Unang Kabanata

74 4 3
                                    

Unang Kabanata

Tunog ng mga bolang nagtatalbugan, musika mula sa basag na speaker, at tunog ng paghiyaw at paghampas ng mga bata sa pindutan ng mga videogames, iilan lamang ang mga iyan sa mga ingay na bumabasag sa tainga ni Jay habang binibirit ang "Pangarap Ko ang Ibigin Ka" ni Regine Velasquez, samantalang ang kaniyang kaibigan na si Martha ay mahigpit na hawak ang selpon at kinukuhanan siya ng video.

"Jay Mendoza po, opo," Sigaw ng dalaga habang hinahawi ang mga batang tumatakbo sa kaniyang harapan. "Add niyo po sa facebook, single po yan."

Bagama't sa samu't-saring ingay na umaalingawngaw sa paligid, narinig ni Jay ang sinambit ng dalagang kaniyang kasama, dahilan upang kunot-noo niya itong tignan sabay bato ng ID sa mukha ng kaibigan habang patuloy pa rin sa pagkanta.

"Aray ko naman! Bakit nambabato ng ID?" Sabi ni Martha, "gusto mo lang may lalaking makadampot ng ID mo para i-add ka sa facebook eh." Sabay hagalpak nito ng tawa.

Sa sobrang pagkainis ni Jay, inakma niyang habulin ang kaibigan na naging dahilan ng pagkagulat nito. Sa sahig, doon nakita ni Martha kung paanong tumalbog na tila ba isang bola ang kaniyang selpon. Nabitawan niya ito dahil sa takot na mahablot ni Jay ang kaniyang buhok.

"Ano ba yan, Jay," Reklamo ni Martha habang ini-inspeksyon ang nabagsak niyang selpon. "Buti na lang hindi nabasag, kung hindi iyang mukha mo babasagin ko."

Tumingin si Jay kay Martha at binigyan ito ng isang matalim na titig, isang titig kung saan may nakahimlay na mensahe para sa kaniyang mapang-asar na kaibigan. Nasa dulong bahagi na siya ng kanta, at pinakamataas na bahagi na rin kung tutuusin, kaya naman mas pinili niyang mas pagtuunan nang pansin ang pagkanta kaysa ang pambubuwisit ng kaibigan.

Kung sino man ang makaririnig sa kaniyang pagkanta ngayon, maaring kunot-noo itong magtatanong sa kung paanong lalaki ang may hawak ng mikropono ngunit tinig babae ang boses na lumalabas sa mga speaker. Sa hindi rin malaman na rason ni Jay, natural na mas mataas ang tono ng kaniyang boses kumpara sa mga kalalakihang nagbinata at nagbibinata pa lamang. Hindi lumalim ang kaniyang boses, hindi ito nagbinata dahil pakiwari niya'y ito ay nagdalaga. Kaya ganon na lamang ang dali niya sa pagkanta ng mga awiting orihinal na inawit ng mga babaeng mang-aawit.

Habang naghahandang ibirit ang pinakahuling korus ng kanta, napatingin si Jay sa labas ng "World of Fun" kung saan tanaw niya ang isang binata na tila ba pinanonood siya mula sa labas. Hindi siya sigurado kung binata ba ito, subalit base sa suot nitong kulay gray na sweater, itim na fitted jeans, at puting sneakers, tila ba nahinuha niya ang posibilidad na 'sing-edad lamang niya ang lalaki. Nakasumbrero at nakasuot din ito ng itim na mask, dahilan upang matakpan ang kalahati ng mukha nito.

Mahigi't kumulang limang metro ang layo sa isa't-isa, sa pagitan nilang dalawa ay isang malaking salamin, subalit tanaw ni Jay mula sa kaniyang may gradong mga mata ang kulay tsokolate nitong mga mata. Kumikinang, nangungusap, at tila ba nakangiting nakatitig sa kaniya.

Sa sobrang pagkabigla ay napalunok si Jay ng laway, dahilan upang malulon niya ang liriko ng kantang inaawit na kalauna'y naging rason ng kaniyang pagkapiyok. Rinig na rinig sa dalawang malaking speaker ng videoke machine ang detalye ng kawalan ng pakisama ng kaniyang boses.

Mula sa gilid, kita niya ang humahagalpak na si Martha habang patuloy pa rin siyang kinukuhanan ng video.

"Grabi bes, laughtrip ka talaga," Nawawalan ng hininga nitong sambit. "At sa habawwwkk." Pag-gaya ni Martha kay Jay.

Kung normal lamang ang sitwasyon ay sigurado si Jay na labis na kahihiyan ang kaniyang mararamdaman sa mga oras na ito. Subalit malayo sa pagiging normal ang lahat, may kakaiba siyang nararamdaman. May kiliti sa kaniyang tiyan na tila bang may mga paru-parong nagliliwaliw sa loob ng kaniyang katawan. Ang mga ingay sa paligid ay tumahimik, at tila ang oras sa kaniyang relo ay huminto pansamantala. Nakatitig siya sa lalaki at 'kita niya ang mga balikat nitong bahagyang nanginginig na tila ba tumatawa.

The Irony of a Fiction (BXB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon