Chapter Seven

285 34 9
                                    



HINDI ko alam kung paano ko papalipasin ang Sabado at Linggo ko. Naiinip na ako. Sobra! Gusto ko nang dumating ang Lunes para naman makita, makasama at makausap ko na si Celestina. Tinapos ko na lahat ng assignments ko. Nag-Facebook na rin ako. In-add ko na siya sa account niya at hinihintay ko na lang na I-accept niya iyon. Nakakainip...

Celestina. Celestina...

Ano bang ginawa mo sa akin? Ginulo mo ang puso at buhay ko pero gusto ko ang panggugulo mo. Parang nilagyan mo ng samu't saring spices ang buhay kong walang kalasa-lasa. Sumarap. Sumaya!

Kaya naman nang sumapit na ang Lunes ay maaga akong nagising para pumasok sa school. Eight o'clock pa ang first class namin pero seven pa lang ng umaga ay nasa school na ako. Nakaupo na ako sa seat ko at nakatingin sa may bintana sa na katabi lang ng hallway. Doon kasi dumadaan si Celestina papunta sa classroom nila.

Nagpaluto pa nga ako kay nanay ng lunch for two person para mai-share ko iyon sa kanya mamayang lunch. Nagtaka nga si nanay kung bakit nagpaluto ako sa kanya, e, sa school canteen naman ako madalas bumili ng lunch tapos pangdalawang tao pa raw. Hindi na lang niya inusisa nang hindi ako sumagot pero malakas ang kutob ko na alam niyang para iyon kay Celestina.

Dumating na si Kevin at umupo siya sa tabi ko. Seatmate kasi kami. Hindi nito kasabay na dumating si Yasmin. Mas nauna si Yasmin at napansin ko na madilim ang kanyang mukha. Parang may problema yata.

"O, bakit parang giraffe ka sa pagkahaba ng leeg mo kakatingin sa bintana?" tanong niya nang mapansin niyang hindi ako mapakali kakatingin sa bintana. "Teka, inaabangan mo si Celestina, 'no! Ikaw, ha! Pumapag-ibig ka na talaga, bro! Iba ka na talaga ngayon! Baka daigin mo pa ako sa pagka-chickboy niyan, ha!" sinundot pa niya ako sa tagiliran.

Napaigtad ako dahil meron akong kiliti doon. "Ano ba, bro? Nakakakiliti!" Tinabig ko ang kamay niya nang akmang kikilitiin na naman niya ako. "Saka wala nang makakadaig sa pagiging chickboy mo. Highest rank ka na!" biro ko.

"E, kasi natutuwa lang ako. Ngayon ko lang kasi nakita na nagkagusto ka sa isang babae. Akala ko nga noon, bakla ka, e. Sana talaga sagutin ka na ni Celestina."

"Gago ka talaga! Pero kaya nga. Para naman parehas na tayong may girlfriend."

Huminga nang malalim si Kevin. Biglang sumeryoso ang mukha niya. "Wala na kami. Break na kami ni Yasmin." Parang wala lang na sabi nito.

"Wala na kayo agad? Kakapakilala mo lang sa akin na girlfirend mo 'yon, a!" gulat na react ko.

"Oo. Noong gabi ng Sabado kami nag-break. Well, ganoon talaga. Walang forever!"

"Bakit? Kaya pala parang pasan ni Yasmin ang mundo ngayon..." Pasimple kong sinulyapan si Yasmin at agad kong binawi ang tingin ko nang makita kong nakatingin pala siya sa amin ni Kevin. Baka makahalata siya na siya ang pinag-uusapan namin, e.

"Ayoko na. Sawa na agad ako sa kanya. Kaya break na. Ganoon naman talaga dapat. Kapag hindi mo na mahal, kesa maghanap ka ng bago habang kayo pa, i-break mo na agad. Mas okay 'yon kesa mag-cheat, 'di ba?" sagot ni Kevin.

Napailing na lang ako. Parang wala lang kasi kay Kevin ang lahat. Sa pagkakaalam ko kasi kapag ganitong bagong break ang isang tao, dapat malungkot. Pero parang si Yasmin lang ang malungkot sa dalawa kasi hindi ko nararamdaman na malungkot ang bestfriend ko.

Iba rin talaga itong si Kevin. Madali lang siguro para sa kanya ang makipagbreak dahil alam niyang madali din siyang makakahanap ng kapalit.

"May point ka naman pero tignan mo naman si Yasmin. Kawawa naman siya. Halatang broken hearted, e."

My Suicidal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon