CHAPTER 1
ღ
"What? A personal bodyguard? Dad, are you serious?" Umalingawngaw ang matinis na boses ni Saorsie Verajuela sa buong mansiyon.Maging ang personal maid niyang si Serene ay napatakip ng tainga kahit nasa loob na ito ng kaniyang kuwarto at abalang nag-aayos ng mga gamit niya sa closet.
"Yes hija, a personal bodyguard," pag-uulit ng ama niyang si Aurelio upang matiyak na hindi siya nagkamali ng pandinig.
Dismayado siyang napatitig dito kasabay ng malalim niyang pagbuga ng hangin sa kawalan. Matagal-tagal na rin kasi na walang bumubuntot sa kaniya simula nang tumuntong siya sa high school.
Pinagkrus niya ang kaniyang mga braso at seryosong kinausap ang ama. "But why, Dad? I mean... I can protect myself alone and you know that," giit niya, palibhasa’y alam kung paano protektahan ang sarili.
First year high school siya nang magsimulang magsanay ng iba't ibang uri ng self-defense. Kung kaya't tumatak na sa kaniyang isip, na kaya na niyang protektahan ang sarili sa lahat ng oras at pagkakataon.
"Oo hija, alam ko. Pero ginagawa ko ito para sa kaligtasan mo."
Kumunot ang noo niya sa paliwanag ng ama.
Isa lamang kasi ang ibig sabihin nito. Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi muna niya pansamantalang magagawa ang mga nakasanayan, dahil palagi nang may magbabantay sa bawat kilos niya.
Iyon pa naman ang pinakaayaw niya— ang may bumubuntot sa kaniya kahit saan siya magpunta. Nasanay na rin kasi siyang kumilos mag-isa simula nang mamatay ang kaniyang ina noong limang taong gulang siya.
"Don't tell me na pati sa school ay naroon siya upang bantayan ako," taas kilang niyang turan.
Alanganing ngumiti ang kaniyang ama. "Definitely, hija."
Nabagabag siya sa sagot nito. Kung alam lang niyang ganito ang magiging eksena nilang mag-ama ngayong gabi, ay hindi muna siya umuwi at nagpakasaya na lamang sa pag-inom ng alak.
"Prank ba 'to, Dad? Kasi kung oo, hindi ito nakakatawa." Kanina pa siya nawawalan ng pasensiya at gusto nang sumabog sa galit.
Mas lalo lang siyang nayamot nang makita na hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Seryoso pa rin itong nakatitig sa kaniya, ngunit sa bakas hitsura nito ang pangamba't pag-aalala.
"It's not," sinsero nitong sagot. Limang segundo ang lumipas bago ito muling nagsalita. "Look hija, malapit na ang eleksiyon—"
Naputol sa pagsasalita ang kaniyang ama nang ikiling niya pakaliwa ang kaniyang ulo. Nagpanting ang kaniyang tainga sa narinig. Nanginginig niyang ikinuyom ang mga palad at pilit na pinakalma ang sarili.
Matagal ng gustong sabihin sa kaniya ng ama ang tungkol dito ngunit nahihirapan itong makahanap ng tiyempo.
"Makinig ka sa akin, anak. N-nakatanggap ako ng death threat kaninang umaga. Hindi ako ang pakay nila kung 'di ikaw." Masamang tingin ang ipinukol niya sa ama.
Gustuhin man niyang suportahan ito sa desisyong pagtakbo bilang gobernador sa kanilang lalawigan ay hindi niya magawa, dahil iyon ang naging mitsa ng kamatayan ng kaniyang ina.
Imbes na mabawasan ang poot niya rito ay mas lalo itong nadagdagan.
"Sigurado ako na isa sa mga kalaban ko sa politika ang may gawa ng pagbabanta. That's why as early as possible, I am doing all the best that I can to protect you. Hindi ko na kakayanin pa kung pati ikaw ay mawawala sa 'kin, anak," malungkot na tinig nito.
BINABASA MO ANG
I Hate You, Mr. Bodyguard
RandomMaldita si Saorsie, palibhasa lumaki na palaging nasusunod ang gusto. Bata pa siya nang maulila sa ina dahil sa pagkasawi nito sa isang aksidente. Sa muling pagtakbo ng kaniyang ama sa eleksyon, mas lalo siyang napalapit sa panganib. Isa sa mga kal...