytay upang bisitahin at inspeksyunin ang kasalukuyang proyektong Rest House ng aming Firm. Kakaresign lamang ng isa naming Arkitekto nang maisipan niyang magtungo sa UAE upang doon makipagsapalaran. Kung tutuusin, ang isang buwang sweldo mo bilang isang Arkitekto doon ay katumbas ng halos isang taong sweldo mo dito.
Kakagaling ko lang din doon noon isang taon, at kung hindi lang ako personal na pinakiusapan ng aking Tiyuhin na magtrabaho sa kanyang naghihingalong kompanya ay hindi ako uuwi ng Pilipinas. Tatlong taon din ang aking pamamalagi doon. Sinigurado naman ng aking boss na magiging hands-on ako kada proyekto namin at masasabi kong "Akin" iyong disenyo. Magandang opurtunidad din iyong gumawa ng sariling pangalan, titiisin ko nga lang muna ang usaping pangpinansiyal.
Sinalo ko ang proyektong iniwan ng dati naming Arkitekto. Sinalubong ako ng may-ari ng Rest House. May katandaan na ang mag-asawa at masasabi kong mabubuting tao. Kakilala sila ng boss ko kaya naman naging mabilis ang transaksyon at pagpapakilala sa amin. Nahiya ako ng kaunti nang malaman kong kilala nila ako dahil narin daw sa mga kwento ng aking boss noon pa, at nagkataong kilala din daw ako ng kanilang pamangkin. Siya ang Electrical Engineer ng proyekto.
Agad ako tinubuan ng kyuryusidad sa kung sino man iyong pamangkin nilang iyon. Napag-alaman kong nag-aral ito ng kolehiyo sa Maynila ngunit kasabayan ko daw sa High School. Magkahalong galak at misteryo ang aking naramdaman sa kung sino man iyon, at kung bakit niya ako kilala.
"Baka magkaiba kayo ng section noon ni Pepe", sabi pa ni Mr. Perez. Itatanong ko na sana ang buong pangalan ng kanilang pamangkin ngunit biglang humangin ng napakalas at bumigay iyong kakakabit pa lamang na gutter. Nagkaroon ng kaunting kaguluhan ngunit naiayos naman din. Inabot kami ng alas cuatro ng hapon bago mag-umpisang magsiuwian.
Habang nagmamaneho, pilit kong kinukunekta kung iyong Pepe na sinabi nila ay iyong kilala ko. Wala naman akong matandaang kakalaseng Perez noon High School. Magkakaroon kami ng meeting kasama ang mga Perez sa makalawa.
Makikilala ko din siya.
***
Ilang beses kong pinindot ang butones ng Elevator dahil sa pagmamadali. Kanina pa naghihintay ang mga Perez sa conference room. Buti na lamang ay nandoon ang boss ko. Hingal akong pumasok ng kwarto at inayos ang dala kong laptop at print-outs sa mesa. Humingi ako ng dispensa sabay pahid sa aking pawisang noo. Sinugurado naman ng mag-asawa na ayos lamang iyon, at sa katunayan ay abala din daw silang nagkukuwentuhan ng boss ko.
"Hindi ka siguro sanay sa traffic dito, Architect.", pahabol ni Mrs. Perez. "Buti pa, lunch out tayo pagkatapos nitong meeting. Hahabol din si Pepe, para naman magka-reunion kayo", ang sabi ni Mr. Perez.
Hingal man ay ngumiti lamang ako. Sinimulan ko na ang presentasyon at umayon naman sila sa lahat ng desisyon ko ukol sa mga babaguhin sa disenyo. Narinig kong pumalakpak ang boss ko, na waring nang-aasar sa akin. Tinaasan ko lamang siya ng kilay at hindi iyon pinahalata sa mag-asawa. Kahit kalian talaga ay pilyo parin si Tito.
"See? I told you he's the best", pagbibigay pugay niya sa akin.
***
Natagalan si Pepe kaya naman napagdesisyunan naming kumain na. Hindi ko maitago ang aking pagkailang sa sitwasyon dahil hindi ko parin maialis sa isipan ko kung sino ba iyon. Natigil lamang ang lahat ng biglang may humalik sa pisngi ni Mrs. Perez. Isang lalaking may katangkaran, nakasuot ng polong puti at itim na slacks. Sumenyas si Mr. Perez sa parte ng mesang nakareserba para sa kanya.