SIMULA

54 3 0
                                    

Simula

ARAW ng sabado, kaya ibig sabihin noon ay walang pasok sina Ella. Kanina pa siya gising ngunit nanatili lang siyang nakahiga sa kaniyang kama. Halos nanghihina ang kaniyang katawan dahil kagabi pa ito umiiyak. Sinusubukan naman niyang pigilan ang sarili sa pag-iyak ngunit kahit anong gawin niyang pagpigil, mas lalo lang bumabagsak ang kaniyang luha.

Ganoon nga naman yata talaga, kahit anong kagustuhan mong kontrolin o huwag gawin ang isang bagay. Darating talaga sa puntong hindi mo mapipigilan at ang puwede mo na lang gawin ay hayaan na mangyari iyon.

Tanghali na nang kumatok na naman ang best friend ni Ella sa kaniyang kuwarto. Magkahiwalay kasi sila ng kuwarto dahil marami ang bakante na kuwarto sa napili nilang boarding house. Kaya naman naisip nilang tag-isa na lang sila para naman sulit ang bayad nila at para mabigyan ng privacy ang isa't isa. Tulad na lang nang nangyari kay Ella, iyong ganoong pagkakataon ay talagang nangangailangan ng privacy. Ngunit tulad nang ginawa niya kaninang umaga, ay hindi rin niya ito pinagbuksan ng pinto at sinabi lang na hindi siya nagugutom.

Naisip naman ng best friend ni Ella na si Sanya na hayaan niya lang ito, mamaya na lang niya kukulitin. Panigurado rin naman kasi na lalabas din iyon kapag nagugutom na. Hindi rin kasi malaman ni Sanya kung bakit nagkukulong ito sa kaniyang kuwarto. Simula kasi nang umuwi si Ella kagabi, hindi pa rin ito lumalabas ng kaniyang kuwarto at hindi rin nagalaw ang iniwan niya na pagkain kagabi para kay Ella.

Alas-syete na ng gabi, kaya naman nagsimula na naman na katukin ni Sanya ang kaibigan. Oras na ng hapunan, kaya naman sobra ng nag-aalala si Sanya kung paanong natiis ni Ella na hindi man lang kumain. Hinayaan niya iyon sa pag-aakala na hindi niya matitiis ang kumain ngunit sa puntong iyon nagkamali siya.

"Bes! Ano ba!" naiinis na wika ni Sanya habang kinakatok ang pinto ng kuwarto ni Ella. Halos masira na nga ito sa paraan ng pagkatok niya. Paano ba naman kasi, panay ang pagmamatigas ng kaibigan. Ni sumagot man lang, hindi nito magawa. "Kakain na, kagabi ka pa hindi kumakain. May balak ka pa ba?" sarkastiko pang sabi ni Sanya. "Huwag mong sabihin na hindi ka na naman gutom at lalong huwag mong sabihin na diet ka! Hindi na lulusot sa akin 'yan. Lumabas ka na riyan. Kung ayaw mong sirain ko 'tong pinto ng kuwarto mo!" puno iyon ng pagbabanta, hindi na rin napigilan ni Sanya na magtaas ng boses.

"Hay nako! Lumabas ka na, kawawa ang mga alaga mo," dagdag pa nito, nangungonsensya ang kaniyang tinig.

Ang tinutukoy ni Sanya ay ang alagang uod sa tiyan ni Ella, na panigurado kagabi pa gutom. Ngunit tila hindi natinag ang kaibigan at hindi pa rin siya kinibo nito. Patuloy lang ang pagkatok ni Sanya, halos mamula na ang kaniyang kamao pero hindi ito tumigil. Ang gusto niya lang mangyari ay ang mapalabas sa kuwarto ang kaibigan para makapag-usap sila ng maayos. Mapakinggan niya kung ano man ang pinagdaanan ng kaniyang kaibigan at kailangan na umabot ni Ella sa puntong iyon.

Kung mayroon lang sanang duplicate na susi si Sanya kanina pa niya iyon binuksan. Ngunit, iniiwanan lang kasi siya ni Ella ng susi kapag aalis ito ng boarding house at sinasabit lang naman niya sa labas ng kuwarto nito.

"Mukhang wala ka talagang balak na pagbuksan ako, ha?" tila napupuno ng wika ni Sanya. Kanina pa kasi siya nakatayo. Kahit isang salita, wala man lang siyang narinig mula kay Ella.

Aha! Hindi ka talaga lalabas, ha. Tingnan natin kung hindi ka pa rin lumabas pagkatapos ng gagawin ko.

"Hello, tita... Si Sanya po ito." Nilakasan ni Sanya ang boses, sinasadya niyang iparinig kay Ella. Mas idinikit niya ang sarili sa pinto ng kuwarto. "Ah, pasensya na po kung naistorbo ko po kayo. Si Ella po kasi—" Hindi na natuloy pa ni Sanya ang sasabihin nang bumukas ang pinto at muntik pa siyang matumba dahil muntik na niyang hindi mabalanse ang katawan. Sino ba naman kasing hindi matutumba, 'di ba? Bigla ba naman na hilain ang pinto nang nakasandal 'yong tao?

THANK YOU, BUMBLE.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon