[Kabanata 5 - Tagasilbi]
MABILIS akong natapos sa aking pagligo dahil sa aking pagnanais, matapos naming makarating ni Markus sa loob ng bahay ay iniwan nya lang ang balde sa tapat ng palikuran bago tanguhan ako at umalis na tila walang nangyari. Ako'y naguguluhan sa kanyang kilos ngunit nagpapasalamat pa rin ako dahil tinulungan nya ako.
Kaya naman nagmamadali akong nagbihis, kulay kremang baro at dilaw na saya ang aking suot. Hinayaan kong nakalugay ang aking buhok upang malaya itong matuyo, matapos dalhin ang aking salapi ay kinuha ko na ang aking dilaw na abaniko sa lamesa at nagmadaling lumabas ng aking tahanan. Kailangan kong makita ngayon si Markus!
Pagkalabas ko ay dumiretso agad ako sa tulay kung saan doon ko lagi sya nakikita, marahil ay malapit lang ang kanyang tirahan rito. Saan ba kasi nakatira ang lalaking iyon? Bigla-bigla kasing lumilisan ng walang paalam. May mga tao akong nakakasalubong na abala sa kani-kanilang buhay, nais ko sanang magtanong ngunit natatakot ako na mauwi ako sa kahihiyan. Hindi ko alam kung bakit ako'y natatakot agad kahit pa hindi ko pa nasusubukan ito.
Sa huli ay naglakad na lamang ako pababa sa ilog, umupo ako sa isang malaking bato at nag-angat ng tingin kung saan naghahari ngayon ang mga ulap. Kay ganda talaga ng mga ulap, mayroong mga hugis na tila nabubuo sa aking isipan mula sa ulap na magkakahiwalay. Napababa na ako ng tingin sa ilog at ibinaba ang aking kamay roon upang madama ang lamig ng tubig, nakikita ko ngayon ang aking kamay dahil sa kalinawan nito.
Ilang sandali pa ay muntik na akong mahulog sa katubigan dahil sa gulat nang may humawak sa aking balikat, mabilis akong nag-angat ng tingin upang malaman kung sino iyon. Nanlaki ang mga mata ko matapos masilayan ang ginoong hinahanap ko at iyon ay si Markus!
"Markus! Nandiyan ka lang pala! Saan ka ba kasi nagtungo? At bakit mo hinawakan ang aking balikat? Nakalimutan mo na ba na hindi mo maaaring hawakan ang kahit anong parte ng katawan ng isang binibini hangga't hindi kayo kasal?" Sunod-sunod na tanong ko, napakurap sya ng dalawang beses at napatingin sa kamay nyang bumitaw na sa aking balikat.
Umihip ang malakas na hangin, nanatili akong nakatingin sa kanyang nakahahalinang mga mata. Kay ganda nitong pagmasdan kung kaya't hindi ko maalis ang aking tingin sa kanya, nagtaka ako nang mag-iwas sya ng tingin. "Ano? Hindi mo na naman ako papansinin? Bakit? May kasalanan ba akong nagawa?" Muling sunod-sunod na tanong ko, para akong isang babaeng na sinusuyo ang kanyang kasintahan.
"Ang iyong saya..." Napatingin ako sa aking saya dahil sa sinabi nya at nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto na hinahangin na pala hanggang aking tuhod ang suot kong saya dahil sa lakas ng hangin!
Agad akong tumayo at naglakad patungo sa kalupaan at inayos ang aking saya, nararamdaman ko ngayon ang pamumula ng aking pisngi dahil sa hiya. Pasimple kong sinilip ang kanyang mukha, nakatingin ang kanyang mga matang kulay kayumanggi sa tulay na gawa sa kahoy. Napansin ko rin na namumula ang kanyang mukha, mestizo pala sya? Ngayon ko lang mapagtanto kahit pa nakita kong maputi ang kanyang balat noong kauna-unahan naming pagkikita.
Nakita nya kaya ang aking paa hanggang tuhod? Ako'y kinikilabutan sa isipin kong iyon, hindi ako makapaniwalang ganito na lamang mailalantad ang aking itinatago. Napailing na lamang ako at hinayaan na lamang iyon, bahala na sya riyan.
"S-sya nga pala, saan ka nakatira?" Tanong ko, dahan-dahan syang napatingin sa akin. Hindi ko alam ngunit nakakaramdam ako ng kaba sa tuwing nakukuha ko ang atensyon ng isang tulad nya. Alam kong magtatanong na naman sya ng hindi makabuluhang bagay kung kaya't inunahan ko na sya.
"Aking nais malaman lamang, alam mo kung saan matatagpuan ang aking tahanan kung kaya't nararapat lamang na malaman ko rin kung saan ang sa 'yo. Ikaw lang ang nakakaalam sa aking tahanan kung kaya't kapag may nangyaring masama sa akin ay ikaw ang sisisihin ko," nakangiting dagdag ko, mukhang wala naman syang masabi sa paliwanag ko kung kaya't tumango na lang sya. Muli ko syang binigyan ng ngiting tagumpay dahil napapayag ko sya.
Nagtungo ang kanyang tingin sa itaas, doon ko lang napagtanto na malapit lang pala ang tahanan nya sa akin. Maliit lang ang kanyang tahanan at ito ay bahay kubo, may kasama kaya sya roon? Kaya pala sya palaging nandito ay dahil nasa itaas lang ng ilog ang tahanan nya, malapit lang din sa tulay kung kaya't napagtanto ko na kaya nya pala ako sinabayan sa pag-uwi ay dahil dito rin sya nakatira.
Namutawi ang katahimikan sa pagitan naming dalawa, para sa akin ay nakakailang iyon ngunit mukhang wala naman syang pakielam. Kanina ay buong puso kong napagdisisyonan na hanapin sya ngunit ngayon ay tila napipi ako, kailangan kong magpasalamat dahil tinulungan nya ako kanina hindi ba?
Magsasalita na muli sana ako upang pasalamatan sya ngunit biglang may nagsalita mula sa aking likuran. "B-binibining Carolina?" Dahan-dahan akong napalingon sa tumawag sa akin, nanlaki ang mata ko nang makita si Purificasion na syang tumawag sa akin!
"Purificasion? Anong ginagawa mo rito?" Nagugulat na tanong ko at hinawakan ang kamay nya, nakikita ko ngayon ang lungkot sa kanyang mga mata. Isa rin sya sa napilitang trahidurin ang aking kaibigan, hindi nya ninais iyon ngunit pinagbantaan sya ng masasamang taong iyon. Sa tuwing naaalala ko sila ay nagdudulot ito ng kaba at takot sa aking puso, ngayon ay pare-pareho kaming masama sa paningin ng lahat.
Wala kaming ibang nagawa kung hindi ang tanggapin ang lahat ng masasakit na salitang binibitawan nila sa amin. Aking napagtanto na hindi pala lahat ng masama sa isang kwento ng buhay ay masama talaga, kailangan muna nating malaman ang tunay na ikinukubli ng kanilang damdamin tulad ko.
"Dito po ako nakatira, ito po ang aming probinsya. Ikinagagalak ko pong makita kayo, binibini!" Napangiti ako nang masilayan ang ngiti sa kanyang labi sa kabila ng lahat, labing limang taong gulang pa lamang sya ngunit naranasan na nya ang pait ng mundo.
"Ako rin. Saan? Saan ang iyong tahanan dito?" Nakangiting tanong ko, ako'y natutuwa dahil mukhang may makakasama ako sa aking pamamalagi rito. Tinuro ni Purificasion ang direksyon kung saan naroon din ang tahanan ni Markus, doon ko lang napagtanto na magkapit-bahay pala sila. Alam na kaya ni Markus ang dahilan kung bakit naririto ako ngayon?
"Binibini, ako'y natutuwa po talaga dahil nakita ko kayo rito. Ako'y magbakasakali sana kung kailangan nyo po ng tagasilbi? Kung oo, narito po ako upang maging inyong tagasilbi." Dahan-dahang namutawi ang ngiti sa aking labi matapos marinig ang kanyang alok, agad akong napatango bago mapatingin kay Markus na nagulat matapos malaman ang pangalan ko.
Tila may kakaiba talaga sa kanya.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Serye #2: Gunita
Ficção Históricagunita // ikalawang serye ng pag-ibig Si Carolina ay isang palangiti at masiyahing binibini ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago matapos talikuran ang kaniyang kaibigan. Kinailangan niyang lumisan upang magpahangin at kalimutan ang pait na nangyari s...