HB 01

104 17 34
                                    

"Aesira, may naghahanap sa 'yo!" Rinig kong tawag sa 'kin mula sa labas. Agad ko namang pinatay ang apoy nang sa gayon ay hindi masunog ang aking nilulutong isda.


Minsan na nga lang ako magkaroon ng maayos na ulam baka masunog ko pa. Sino ba ang naghahanap sa 'kin sa labas? Hindi pa naman oras ng singilan para sa pabahay, ah? Hindi kaya si Roberto lamang iyan? Malilintikan talaga 'yang lalaking iyan sa 'kin kung pati ba naman dito ay ako'y iniinis niya.


Dali-dali kong inayos ang aking binagyong buhok bago lumabas at laking gulat ko nang bumungad sa akin ang isang lalaking may makisig na kasuotan at animo'y naluluha pa nang makita ako. "Sino po sila?" magalang na tanong ko rito.


Sa kasuotan niyang iyon, hindi pwedeng mag matapang ako sa kanya. Sa postura pa lamang ay halatang isang maharlika ang lalaking nakatayo sa aking harapan. 'Yun nga lamang ay may kaedaran na ito. Ano naman kaya ang nanaiisin niya sa akin? Ako'y isang karaniwang tao lang naman.


"Ako si Earl Abernathy, may nais lamang sana akong itanong sa 'yo." Naglabas ito ng papel mula sa kanyang baro at mahigpit itong hinawakan. "May mga magulang ka ba?" tanong nito sa akin na animo'y may inaasahan na sagot. Hindi na naman bago sa akin ang tanong na ito kaya hindi na masakit sa loob ko kung pag-uusapan ulit. "Wala na po. Matagal na akong inabandona ng aking mga magulang dahil sa kahirapan," mahinang sagot ko rito.


Mariin itong napapikit at inabot ang aking mga kamay. "Alam kong nakakagulat ang aking sasabihin pero sana hayaan mo muna akong magpaliwanag," panimula nito. Tumingin ako sa aming paligid at napansing nakukuha namin ang atensyon ng mga tao rito. Bahagya nga lang naman kasing may pumuntang maharlika rito sa lugar namin at ang malala ay ako pa ang hanap. "Pumasok po muna kaya tayo? Para naman po hindi kayo nangangalay," paanyaya ko bago pa niya matuloy ang kanyang sasabihin.


Buti naman ay hindi na siya nagtanong pa dahil nakahihiya naman kung sasabihin kong hindi ako komportable sa atensyon na nakukuha namin.


"Pagpasensyahan niyo na po ah?" Bahagya akong napakamot sa ulo at sinamahan siya sa sopa. "Ayos lang. Tungkol nga sa aking sinasabi, gusto ko lang sana itanong kung maaari kitang ampunin?" Agad na napaawang ang aking bibig, hindi alam ang aking sasabihin.


Saglit lamang, tama ba ang aking narinig? Ampon? Isang maharlika ay aampon sa akin na isang pangkaraniwang tao lamang?


"Alam kong nabigla kita pero kailangan ko kasi ang tulong mo. Dalawang buwan na nakararaan ay namatay ang anak kong babae dahil sa sakit na lumaganap sa kapitolyo at sa kasamaang palad, labis iyong dinamdam ng aking asawa na nagsanhi upang magkaroon ng problema sa kanyang isipan. Naisip ko na ang pag-ampon ay maaaring maging sagot upang malunasan siya at ikaw ang naisipan kong lapitan."


Sandali akong hindi nakaimik sa kanyang mga sinabi at unti-unting iniisip nang mabuti ang salitang kanyang binitawan. "Pero bakit po ako? Marami naman pong ibang bata ang nandiyan at higit na mas malapit ang lugar sa kapitolyo na p'wede niyong hanapan kaysa sa lugar na aking tinutuluyan," tanong ko rito habang pasimpleng pinaglalaruan ang sarili kong mga kamay. Binuksan nito ang papel na kanina niya pang hawak atsaka ipinakita sa akin. "'Yan ang yumao kong anak."


Kung pagmamasdan ito nang mabuti, magkahawig kami nito dahil sa hugis ng mukha, matangos na ilong at berdeng mga mata nito. Ang kaibahan lamang ay halatang mas makinis ang kutis nito kumpara sa akin at ang pekas nitong nagkalat sa kanyang mukha na lalong nagpaganda sa kanya. Mas nabigyang linaw ng larawang ito kung bakit ako ang nais nitong ampunin.

Her BladeWhere stories live. Discover now