Chapter Twelve

271 31 3
                                    



DALAWANG litro ng chocolate ice cream ang binili ko para kay Celestina para man lang makabawi ako sa kanya. Alam ko kasi na nagtatampo siya sa akin dahil sinabi ko kina nanay at tatay na nagkita na kami kahit sinabi niya na 'wag kong ipagsabi sa iba na nagkita na kami. Pero, eventually, mauunawaan din niya kung bakit ko kailangang gawin iyon. Basta, ngayon, hinding-hindi ko siya iiwanan. Ipaparamdam ko sa kanya na hindi siya nag-iisa, na palagi lang akong nasa tabi niya kapag kailangan niya ako.

Nakalabas na ako ng convenience store. Naglalakad na ako pabalik sa ospital. Excited akong ibigay itong ice cream kay Celestina dahil paborito niya ito. Makikita ko na naman siyang kumain na parang bata. Hay... sobrang saya lang talaga na sa wakas ay nagkita kaming muli. Ilang linggo na lang at magkakaroon na ng bisa ang kasunduan na pinirmahan namin. Excited na akong maging akin siya at kapag may maganda na akong trabaho, magpapakasal agad kaming dalawa. Nakikita ko na ang sarili ko na kasama siya hanggang sa aking pagtanda. Tapos mag-aalaga kami ng makukulit naming mga apo!

Medyo malapit na ako sa ospital nang mapahinto ako sa paglalakad. Si Celestina ba itong nakikita ko na nakatayo malapit sa traffic light? Marahan akong naglakad at medyo malapit na ako sa kanya ay doon ko nasiguro na siya nga iyon. Kulay red pa ang ilaw doon kaya naman nakahinto pa lahat ng sasakyan. Nagtatawiran ang mga tao. Tatawid ba siya? Pero kung tatawid siya, bakit hindi pa siya tumatawid?

Nag-yellow na ang ilaw.

Bigla akong kinabahan dahil tila alam ko ang gagawin niya. Bumalik sa aking alaala iyong nagtangka siyang magpasagasa noong gabi ng acquaintance party. Nang maging green na ang ilaw ng traffic light ay humakbang na siya patawid kasabay nang pag-andar ng mga sasakyan. Nabitawan ko ang hawak kong ice cream at mabilis na tumakbo papunta kay Celestina. Malapit na siya sa gitna nang mayakap ko siya at hinila papunta sa gilid ng kalsada.

Nagwala siya. Nagpumiglas. Nagpupumilit na bitawan ko siya.

"Ano ba, Celestina?!" sigaw ko sa kanya.

"Bitawan mo ako! Hayaan mo na lang akong mamatay!"

"Akala ko ba hindi mo na ito gagawin?!"

Sa pagwawala niya ay natumba na kami sa semento. Hindi ko pa rin siya binibitawan kahit naramdaman ko ang paggasgas ng aking dalawang siko sa sementong magaspang.

"Bakit kasi lahat ng tao ay hindi marunong tumupad sa mga pangako nila? Pare-parehas lang kayo! Bakit kayo ganiyan?!" Umiiyak na siya. Hindi na nagwawala pero pumapadyak pa rin ang mga paa.

"Sorry! Alam ko kasalanan ko. Pero sinabi ko lang naman kina nanay ang tungkol sa iyo kasi alam kong magtataka sila kung bakit parati akong mawawala sa bahay!"

"Edi, hayaan mo na lang ako! Hindi ko naman sinabing samahan mo ako!"

"Hindi nga! Pero gusto ko ito! Gusto ko na palagi kitang kasama dahil mahal kita! Mahal kita, Celestina!" Samo't saring emosyon na ang lumukob sa akin ng sandaling iyon.

Takot dahil nagtangka na naman siyang magpakamatay. Lungkot dahil nagu-guilty ako sa hindi ko pagtupad sa akin pangako. Hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko sa kanya.

"Mahal na mahal kita. Mahal na mahal kita..." Paulit-ulit na sambit ko habang nakasubsob sa kanyang likuran.

Huminto na si Celestina sa pagwawala. Tinapik niya ako sa braso. "Bitaw..." aniya.

Marahan kong niluwagan ang pagkakayakap ko sa kanya hanggang sa pakawalan ko na siya. Nauna siyang tumayo sa akin. In-offer niya ang isa niyang kamay at tinanggap ko iyon. Hinila niya ako patay. Pinuntahan niya ang nabitawan kong ice cream at muling lumapit sa akin. "Tara na sa loob. Kainin na natin 'to." Parang wala lang na sabi niya.

Nakatulala na sinundan ko lang siya ng tingin habang papasok sa ospital.


-----ooo-----


"AWW! Dahan-dahan..." Napaigtad ako nang dampian ni Celestina ng bulak na may alcohol ang sugat ko sa siko. Nakaupo ako sa gilid ng hospital bed habang siya ay nakatayo sa harapan ko. Nabalatan lang naman ang magkabila kong siko nang gumaggas iyon kanina sa semento. Nang nakabalik na kami sa loob ng kwarto niya sa ospital ay doon ko lang napansin na may sugat na pala ako doon. Mabuti na lang ay may medicine cabinet sa kwarto ni Celestina sa ospital kaya siya na lang ang nagprisintang gumamot niyon matapos naming kumain ng ice cream.

Huminto siya sa ginagawa at pairap akong tinignan. "Para ka namang bading, e. Alcohol lang ito, o. Para mawala ang germs sa sugat mo!" Hinawakan niya ulit ang braso ko.

Nang dampian niya ulit iyon ng bulak na may alcohol ay tiniis ko na lang ang hapdi. Tumingin na lang ako sa maganda niyang mukha para hindi ko gaanong maramdaman ang sakit. "Para ka namang nurse niyan, e." Napangiti ako.

"Talaga ba? Pangarap ko kasi talaga ang maging nurse. Kaya lang hindi na ako nakapag-aral. Kahit nga high school, hindi ko natapos, e..." Hinipan niya ang sugat ko at nilagyan niya ng benda.

"Hindi ka nakatapos ng high school? Ibig sabihin, hindi ka na nag-aral noong bigla ka na lang nawala?" tanong ko pagkatapos niya sa sugat ko.

Umupo siya sa tabi. "Hindi na." Nakalabi niyang sagot.

"Bakit?"

"E, kasi nagtrabaho na ako noon. Kailangan kong buhayin ang sarili ko kung hindi mamamatay ako sa gutom." Lumiwanag ang mukha niya. "Oo nga, 'no! Dapat pala hindi na ako nagtrabaho noon. Dapat ginutom ko na lang ang sarili ko hanggang sa mamatay ako!"

Binunggo ko siya ng balikat ko. "Loko ka talaga! Edi, sana hindi na tayo nagkita ngayon."

Bigla siyang tumingin sa akin. "Mahal mo pa rin pala talaga ako?"

"Oo naman." Diretso at walang gatol kong sagot.

"Wow! Ang swerte ko naman. Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin ako nawala sa puso mo. Iba ka rin, Alonzo. Lodi! Petmalu!" pagak siyang tumawa.

"At ang gusto ko ay ikaw na ang huli..." sabi ko pa.

Tumahimik lang siya. Nakatitig lang sa akin habang nagkukuyakoy ng paa. Wala kaming naririnig kundi ang tunog ng buga ng aircon.

"Ang sabi mo sa akin kanina, bakit lahat ng tao ay hindi marunong tumupad sa pangako nila? Sabi mo, pare-parehas lang kami. Ibig bang sabihin no'n, may iba pang tao na hindi tinupad ang pangako sa iyo maliban sa akin?"

Walang gatol na tumango si Celestina. "Oo. Meron. Siya iyong tao na pinangakuan ako, siya iyong naging dahilan kung bakit ako biglang nawalan. Nangako siya pero hindi niya tinupad..." Napansin ko ang luhang unti-unting namumuo sa gilid ng kanyang mata.

"Bakit, Celestina? Bakit ka bigla na lang nawala noon? Anong nangyari sa iyo?"

"Gusto mo ba talagang malaman kung bakit?"

Marahan akong tumango. "Oo. Gusto kong malaman..."

"Sige. Sasabihin ko na sa iyo kung bakit."

At inihanda ko na ang sarili ko sa mga susunod niyang sasabihin dahil sigurado akong magiging mabigat ito.

My Suicidal GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon