[Kabanata 4 - Ngiti]
INAANTOK kong tinusok ang laman ng isda na kaluluto lamang, umaga na at mag-isa ako ngayong kumakain sa loob ng aking cuarto. Walang pangalawang palapag ang muntimg tahanan na ito tulad ng aming mansyon, aking napagtanto na kay lungkot pa lang kumain mag-isa. Napahinga ako ng malalim at napatulala sa aking plato, marahil ay hindi lang talaga ako sanay ng mag-isa.
Ako'y hirap na hirap pang prituhin ang isdang ito kanina dahil kay lakas ng hangin sa lugar na ito at umaabot hanggang sa loob ng aking tahanan, kulang na lang ay tangayin ang bubong nito. Napailing na lamang ako at nagsimulang kumain, kagabi ay hindi ako makatulog dahil sa sa takot na baka may engkanto na sa aking paligid.
Ilang sandali pa ay pumasok sa aking isipan si Markus. Oo, Markus pala ang pangalan nya. Ako'y naglakas lob na tanungin sya kagabi matapos naming makatawid sa tulay at tuluyan akong ihatid sa mismong harap ng aking tahanan...
Nang tuluyan kaming ligtas na makatawid sa tulay ay tila nabunutan ako ng tinik na aking nararamdaman simula nang timapak ang aming mga paa sa kahoy ng tulay, nagbitiw na ang aming mga kamay. "Saan ang iyong tahahan?" Rinig kong tanong nya, dahan-dahan ko syang nilingon at nginitian nang naghihinala.
"Bakit nais mong malaman? Ikaw ba ay may masamang Adhikain?" Taas noong tanong ko, ang aking tingin ay puno ng paghihinala ngunit sa paraan ng biro. Wala pa rin syang naging reaksyon, nagulat ako nang talikuran nya ako at iiwan na sana akong mag-isa ngunit agad ko syang pinigilan.
"Sandali! Ito na nga, aking sasabihin na sa iyo. Alam ko namang hindi ka masamang tao, hindi ba?" Nakangiting tanong ko, hindi naman sya umimik. Ayaw na lang sabihin 'oo' o tumango man lang upang hindi na ako maghinala pa sa kanya, masyadong 'di karaniwan ang lalaking ito.
"Tayo'y didiretso lamang at susundan ang daan hanggang sa matanaw mo ang isang munting bahay na gawa sa bato, sa akin iyon. Ako nga lang ata ang nakatira sa buong kalye roon," napapakamot sa noong saad ko, ilang sandali syang tumingin sa akin na tila ba inaalam kung nagsasabi ako ng totoo bago tumango at nauna sa paglalakad.
Muli ko syang hinabol, bakit ba sya nang-iiwan? "Sya nga pala, anong pangalan mo?" Interesadong tanong ko, pakiramdam ko ay nais ko syang maging kaibigan. Masungit sya ngunit sa huli ay papayag sya sa iyong Adhika, kagila-gilalas.
"Bakit nais mong malaman?" Imbis na sagot ay tanong din ang ibinigay nya, napahinga na lang ako ng malalim. Bakit ba ang hirap nyang kausap?
Hindi na lang ako umimik at hindi sya pinansin, nakita ko nang pasimple nya akong sulyapan bago tuluyang hindi rin ako pansinin. Nakakainis naman ang lalaking ito, parang kailangan ay sya pa ang suyuin. Namutawi ang katahimikan sa pagitan namin hanggang sa matanaw ko na ang aking tahanan, tumigil sya sa paglalakad.
"Siguro naman ay kaya mo nang dalhin ang iyong sarili sa iyong tahanan?" Kunot noo ko syang nilingon dahil sa tanong nyang iyon, sya nga itong nag-alok na tulungan ako. Tumango na lang ako dahil hindi ko na nais pang makipagtalo, inaantok na ako at nangangalay na rin ang aking mga paa.
Muli akong nagbigay galang sa kanya bilang pamamaalam, akala ko ay tuluyan na akong makakauwi sa aking tahanan ngunit limang hakbang pa lang ang aking nagagawa papalayo sa kanya ay nagsalita muli sya.
"Markus... Markus ang aking ngalan," rinig kong saad nya, dahan-dahan akong napalingon sa kanya ngunit naglakad na sya papalayo sa akin. Napangiti na lang ako sa kawalan habang tinatanaw ang kanyang pag-alis, magpapakilala rin pala.
Hindi ko alam ngunit aking hinihiling na makita syang muli, tila may nag-uudyok sa akin na maging kaibigan sya. Nang maramdaman ko ang lamig na bumabalot sa kanya ay tila nakaramdam ako ng pagnanais na malaman ang dahilan ng kanyang pagiging malamig. Mabilis kong tinapos ang aking pagkain bago ito iligpit, huhugasan ko na lamang ito mamaya.
Nagtungo na ako sa banyo ngunit napatigil ako nang mapagtanto na wala nga pala akong tubig upang makaligo, napapikit na lamang ako at malakas na isinara ang pinto ng banyo. Nakaligtaan ko na mag-isa na nga lang pala akong namumuhay ngayon, kailangan kong gawin ang lahat ng bagay para sa aking sarili dahil walang ibang gagawa no'n para sa akin.
Nais ko na lang sanang maligo nang malaya sa ilog ngunit may mga tao sa probinsyang ito at hindi lang ako. Sayang, kay sarap pa naman sigurong lumublob sa malinaw at malinis na tubig roon. Kinuha ko na lang ang balde sa loob ng banyo at ilinagay sa loob no'n ang plato at kubyertos na ginamit ko, ako'y nauuhaw na rin.
Lumabas na ako ng bahay at sinara iyon bago maglakad patungo sa ilog kung saan doon ako kukuha ng tubig na magagamit, doon rin ako maghuhugas ng pinggan. Magaan pa lang ang baldeng dala-dala ko ngayon ngunit mamaya ay sobrang bigat na nito dahil sa tubig na ilalagay ko sa balde mamaya, nawa'y kayanin ko ito.
Nang makarating sa tulay ay maingat akong naglakad pababa, kumakapit ako parati sa mga bato upang hindi madulas o mawalan ng balanse. Nang tuluyang makarating sa ilog ay hinihingal akong napaupo sa malaking bato at napahawak sa tapat ng aking puso, pakiramdam ko ay naglakad ako mula sa aking bahay hanggang sa pamilihan. Pinunasan ko ang namumuong pawis sa aking noo gamit ang likod ng aking palad, marahil ay nagmukha na akong labandera ngayon.
Sinimulan ko nang hugasan ang dalawang plato at kubyertos na aking ginamit kanina, kaonti lang naman ito kung kaya't mabilis akong natapos. Linagay ko na ang mga ito sa bakol (basket), kumuha ako ng baso bago sumalok sa malinis at malinaw na tubig ng ilog at ininom iyon. Naghilamos na rin ako at nagsipilyo matapos no'n.
Ipinusod ko ang aking buhok bago nanlulumong nagsalok ng tubig sa loob ng timba, bahala na talaga kung ano man ang mangyari. Nawa'y hindi na lang ako matumba o matalisod dahil sasabog talaga ako at pipiliin na maligo na lang sa ilog kahit pa hindi iyon kaaya-ayang tignan.
Napahinga ako ng malalim at isinabit ang bakol sa aking balikat, bubuhatin ko na sana ang balde ngunit nagulat ako nang may kamay na naunang gawin iyon. Nagugulat na ako'y nag-angat ng tingin kay Markus na syang pumigil sa akin, binuhat na nya iyon na tila hangin lang iyon sa kanya.
"Ako na ang gagawa nito. Mukhang ikaw ay tila hirap na hirap na kahit hindi mo pa nabubuhat ito," natatawang saad nya at napatingin sa aking mga mata na ngayon ay nagugulumihanan, ano't sya'y biglang naging palangiti?
Inalis na nya ang tingin sa akin at nauna sa paglalakad pauwi, naiwan akong tulala sa kanyang likuran habang patuloy na naglalaro sa aking isip ang kanyang mga ngiting tila nagdulot ng pagkabog sa aking nananahimik na puso.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Serye #2: Gunita
Historical Fictiongunita // ikalawang serye ng pag-ibig Si Carolina ay isang palangiti at masiyahing binibini ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago matapos talikuran ang kaniyang kaibigan. Kinailangan niyang lumisan upang magpahangin at kalimutan ang pait na nangyari s...