GUNITA KABANATA 20

12 2 0
                                    

[Kabanata 20 - Pamilyar]

"ATE Linang! Tila kay ganda ng iyong gising," nakangiting pagpuna sa akin ni Marisol, natawa naman ako at napailing. Narito kami ngayon sa ilog at sabay na naglalaba kasama si Puring, kararating lang ni Marisol at ang aking ngiti agad ang napansin nya.

"Ano ang masasabi mo sa salitang pag-ibig?" Nakangiting tanong ko at napatingin sa kaulapan na patuloy sa pag-usad patungo sa dulo ng walang hanggan, napangiti naman si Marisol dahil sa tanong ko. Napasulyap ako kay Puring na napangiti rin dahil sa tanong ko at nagpatuloy sa paglalaba.

"Napakasaya! Ako'y labis na nagpapasalamat sa diyos at sa tadhana dahil hinayaan nyang maging masaya ang aking wakas kasama si Avelino at aming magiging anak," nakangiting sagot ni Marisol at hinawakan ang kanyang tiyan, napangiti at napatango naman ako dahil sa kanyang sagot. Bakas na bakas ngayon sa kanyang mukha ang labis na saya, nawa'y maabutan ko ang araw kung saan isisilang na nya ang sanggol na ito.

"Ano ang iyong ipapangalan sa iyong sanggol?" Tanong ko muli habang nakangiti pa rin, maingat namang umupo si Marisol sa isang malaking bato na malapit lang kay Puring. Katapat nia akong dalawa ngayon.

"Ayos lang ba para sa iyo na maglaba?" Nag-aalalang tanong ko, agad namang napatango si Marisol at nagsalita. "Oo naman! Bukod doon ay hindi ko maunawaan ngunit ako'y naiinis sa pagmumukha ng aking asawa," sagot ni Marisol at napasimangot matapos maalala ang pagmumukha ng asawa. Natawa naman ako.

"Tayo'y magbalik sa iyong katanungan na labis kong pinahahalagahan at pinananabikan. Kung babae ang aking magiging anak, ang ipapangalan ko sa kanya ay Gwenaelle. Kung lalaki naman, Danyiel sana ang nais ko." Tila unti-unting naglaho ang ngiti sa aking labi matapos marinig ang kanyang sagot, nagkatinginan kami ni Puring na nagulat din at napayuko.

"Naku! Bakit? May masama ba akong nasabi?" Nag-angat ako ng tingin kay Marisol na nababahala ngayon ang mga tingin sa aming dalawa, agad akong umiling at sinubukang ngumiti. Ang mga pangalan na aking pinangungulilaan, kamusta na kaya sila?

"W-wala," sagot ko at pilit na nginitian sya upang hindi na sya mabahala pa, napahinga ng malalim su Marisol at sinulyapan kaming dalawa bago ngumiti. Mukhang hindi naman pala maglalaba si Marisol at nais lang makipagkwentuhan sa amin, ilinubog ko na ang hawak kong baro sa malinaw na tubig matapos ko itong kuskusin.

"Sya nga pala, kailan ka ba mag-aasawa Ate Linang? Naunahan pa kitang magkaroon nito at ngayon ay nagdadalang tao na rin ako, mahirap tumanda ng mag-isa kung kaya't maghanap ka na nang mapupusuan." Nabitawan ko ang hawak kong saya matapos marinig ang sinabi ni Marisol ngunit agad ko naman itong hinabol at inabot, napahawak ako sa tapat ng aking puso at sinulyapan si Marisol.

"Kay raming tao sa mundo. Sa dalawampu't pitong taon ng iyong pagkabuhay, sa aking palagay ay may itinakda na ang tadhana sa iyo ngunit patuloy mo itong ikinukubli. May iba riyan na nagbabakasali rin para sa iyong puso," dagdag nya at napasulyap sa itaas ng tulay, napalingon din ako roon at natagpuan ko si Markus na pasimpleng tinatanaw ako ngunit agad syang napaatras matapos mahuli ang kanyang palihim na titig.

Muli akong napatingin kay Marisol na nakangiti pa rin ngayon, si Markus ba ang tinutukoy nya? "Sa aking palagay ay isa kang manhid na binibini," nakangiting saad ni Marisol, tinignan ko sya nang nagtatanong na tingin.

"Bakit naman?" Inosenteng tanong ko at muling napatingin si tulay, wala na roon si Markus. Napahinga ako ng malalim at nilingon naman si Marisol at Puring na nakasimangot sa akin ngayon, nagulat ako dahil doon at muling napahawak sa tapat ng aking puso. Bakit galit?

"Dahil tila isang hangin sa iyo ang salitang pag-ibig. Nasa harapan mo na ngunit hindi mo pa makita," sagot ni Marisol at tinignan si Puring na ngayon ay paulit-ulit na tumango bilang pagsang-ayon sa sinaad ni Marisol, napakamot naman ako sa aking noo.

"Tama! Natutukoy mo nga ito ngunit hindi mo naman maramdaman," sabat ni Puring, napahinga ako nang malalim at nagtataka silang tinignan dalawa. Ano ba kasi ang ipinaglalaban nila?

"M-maglaba na lamang tayo," pilit ang ngiting saad ko at tinalikuran silang dalawa upang ipagpatuloy ang aking ginagawa, napakagat ako sa aking ibabang labi at napapikit. Hindi ko naman kasi sila masabayan, bahala na!

Ilang sandali pa ay pasimple kong sinulyapan si Marisol at Puring na nagkatinginan at parehong napailing, napahawak na lang si Marisol sa kanyang tiyan habang si Puring at nagpatuloy sa paglalaba at ngumiti muli na tila may ginugunitang sandali na nagdadala ng ngiti sa kanyang labi. Malamang ay si Adriano ito.

Bigla ay pumasok sa aking isipan si Markus, ang kanyang tingin... Tila may nais itong ipahiwatig ngunit hindi ko makuha, marahil ay tama nga sina Puring at Marisol na isang akong manhid na binibini.

KINAHAPUNAN, narito kami ngayon ni Puring sa kanilang tahanan upang mag-miryenda. Ang aming mga linabhan ni Puring kanina ay sinampay na namin sa labas ng aking tahanan bago magtungo rito kay Nay Lilang, masasabi ko na ang mga lutong inihahanda nya para sa amin ay kay sarap sa sikmura.

"Ate Linang, papasok lang po ako." Napatingin ako kay Puring na katabi ko ngayon at nang magpaalam sya, tumango na lamang ako. Sino ba naman ako upang pigilan sya? Ngitian ako ni Puring at nagpasalamat bago maglakad patungo sa kanyang Ina upang tulungan ito sa paglilinis, hindi na ako magtataka kung talagang nagustuhan sya ni Adriano dahil matulungin sya.

Habang ako ay umiinom ng malinis na tubig, biglang napalibot ang aking tingin matapos may marinig na isang tugtugin. Ilinapag ko muna sa lamesa ang hawak kong baso at tumayo upang hanapin ang pinagmulan ng musikang iyon, patuloy na umuugong sa aking pandinig. Habang patuloy akong humahakbang ay unti-unti ring nagiging malinaw sa akin ang tugtugin na tila pamilyar sa akin.

Namalayan ko na lang na tumigil ako sa tapat ng tahanan ni Markus, sa kanya nagmumula ang tunog na iyon? Maingat akong humakbang papalapit sa pintuan at sinilip sya mula sa nakauwang na pinto, kaonti lamang ang buka nito at sapat na upang pagmasdan ko sya. Nakaupo sya ngayon sa silyang gawa sa kahoy habang nakatanaw sa kaulapan mula sa bintana, may hawak syang gitara at doon nagmumula ang tunog na aking hinahanap.

Ang musikang tila narinig ko na noon.

Marahan at kalmado lang ang tunog nito tulad nya kung tumingin sa akin, wala sa sarili akong napangiti habang pinagmamasdan syang tumugtog ng gitara. Hindi ko akalaing mahilig pala syang gumamit ng instrumento, unti-unting bumagal ang paghaplos ng kanyang daliri sa kwerdas (string) ng gitara habang ang mga mata ay nasa mga ulap pa rin.

"Linang," pagtawag nya sa aking pangalan at tumingin sa direksyon kung nasaan ako, ang tingin nyang tumama sa aking mga mata. Tila biglang bumagal ang takbo ng paligid at tanging sya lang ang aking nakikita, kasabay pag-ihip ng hangin ay ang marahang paghangin ng kanyang buhok na tumatama sa kanyang kilay.

Hinangin din ang aking kulot at mahabang buhok habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, ang pagtawag nya sa aking palayaw ay nagdudulot ng kiliti sa aking puso. Dahan-dahan kong binuksan ng tuluyan ang pinto, tila pamilyar ang pangyayaring ito. Tuluyan na akong pumasok sa loob at isinara ang pinto habang nakatingin pa rin sa kanya.

"Ikaw ay marunong pa lang tumugtog ng gitara," nakangiting saad ko at umupo sa dulo ng pahabang kahoy na upuan, may kaonting distansya sa pagitan namin. Humawak ang dalawa kong kamay sa upuan at nilingon sya, nakatingin pa rin sya sa aking mga mata at tila may nais syang ipahiwatig.

"Nakikilala mo ba ang tugtog na ito?" Tanong nya at idinikit muli ang kanyang daliri sa kwerdas kung kaya't muli kong narinig ang unang bahagi ng tugtog na iyon, ako'y namamangha sa kanyang kagalingan sa pagtugtog. Maging ang kanyang nakahahalinang mga mata na kay hirap iwasan.

Bigla ay unti-unting namutawi ang pagkagulat sa aking mukha matapos maalala ang isang pangyayaring labing dalawang taon na ang lumipas kung saan may isang lalaki akong nasilayan na pinapatugtog din ang musikang ipinamamalas sa akin ngayon ni Markus, ang tugtog na aking paborito sa lahat at kay tagal ko nang hinahanap...

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #2: GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon