Ikalawang Kabanata

26 3 9
                                    

Ikalawang Kabanata

Saktong alas-singko ng madaling araw, madilim pa ang kalangitan habang ang buhay na buwan ay nagbibigay liwanag sa mga eskinita ng kamaynilaan, doon sa loob ng jeep ay tahimik na nakaupo si Jay; nakatingin sa labas ng bintana, magkasalikop ang pawisan at nanlalamig na mga kamay dulot ng labis na kaba. Nagdarasal siya, humihingi ng gabay sa Panginoon para sa nalalapit niyang admission test. Mahigi't kumulang labin-dalawang buwan din ang kaniyang ginugol bilang paghahanda sa mga entrance exams ng iba't-ibang unibersidad, kaya ganito na lamang ang emosyong nararamdaman niya simula pa noong isang linggo, kahit pa ikatlong admission exam niya na ito.

Sariwa pa sa memorya ni Jay ang mga karanasan niya sa natapos niyang mga pagsusulit mula sa Unibersidad ng Pilipinas, at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, parehong mga prestihiyosong unibersidad sa Pilipinas. Ngayong tumatakbo ang oras, at nalalapit na ang pagsusulit niya para sa admisyon sa Darwin Institute of Science and Technology—ikalawa sa listahan ng mga dekalidad na unibersidad sa bansa—unti-unti niyang nararamdaman ang mga nagbabadyang panganib. Tila mga ligaw na kaluluwang bumabagabag sa kaniya ang mga math questions na sinagutan niya sa mga nagdaang entrance exams, kaya naman pakiramdam niya ay para siyang natatae kahit nailabas na niya ang lahat bago pa man siya umalis ng kanilang bahay.

"Kaya mo yan Jay, magaling ka sa English at Science," pagpapakalma niya sa kaniyang sarili. "At hindi ka rin bobo sa math... Sakto lang."

Nang makaramdam ng pagnginig mula sa kaniyang bulsa, agad niyang inilabas ang selpon upang tingnan kung sino ang tumatawag. Nakita niya ang caller ID ni Martha, kaya naman dali-dali niya itong sinagot.

"Jay, kumusta? Saan ka na?" Bungad na tanong ni Martha.

"Nasa jeep pa lang ako pa LRT," sagot ni Jay habang sinisilip ang daan mula sa bintana. "Kinakabahan ako beh, para akong natatae na ewan."

Mula sa kabilang linya, rinig ni Jay ang mahinang hagikgik ng kaibigan. "Paano 'yung parang natatae?" pang-uuyam nito sa kaniya.

"Alam mo, wala ka talagang kwentang kausap kahit kailan." Sagot ni Jay habang umiirap sa hangin.

"Ito naman! Joke lang, di ka naman mabiro," bahagyang pasigaw na paliwanag ni Martha. "Bakit ka ba kinakabahan, eh pangatlong exam na natin 'to? Nag-review ka naman din 'diba?"

Napabuntong-hininga na lamang si Jay, pakiramdam niya'y pasan-pasan ng kaniyang dibdib ang mundo sa sobrang kabang nararamdaman. "Kahit na, alam mo namang di ako magaling sa Math eh, 'di ako kagaya mong kayang mag-solve ng Calculus habang nakapikit."

"Sus, nagdrama ka naman diyan, eh magaling ka naman sa Science at English," sagot ni Martha. "Tsaka hindi lang naman score sa Math pamantayan para makapasa. Hindi ka man kagalingan sa Math, eh sure naman akong kaya mo pa rin mapasa 'yung exam ngayon."

"Sana lang makapasa talaga, pero kung 'di papalarin, Sana kahit 'yung UP na lang maipasa ko." Malungkot na sambit ni Jay sa kaibigan.

"Ano ka ba, think positive! I-manifest mo na makakapasa ka." Pagpapagaan ng loob ni Martha sa kaibigan. "Pero sige na, pa-Katipunan na ako, kita na lang tayo mamaya. Goodluck sa atin, kaya mo yan Jay!"

Nawala na sa kabilang linya si Martha, kaya naman dali niyang ibinalik sa kaniyang bulsa ang selpon. Muli niyang nilingon ang daan at nakitang isang kanto na lamang at nasa 5th avenue station na siya ng LRT line 1.

"Manong, para po!" pagtawag niya sa drayber. Dali naman inihinto ng tsuper ang jeep sa kanto. Nang tuluyang makababa ay pansin niyang tahimik pa ang paligid, malayong-malayo sa karaniwang scenario ng istasyon sa tuwing sasapit ang rush hour. Bukod sa mga iilang tindero ng sigarilyo at kendi sa bangketa, bilang pa sa mga kamay ang mga taong kasabay ni Jay sa pag-akyat.

The Irony of a Fiction (BXB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon