Elrond's POV
UMORDER ako ng kape. 'Yung pinakamatapang. Walang gatas, walang asukal. Pagkasipsip ko nito't dumaloy sa lalamunan ay natikman ko ang matinding pait—kasimpait ng sitwasyon ko ngayon.
Imbis na umalis ay nakuha ko pang mag-stay sa coffee shop, tiniis ko 'yung kapeng kay mahal-mahal na halos isuka ko ang lasa. Ito ang binili ko para magising ang diwa ko—na hindi ito isang panaginip. Pero putspa, ang pait-pait. Sobrang pait.
Nang maubos ko ang kape'y tumambay pa rin ako sa pwesto kung saan ay dapat naroon siya. Taragis, anong nangyayari? Makalipas ang isang oras ay no'n ko lang naisip 'yon at sunod-sunod akong napamura sa isip nang mapagtanto ko ang kababalaghan.
Alam kong pinagbintangan ko siya nang makita ko noong umagang nagising ako 'yong voice message na pinadala ko sa kanya. Naramdaman ko rin na kaya siya pumayag kaagad na makipag-meet up sa'kin ay para patunayan na inosente siya.
Kitang-kita ko rin ang takot sa kanyang mga mata bago niya patayin 'yung video call kanina. Tiyak kong kaagad siyang tumakbo sa gulat at takot. Pero ako... Imbis na tumakbo rin paalis ay nakuha ko pang manatili rito. Naghihintay sa wala.
Lihim na umaasa na walang nangyari kanina. Na isang malaking prank lang ang lahat. Parang mas kaya ko pa 'atang tanggapin na all this time ay baka ginagago lang niya ako.
Muli kong naalala ang mga mata niya kanina, namuo ang mga tubig, namumula, at anumang sandali ay iiyak. Imposible.
"Uhmm... Sir?" Nabasag ang pagmumunimuni ko nang makita ko ang isang babaeng staff sa gilid. "O-order pa po ba kayo? Pasensiya na, Sir, kasi dumarami na 'yung customers namin."
Kaagad naman akong tumayo. "Oh, okay lang. Sorry din."
Pagkalabas ko ng coffee shop ay madilim na. Naglakad ako papuntang sakayan at sumakay ng bus—hindi ko na nga tiningnan kung saan papunta 'yon sa sobrang kalutangan ko. Pagkaupo ko sa loob ay narinig ko ang kanta ng Eraserheads na Pare ko. Saktong papuntang chorus ang kanta, 'Masakit mang isipin. Kailangang tanggapin. Kung kelan ka naging seryoso. Saka ka niya gagaguhin...'
Mukhang trip talaga ako ng tadhana dahil mas lalo lang nitong pinamukha sa 'kin 'yung nangyari kanina. Pero... Hindi mo pa naman sigurado kung talagang ginago ka niya, Elrond. Iyon ang binubulong sa 'kin ng lintik kong konsensya.
Gusto kong pitikin 'yung sarili ko dahil patuloy pa rin akong umaasa at naniniwala... Na totoo ang lahat. Huwag ka munang sumuko.
Saktong nag-angat ako ng tingin at nakita ang pamilyar na street, dali-dali akong pumara at nag-abot ng bente pesos sa kundoktor at saka mabilis na bumaba, hindi pinansin ang pagtawag sa 'kin nito. Keep the change, Manong.
Nandito na naman ako. Sa Nyx, sa lugar kung saan ko nakita si Elise o Elora—putek, hindi ko na alam.
Mabuti na lang at wash day namin ngayon at naka-civilian ako. Sa mga sandaling 'yon ay parang kusang gumalaw ang mga paa ko papunta sa loob ng Nyx kahit na isinisagaw ng utak ko na huwag, sa kabilang banda'y may pilit ding bumubulong sa 'kin na sige pasok ka lang—alamin mo ang katotohanan. Nababaliw na 'ata ako.
BINABASA MO ANG
Against Alter
Science FictionAs if willed by fate, college students Elrond and Elora find themselves connecting through Alter--a popular dating app among the youth. But when they discover that their realities aren't what they seem to be, can they be brave enough to risk it all...