NAUBOS ko ang isang box ng tissue dahil sa kakaiyak habang nagkukwento si Celestina. Nang matapos siya ay ang panyo ko na ang ginamit ko para pamunas ng luha at uhog ko. Ang sakit sa dibdib ng mga nangyari sa kanya noong mga panahon na hindi ko siya nakikita at wala akong balita sa kanya. Kahit siya ay naiiyak kanina habang nagkukwento kaya naman pagkatapos niya ay binigyan ko siya ng isang mahigpit na yakap.
'Ayon sa kanya ay isang lalaki na medyo matagal na niyang kilala ang naging dahilan kung bakit siya lumayas sa bahay ni Bruno. Bukod sa ugali ni Bruno at ginagawa nito sa kanyang pambabastos ay iyon daw ang dahilan kung bakit siya bigla na lang nawala.
"Buntis ako. T-tatlong buwan..." sabi daw niya sa lalaki. Umiiyak daw siya noon.
Ang akala ni Celestina ay magagalit ang lalaki sa kanya pero bigla daw siya nitong niyakap sabay sabi: "O, bakit ka umiiyak? Akala mo ba ay hindi kita papanagutan? Huwag kang mag-alala, papanagutan kita at ang magiging baby natin."
"Promise?"
"Promise!"
Umasa si Celestina sa pangako ng lalaki. Ang sabi nito sa kanya ay mapapatay daw siya ng magulang nito oras na malaman na nakabuntis ito. Kaya mas maganda daw kung magtanan na lang sila at magpakalayo-layo.
Kaya naman daw nang sumunod na gabi matapos kaming mag-usap sa may bubong ay pasikreto siyang umalis ng bahay ni Bruno pero nagising ito nang papalabas na siya ng pinto. "Saan ka pupunta?!" sigaw sa kanya ni Bruno.
"Wala ka nang pakialam! Aalis na ako dito! Sasama na ako sa lalaking mahal ko!" tugon ni Celestina.
Nagkita sila ng lalaki sa paradahan ng jeep. Gabing-gabi na daw noon. Sumakay sila ng jeep at nakatulog siya sa balikat ng lalaki. Ginising na lamang siya nito nang bababa na sila.
"Nasaan na tayo? Hindi ko na alam ang lugar na ito."
"Basta, sumunod ka lang sa akin. Hindi naman kita ipapahamak, e."
Nagtiwala daw siya sa lalaki. Masaya siya kasi nangako ito na papanagutan siya nito at ang magiging anak nila. Alam daw niya na masyado pa silang bata pero naroon na raw, e. Kaya panindigan na lang nila.
Naglakad sila ng lalaki at pumasok sila sa isang bahay na hindi pamilyar sa kanya. Sa pinto pa lang ay sinalubong na sila ng isang may edad na ginang. Nang isara at i-lock daw ng lalaki ang pinto ay medyo nakaramdam na siya ng kaba.
"Ano ito? Nasaan ba tayo?" Natatakot niyang tanong.
Hinawakan siya ng lalaki sa balikat. "Celestina, ito ang tamang gawin natin. Bata pa tayo. Nag-aaral. Hindi pa natin kayang magpalaki at bumuhay ng baby. Isa pa, mapapatay ako sa amin kapag nalaman nila na nakabuntis ako! Hindi pa rin ako handa sa responsibilidad. Hindi ko pa kayang bumili ng diaper at gatas ng bata. Marami pa akong pangarap. At alam kong matatapos ang lahat ng pangarap ko kapag lumabas ang batang nasa tiyan mo!"
Tinanggal niya ang kamay ng lalaki sa kanyang balikat. Napapailing na umatras siya. "A-anong gagawin mo? Huwag mong sabihin na..." Napahinto siya sa pagsasalita nang tumango ang lalaki. Nahihintakutan siyang napatingin sa kasama nilang ginang. "Hindi. Hindi ako papayag! Ayokong patayin ang baby ko! Ayoko!"
"Celestina! Makinig ka!" sigaw ng lalaki sa kanya. Takot na takot siya sa nanlilisik nitong mga mata. "Ipapalaglag mo ang batang nasa tiyan na iyan sa ayaw at sa gusto mo!"
"P-pero... a-anak mo ito. Buhay ang nandito sa tiyan ko. Bakit parang wala kang pagmamahal sa kanya?!"
"Ineng, tatlong buwan pa lang naman iyan. Hindi pa iyan buo," singit ng ginang sa pag-uusap nilang dalawa.
BINABASA MO ANG
My Suicidal Girl
RomanceIsang kasunduan ang namagitan kina Alonzo at Celestina noon na kapag lumipas ang limang taon at wala pa rin silang ibang mahal ay magiging sila na. Ngunit biglang nawala si Celestina at makalipas ang limang taon ay muli silang nagkita sa isang hospi...