Chapter 3

61 5 1
                                    

PINALIWANAG ni Aize ang dapat kong malaman. Okay naman sa kanila na hindi ko sila tawaging Kuya, manager naman nila ako. Ipinakita niya kung saan ang storage room nila. May sarili rin silang locker room dito, magkahilay kasi sila sa main building kung saan makikita roon ang malaking locker room para sa lahat ng athlete. At sa laki ng Lincolnshire may sarili rin court ang volleyball team ng mga babae.

Nang natapos ay bumalik kami sa court kung saan nagpatuloy sila sa pag-eensayo.

"Narinig mo naman ang sinabi ni Coach kanina diba? Bumalik ka rito bukas para sa pagsubok mo at magsuot ka ng komportableng damit."

Ano kaya ang pagsubok nila? Ngayon pa lang kinikilabutan na ako. Napatingin ako sa orasan at lunch time na.

"Naku, Aize alis na ako," sabi ko.

"Dito ka na maglunch," sabi niya.

Eh, ano ba!

Umiling ako sa kaniya, nakakahiya kaya. "Huwag na, magpapaalam na ako kay Coach."

"Dito ka na kumain, Rockie." Napalingon ako kay Coach na siyang nagsalita. Nasa likod ko lang pala siya, hindi ko man lang napansin. "Parang gusto kang kausapin at kilalanin ng iba." Tinuro niya sa mga boys na umiinom ng tubig habang nakatingin sa pwesto ko.

Hindi na ako nakaangal at ilang minuto may dumating na delivery. Pabilog kaming nakaupo sa sahig habang nilalantakan ang pagkain. Kahit ano na lang ang pinag-usapan namin at nagbibiruan. Napangiti ako ng mapait, ganito pala ang pakiramdam tuwing may kasabay kang kumain. Sana ganito palagi, pero alam ko naman na ngayon lang ito at imposibleng maulit.

Kapansin-pansin na mahigpit ang diet nila, ganito rin ang pagkain ko noong naglalaro pa at hindi mawala-wala ang cabbage. Habang kumakain, pasimple kong tinatabi ang cabbage pero katabi ko si Coach at napansin niya ginawa kong krimen.

"Kainin mo 'yan Rockie," sabi niya na ikiningiwi ko.

"Coach hindi ko gusto ang lasa at amoy." May alaga kasi akong rabbit dati at minsan pinapakain ko ng cabbage para balance diet sa pellet niya. Kung kakainin ko para na akong rabbit at ang amoy, ew.

"Kaya ang payat-payat mo, mapili ka sa pagkain. Kainin mo 'yan." Dinagdagan niya pa ng kanin ang plato ko at ulam.

Tumingin ako sa iba para humingi ng tulong pero kahit sila umiwas ng tingin. Kay Aize naman ako lumingon na katabi ko lang din at nagpaawa pero kahit siya ay umiwas. Kaya binalik ko ang tingin kay Coach.

"Hindi ko po ito mauubos," sabi ko.

"Hindi ka makakuwi hangga't may makikita akong pagkain sa plato mo."

Napakamot ako ng ulo at nagsimulang kumain. Kalaunan ay dama ko na ang kabusugan, at may laman pa ang plato ko. Tapos na silang kumain at ako na lang ang naiwan. Mangiyak-ngiyak na ako rito at nasusuka na. Shet, isusumpa ko, hindi na ako kakain kasama si Coach!

Ang mga boys naman ay nakaupo malapit sa'kin habang sinusuportahan ako at ang iba tumatawa na sa reaksyon sa aking mukha. Pinikturan pa nga ako ni Von, na may suot na eyeglasses. Busog na busog na talaga ako at ang cabbage hindi ko pa nagagalaw. Napatigil naman sila nang nakita ang nangingilid kong luha. Nagsikuhan na sila at nagbulungan.

Hinila ko ang laylayan ng damit ni Aize kaya napatingin siya sa'kin, at mahina akong umiling na ikinatigil niya. Tinaas niya ang kamay niya at pinunasan ang luha ko sa mata.

"It's okay."

Binantayan nila si Coach at nang tumalikod ito, agad na kinuha ni Aize ang kutsara at mabilis na sinubo ang cabbage. Ang iba naman ay kumuha na rin at palihim na ngumunguya. Napangiti ako dahil sa ginawa nila. Shet! Love ko na sila!

Rockie, At Your Service (Under Revision)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon