Ikaapat na Kabanata

23 4 6
                                    


Ikaapat na Kabanata

Nakatayo si Jay sa harapan ng salamin, nakasuot ng isang simpleng puting t-shirt at kupas na pantalong maong at prenteng nakatitig sa sariling repleksiyon habang sinusuklay ang bahagyang basang buhok.

"Ano ba 'yan? Ang panget ng outfit ko," bulong niya sa sarili habang pinupunasan ng puting bimpo ang salamin sa mata. "Bakit kasi ang baduy-baduy kong pumorma?"

Tumalikod siya at naglakad patungo sa kaniyang kama, bahagyang yumukod at kinuha ang may kalumaang asul na rubber shoes sa ilalim ng kaniyang higaan.

Habang pinapagpag ang mga naipong alikabok sa ibabaw ng sapatos, napangiti siya, naalala niyang bigla ang kaniyang kaarawan noong nakaraang taon kung saan natanggap niya ang sapatos bilang isang regalo mula sa kaniyang ama.

Naalala niya, umuulan noon at mabilis siyang nananakbo sa gilid ng kalsada. Bumubuhos ang tubig sa kalangitan, kasabay ng pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Basang-basa ang suot niyang P.E uniform at ramdam ng kaniyang kanang paa ang maaligasgas na aspalto ng kalsada. Sa kaniyang likuran, dinig niya ang tinig ng isang binatang paulit-ulit isinisigaw ang kaniyang pangalan.

"Jay! Sorry na!" Muling pagtawag ng binata. "Heto na yung rubber shoes mo oh, binibiro lang kita."

Tila may sumabog sa utak ni Jay matapos marinig ang winika ng binata. Nagpantig ang kaniyang tainga at tanging sariling mga hagulgol dulot ng labis na galit na lamang ang tunog na kaniyang naririnig.

Huminto siya sa pagtakbo, tumalikod at hinarap ang taong dahilan ng kaniyang miserableng araw. Sa kaniyang harapan, nakatayo ang isang binatang basang-basa ng ulan. Ang suot nitong sandong itim ay mahigpit na nakayakap sa matipuno nitong dibdib, mabilis ang paghingang nakatitig ito sa kaniya habang hawak ang nawawalang pares ng kaniyang sirang sapatos.

"Tanga ka ba, Shaun? Kung ganiyan ka magbiro, pwes hindi nakatutuwa ang mga biro mo!" Sigaw ni Jay sa nakayukong binata.

"Alam ko namang ayaw mo sa akin eh. Pero iyong ipahiya mo ako sa mga kaklase mo at ipangalandakan sa kanila kung gaano kami kahirap nang dahil lang sa sira kong rubber shoes," napakagat si Jay sa kaniyang mga labi. Pilit pinipigilan ang pagkawala ng hikbing namumuo sa kaniyang lalamunan. "Grabe na iyon, Shaun! Kutyain mo na ako hanggang sa magsawa ka, pero ibang usapan na kapag nadamay na ang pamilya ko!"

Tumalikod si Jay at akmang maglalakad paalis nang maramdaman niya ang mahigpit na kapit ng isang nanlalamig na palad sa kaniyang mga braso. Nilingon niya si Shaun at nakita niya itong nakayuko. May mga patak ng tubig na bumabagsak sa dulo ng itim nitong buhok.

"Sorry, Jay." Mahina nitong sambit.

Binawi ni Jay ang kaniyang braso. Lumayo siya sa binatang nakatayo sa kaniyang harapan na para bang magdudulot ng malubhang sakit ang prenteng paglapit niya rito.

"Sorry? Ganiyan ka naman palagi, Shaun." Natatawa niyang sagot. "Hindi ka nga makatingin sa akin ng diretso habang nagso-sorry eh."

"Kilala na kita, boy. Sa dami ng sorry na sinabi mo sa akin simula noong mga bata pa tayo, alam kong wala roon, kahit isa, ang totoo." Tila pagod nang paliwanag ni Jay.

"Ang totoo, duwag at sinungaling ka. Pakiramdam mo ang taas-taas mo kasi nagagawa mo sa akin 'to? Magpasalamat ka na lang at lumaki kang mayaman at hindi mo nararanasan ang hirap na dinaranas ng pamilya ko."

Tuluyang tumalikod si Jay at naglakad palayo, iniwang balisa at basa sa kalungkutan ang nakayukong binata. Malakas ang tunog ng pagtama ng ulan sa kalsada, dahilan upang mawala sa hangin ang tatlong salitang pilit itinago ni Shaun sa matagal na panahon—naglaho na parang bula, at tila nalusaw sa mga patak ng ulang bumabagsak mula sa mga ulap.

The Irony of a Fiction (BXB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon