Ikatlong Kabanata
Nakahiga si Jay sa kaniyang kama, nakatitig sa puting kisame ng kaniyang kuwarto habang namumugto ang mga bilugang mata. Ang gintong sinag ng araw ay humahalik sa kaniyang maputlang pisngi, nakapatong sa kaniyang mukha na tila isang maskarang lumulukob sa kaniyang kalungkutan. Mula sa bukas na bintana, rinig niya ang pagtilaok ng mga manok ng kanilang kapitbahay na si Mang Pedring, sa likuran ng kaniyang pintuan, rinig niya ang kaluskos ng mga tsinelas, kalantsing ng kawali't sandok, at ang mahinang boses ng inang pakiwari niya'y nagsisimula ng magluto ng kanilang agahan.
Sa lamesa sa gilid ng kaniyang higaan, kinuha ni Jay ang kaniyang selpon. Binuksan niya ito at muling binasa ang mensaheng kasalukuyang dumudurog sa kaniyang puso.
"We regret to inform you that we are unable to make you an offer of admission to any of the degree programs of the two campuses that you indicated in your application."
Gusto niyang umiyak, gusto niyang muling maramdaman ang pagdampi ng luha sa kaniyang balat, subalit gustuhin man niyang magtangis sa loob ng kaniyang kuwarto buong araw, tuyo't na ang kaniyang mga matang namumula't gising magdamag.
"Bumagsak ako sa UP... Hindi ko natupad ang pangarap ko." Bulong niya sa sarili habang nakapikit. "Saan ba ako nagkulang? Nag-review naman ako?"
Napatingin siya sa kaniyang selpon nang maramdaman ang bahagya nitong pag-vibrate. Binuksan niya ito at nakita ang isang mensahe galing kay Martha.
"Bes, nakapasa ako sa UP. OMG! Super happy ko. Ikaw, kumusta?" Pagbasa ni Jay sa mensahe ng kaibigan.
Tumagilid siya sa kaniyang pagkakahiga habang yakap-yakap ang sariling selpon. Mula sa kaniyang mata ay dumulas ang isang patak ng luhang banayad na dumaloy pababa sa kaniyang pisngi. Tikom ang kaniyang bibig, subalit ang isip niya'y sumisigaw. Walang tunog ang kaniyang mga hikbi, tanging malalalim na paglunok lamang ang maririnig na mga ingay. Kinukurot niya ang balat ng kaniyang mga kamay, dismayado't galit sa kaniyang sarili sa kadahilanang nahihirapan siyang maging masaya para sa kaniyang kaibigan.
Pakiramdam niya'y siya'y nagtataksil sa isang anghel na sumagip sa kaniya sa kamay ng mga demonyo. Alam niyang hindi tama, alam niyang walang kasalanan si Martha, at higit sa lahat ay alam niyang hindi niya pagbagsak ang pag-angat ng iba, Kaya ganon na lamang ang naramdaman niyang pagkadisgusto sa sarili matapos matanggap ang mensahe mula sa nag-iisang matalik niyang kaibigan. Hindi niya matanggap ang katotohanang naiinggit siya sa kaibigang walang ibang ginawa kung hindi ang suportahan siya sa lahat ng mga bagay.
Binuksan ni Jay ang kaniyang selpon at nagtipa ng mensahe. "Congratulations bes! Sana all nakapasa, hahaha. Hindi ako pinalad mhie, pero okay lang. Congrats."
Isinara niya ang selpon at agad itong inilapag sa lamesa. Wala pang isang minuto ang lumipas ay narinig niya ang muli nitong pag-vibrate. Nilingon niya ang selpon, ngunit katahimikan lamang ang isinagot niya sa nangangamustang mga mensahe ni Martha.
Lumabas si Jay ng kaniyang kuwarto na bagsak ang mga balikat, matamlay siyang naglalakad patungo sa kanilang hapagkainan. Doon, nakita niya ang inang naghahanda ng mga plato. Lumingon ito sa kaniya at dali siyang inaya para mag-almusal.
"Oh, Jay, gising ka na pala. Halika na rito, mag-almusal ka na." Sambit ng kaniyang ina habang nagsasandok ng sinangag sa plato.
Umupo si Jay, "Good morning ma, nasaan pala si papa?" Tanong niya sa kaniyang ina.
"Ah, maagang namasada ang papa mo ngayon," sagot ng ina ni Jay. "Kanina pang alas-singko ng umaga umalis."
Napansin ni Jay na parang sobra-sobra ang mga pagkaing nakahanda, at karamihan sa mga ito ay mga paborito niyang ulam. Sa lamesa ay may nakahain na beef tapa, piniritong itlog, longganisa, mayroon pang tocino, at tuyong nakababad sa sukang paombong. Lumingon si Jay sa kaniyang ina at nakita niya ang pag-iwas nito ng tingin sa kaniya.
BINABASA MO ANG
The Irony of a Fiction (BXB)
Fiksi RemajaKung mangyari sa iyo ang mga bagay na binabasa mo lamang sa paborito mong mga istorya, anong gagawin mo?