Chapter Eight

273 31 3
                                    



ISANG linggo na ang nakakalipas simula nang hindi na pumasok si Celestina sa school. Sinusubukan kong tawagan ang number niya pero patay naman ang phone niya. Hanggang ngayon ay nagtatalo pa rin ang isip ko kung maniniwala ba ako sa sinabi ni Bruno na nakipagtanan si Celestina kasama ang ibang lalaki. Kung totoo man iyon, bakit hindi sinabi sa akin ni Celestina na may iba na siyang mahal? Bakit pumirma pa siya sa kasunduan na ginawa namin? Bakit kailangan niya akong paasahin?

Halos wala na akong ganang kumain dahil siya ang palaging iniisip ko.

"Tapos ka na agad?" tanong sa akin ni nanay nang tumayo na ako mula sa pagkain ng hapunan kahit hindi ko pa ubos ang nasa pinggan ko.

"Opo, 'nay."

"Aba, himala. Paborito mo ang niluto kong sinigang, a. Kapag iyan ang niluluto ko, madami kang nakakain. Teka, may sakit ka ba?"

"Wala po. Ayos po ang pakiramdam ko. Busog lang po ako. Sige po, mag-aaral na muna ako sa kwarto ko. Marami po kaming assignment ngayon."

Tuluyan na akong umalis sa hapag-kainan at pumasok sa aking kwarto. Nasa study table ako pero mga pictures ni Celestina ang tinitignan ko. Pina-develop ko na kasi iyong mga pictures noong acquaintance party. Isinama ko na rin iyong mga stolen shot ko sa kanya noong hindi pa kami magkakilala.

Nasa ganoon akong eksena nang may kumatok sa pinto. Marahan iyong bumukas at sumungaw ang ulo ni tatay. "May ginagawa ka ba, Alonzo? Naistorbo ba kita?" tanong niya sa akin.

Itinago ko sa loob ng aking notebook lahat ng pictures ni Celestina. "Wala po. Bakit po?" tanong ko naman sa kanya.

"Pwede ba kitang makausap?" Hindi pa man ako sumasagot ay tuluyan nang pumasok si tatay sa aking kwarto. Isinara niya ang pinto at humila ng isang bangko. Umupo siya sa may harapan ko.

"Tungkol po saan?"

"Alam ko may problema ka. Napapansin kasi ng nanay namin na parang matamlay ka nitong mga nakaraang araw. Kaya kinausap na kita. Hindi kami sanay na malungkot ka. Magsabi ka sa akin. Tatay mo ako, anak."

"'T-tay..." Hindi ko alam pero biglang naglaglagan ang mga luha ko. Parang bumuhos ng sobra-sobra ang lungkot na nararamdaman ko sa biglaang hindi pagpapakita ni Celestina. Hindi ko kasi nakakausap si Kevin nang ganito kaya naman wala akong mapaglabasan ng emosyon ko.

Lumipat si tatay ng upo sa tabi ko. Inakbayan niya ako at kinabig para yakapin. Umiyak ako nang umiyak sa dibdib niya. "Sige lang, iiyak mo lang iyan. Ilabas mo lahat, anak... Okay lang ang umiyak kahit lalaki ka. Hindi iyan makakabawas sa pagkalalaki mo," aniya habang hinahaplos niya ako sa likod.

Ganoon nga ang ginawa ko. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa mapagod na ako. Huminto na rin ng kusa ang aking mga luha at hikbi. Dumukot siya ng panyo sa kanyang bulsa at ibinigay iyon sa akin. Inabot ko naman iyon at pinunasan ang aking basang mukha dahil sa luha.

"Ngayon, pwede bang sabihin mo na sa akin kung bakit ka malungkot?"

"N-nahihiya po ako, e. Parang hindi ko po kayang sabihin."

"Ano ka ba, Alonzo? Hindi ka dapat mahiya dahil tatay mo ako. Ako kaya ang gumawa sa iyo kasama ng nanay mo!" Medyo natawa ako sa sinabi ni tatay kaya kahit papaano ay nagkaroon ako ng lakas ng loob para sabihin na sa kanya ang dahilan kung bakit ako ganito.

"Tatay, bakit ganoon? Unang beses kong magmahal ng isang babae tapos akala ko mahal niya rin ako kasi iyon ang ipinapakita at ipinaparamdam niya... Pero, bigla lang din pala siyang mawawala. Bigla na lang niya akong iniwan... Sobrang sakit po kasi. Parang hindi ko kaya 'yong sakit na nararamdmaan ko ngayon." Para akong batang nagsusumbong sa tatay niya matapos itong awayin ng mga kalaro.

Ginulo ni tatay ang buhok ko. Madalas niya iyong gawin simula noong bata pa ako hanggang ngayon. "Hay, naku, Alonzo... Ang unang pag-ibig ang pinaka masarap pero ito rin ang pinaka masakit. Si Celestina ba? Siya ba ang babaeng tinutukoy mo?" Marahan akong tumango. "Sa totoo lang, hindi ko alam ang sagot sa katanungan mo dahil si Celestina lamang ang makakasagot niyan. Kung bakit ka niya iniwan nang hindi nagsasabi ay siya lang ang may alam ng sagot. Nasa iyo na iyan kung patuloy kang aasa na masasagot niya ang tanong mo o hahayaan mo na lang na hindi ka mabigyan ng kasagutan at magpatuloy sa buhay. Una mo pa lang iyan at marami pang susunod. Kaya dapat handa lagi iyang puso mo!" Itinuro ni tatay ang tapat ng aking dibdib.

"Gusto ko po siyang makita. Gusto kong magkaroon ng sagot ang mga tanong ko..."

"Kung nakatakdang magkita ulit kayo, mangyayari iyan. Pero kung hindi, mas maiging tanggapin mo na lang na ganoon talaga ang gusto ng Diyos na mangyari sa inyo. Basta kapag kailangan mo ng makakausap, nandito lang kami ng nanay mo. Isa pa, huwag ka nang masyadong malungkot. Baka mapabayaan mo ang pag-aaral mo. Kami naman ang malulungkot ng nanay mo kapag nangyari iyon..."

Tumango-tango ako. "Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po pinapabayaan ang pag-aaral ko. Maraming salamat kasi kinausap niyo ako, tatay. Pwede po bang payakap ulit?"

Ibinukas ni tatay ang kanyang mga bisig para sa akin. Muli niya akong niyakap. Kahit papaano ay nakaramdam ako ng paggaan ng pakiramdam dahil doon.

Matapos ang pag-uusap namin na iyon ni tatay ay lumabas na siya sa aking kwarto. Inilabas ko na ulit ang mga litrato ni Celestina. Pati na ang notebook kung saan naroon ang aming kasunduan ay walang sawang tinitigan ko rin.

Malakas pa rin ang paniniwala ko na isang araw ay magpapakita rin sa akin si Celestina. Alam ko na hindi niya ako hahayaang mag-isip nang sobra. Alam kong alam niya na nag-aalala ako sa kanya. Siguro, naghahanap lang siya ng tamang timing para gawin iyon.

"Miss na miss na kita, Celestina. Sana okay ka lang kung nasaan ka man ngayon... Sana naiisip mo na nag-aalala ako sa iyo..." bulong ko at hinaplos ko ang litrato niya kung saan siya ay nakangiti.

Maya maya ay humiga na rin ako sa aking kama. Nakatitig lang ako sa kisame at walang ibang iniisip kundi si Celestina lamang.

My Suicidal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon