[Kabanata 22 - Pagkabog ng Puso]
"ATE Linang! Mukhang masaya ang iyong araw sapagkat nakangiti ka habang dinidiligan ang mga halamang iyan," puna ni Puring sa akin at napahawak sa kanyang baba na tila iniisip kung ano ang dahilan ng aking ngiting hindi ko na magawang itago pa, natatawa akong napailing at patuloy na diniligan ang mga halamang aking tinanim dito sa bakuran ng aking munting tahanan. Hindi ko alam kung para saan ngunit namalayan ko na lang ang aking sarili na ginawa ang bagay na ito.
Paulit-ulit na umuugong sa aking pandinig ang nota ng musika ni Markus, hindi iyon kanta at tanging tunog lang na nagmumula sa gitara. Kay sarap pakinggan! Tila iyon na lamang ang tugtugin na aking nais pakinggan habang buhay, kung sa bagay ay paborito ko ito mula noon hanggang ngayon.
"Dahil po ba kay kuya Markus?" Nakangiting tanong ni Puring na ikinagulat ko ngunit nakangiti pa rin, para na akong isang hibang na ngiti ng ngiti. Umiling ako bilang pagtanggi at pinigilan ang aking ngiti, tila bigla kong naramdaman ang hawak sa akin ni Markus.
"H-ha? Paano mo naman nasabi?" Natatawang tanong ko at didiligan na sana muli ang halaman ngunit kinuha sa akin ni Puring ang pandilig, nang-uusisa ko nya akong pinagmasdan.
"Sinabi po sa akin ni Adriano na nakita nya kayo ni kuya Markus sa loob ng tahanan nito," sagot ni Puring at biglang napahawak sa kanyang bibig, gulat nya akong tinignan na tila may masama syang naisip tungkol sa amin ni Markus.
"A-ano po ang ginagawa nyo sa tahanan ni Markus at k-kayong dalawa lang?" Nagugulat na tanong nya at napayakap sa pandilig, napakamot naman ako sa aking noo at napahinga ng malalim. Ang bata talagang ito.
"W-wala naman kaming ginagawang masama," pagdedepensa ko sa akin at maging kay Markus, baka ang mga batang ito pa ang magpahamak sa aming dalawa. "Ngunit ang sabi ni Adriano ay nakita nya raw kayong magkayakap," dagdag ni Puring na ikinagulat ko, mabuti na lamang at kinuha na nya sa akin ang pandilig kung kaya't hindi ko na ito nabitawan pa.
Tila biglang bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa sinabi ni Puring, hindi naman talaga kami magkayakap noon ngunit tila ganoon na nga dahil sa pwesto ng aming mga kamay. "May namamagitan na po ba sa inyong dalawa? Aminin nyo na po sa akin! Hindi naman ako madaldal," nakangiting saad ni Puring at kinindatan ako, natawa naman ako at muling napakamot sa aking noo. Ako'y nahihiya sa mga sinasabi ni Puring.
"A-ano ba ang sinasabi mo riyan? Walang namamagitan sa aming dalawa. Sana nga ay mayroon," pabulong ko saad at maglalakad na sana paalis sa kanyang harapan ngunit mabilis nyang hinawakan ang aking braso. "Ano iyon, ate?" Dahan-dahan kong nilingon si Puring at pilit syang nginitian, sana pala ay hindi ko na lang ibinulong iyon.
"W-wala, ang sabi ko ay masama iyang ginagawa nyo. Hindi tama na kami ay paratangan nyo ng ganyan," sermon ko sa kanya upang ibahin ang usapan, maglalakad na muli sana ako paalis ngunit naramdaman ko ang pagsunod nya sa akin kung kaya't muli ko syang nilingon. Tinignan ko sya nang nagtatanong na tingin.
"Paumanhin po sa aking nagawa, paumanhin po sa aming nagawa." Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa aking labi nang marinig ang paghingi nya ng tawad, nginitian ko sya at tinanguhan. Tinapik ko sandali ang kanyang ulo bago maglakad papasok sa loob ng aking munting tahanan.
Nagkamali man si Purificasion sa bagay na iyon, ang mahalaga ay alam nya ang kanyang pagkakamali at handa nyang harapin ito. Handa syang humingi ng tawad sapagkat mahalaga ang bagay na iyon, matuto tayong humingi ng tawad at magpatawad. Hindi perpekto ang bawat tao sa mundong ito, kailangan nating pahalagahan at ingatan ang ating pusong malaya.
Ngunit... Kailan ko kaya ito magagawa para sa aking sarili?
TAAS kilay kong sinusundan ng tingin si Adriano na halos mahimatay na ngayon sa kaba dahil sa aking matalim na tingin, narito kami ngayon ni Puring sa pamilihan at minamanmanan ang galaw ni Adriano. Hindi ko alam kung maging si Puring din ba ay iyon ang ginagawa dahil nakatulala lang sya sa nakahahalinang mga mata ni Adriano, ang mga kabataan talagang ito.
Nakita pala ni Adriano ang pangyayari sa pagitan namin ni Markus sa mismong tahanan nito, ako'y ninenerbyos na baka ipagkalat nya ito lalo na't sinabi nya na nga ito kay Puring. Si Markus naman kasi, kay hilig buksan ng bintana. Hindi nya ba iniisip na ikapapahamak namin iyon? Sus ginoo!
"Ate Linang, kayo po ba ay may itinatagong poot sa aking sin— kay Adriano?" Napatingin ako kay Puring nang magtanong sya at nadulas pa sa pagtawag nya kay Adriano, mukhang 'aking sinta' ang tawag nya kay Adriano sa kanyang isip. May pa ganoon pa pala sya, eh ako? Ano ba ang tawag ko sa aking Markus?
"Mayroon," sagot ko at nginitian sya bago muling sundan ng tingin ang kanyang sinta, hindi na ito mapakali pa at palipat-lipat ng pwesto. Mas kinakabahan pa sya dahil sinesenyasan sya ni Puring na mananagot sya.
"Maging ako nga rin po, minsan ay gusto ko na lang po syang kalbuhin." Bigla akong napahagalpak ng tawa dahil sa sinaad ni Puring at napatayo pa ngunit agad akong napatikhim nang maagaw ko na pala ang atensyon ng lahat dito sa pamilihan, nagtataka silang nakatingin sa akin ngayon dahil tila isa akong baliw na tumatawa mag-isa.
Napailing ang mga babae habang nakatingin sa akin dahil hindi kaaya-ayang makita ng iba ang iyong tawa nang labas ngipin, ang mga lalaki naman ay umiwas na lang ng tingin at nagpatuloy sa daloy ng kanilang buhay. Napatikhim ako at sinubukang ngumiti, nahagip ng aking mga mata si Markus na nasa loob din ng pamilihan. Nagtama ang aming paningin, hindi ko alam kung ngayon nya lang ba ako nakita ngunit masaya ako dahil naririto sya ngayon.
Nais ko sana syang tawagin ngunit umupo na lamang ako at tinakpan ang aking ilong at bibig upang mawala na sa akin ang kanilang atensyon, nakakahiya talaga ang aking sarili. Napasulyap ako sa aking tabi ngunit napatigil ako dahil wala na si Puring sa aking tabi, nahagip ng aking mata si Puring at Adriano na magkasama na ngayon. May ibinubulong si Puring kay Adriano, ano kaya iyon?
Pasaway talaga ang aking tagasilbi, hindi ko na nga rin maramdaman na sya ay aking tagasilbi dahil tila sya ay aking kapatid na kasama araw-araw. Umihip ang malamig na hangin, muli akong napatigil nang maamoy ang pamilyar na amoy ng isang lalaki. Nanatili akong nakatalikod sa kanya, tila nanigas ako sa aking kinatatayuan habang ang aking puso ay patuloy sa pagkabog. Napalunok ako, hindi ko na alam ngayon ang aking gagawin.
Napatingin ako sa kanya nang buhatin nya ang silya gamit ang isang kamay at ilinayo iyon ng kaonti sa akin bago umupo roon, ang upuang iyon ay ang syang inuupuan ni Puring kanina ngunit bigla na lang syang umalis. Nais ko sanang magsalita ngunit tila may biglang bumara sa aking lalamunan, napahawak ako roon habang nakatingin ng diretso sa kanya.
"Tayo ay nakita ni Adriano, hindi ba?" Tila biglang nagtaasan ang aking balahibo nang marinig ang kanyang boses na nakakagitla, narito kami ngayon sa pamilihan na malapit lamang sa labas kung kaya't natatanaw namin ang mga ulap. Habang ang mga tao ay abala sa kani-kaniyang buhay, narito kami ngayon ni Markus at magkasama na naman sa isang iglap. Kay galing mo talaga, tadhana.
"Oo?" Hindi siguradong sagot ko at muling napalunok, naririnig ko na ngayon ang pagkabog ng aking puso. Bakit ba ako kinakabahan?! Nakakainis, nakakabaliw, nakakakaba, hindi ko na alam!
"Huwag kang mag-alala, kinausap ko na sya. Hindi na nya maibabahagi pa sa iba ang ating pagyayakap," saad nya at kinindatan ko, napatigil ako dahil sa sinabi nya at napatulala sa kanyang maamong mukha. Lalong bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa sinabi nya, ang puso ko!
********************
#Gunita #PagIbigSerye
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Serye #2: Gunita
Historical Fictiongunita // ikalawang serye ng pag-ibig Si Carolina ay isang palangiti at masiyahing binibini ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago matapos talikuran ang kaniyang kaibigan. Kinailangan niyang lumisan upang magpahangin at kalimutan ang pait na nangyari s...