GUNITA KABANATA 16

12 3 1
                                    

[Kabanata 16 - Sandaling Paninibugho]

TAHIMIK kong sinusundan ng tingin si Markus na ngayon ay may binubuhat na balde, ang trabaho nya rito sa pamilihan ay taga-buhat na hindi madali para sa mga taong mahina ang pangangatawan. Narito kami ngayon ni Puring sa isang lugawan at syempre, mainit na lugaw ang kinakain namin ngayon. Ang lugawan na ito ay malapit lamang sa daungan ngunit nasa loob pa rin ng pamilihan.

Hindi ko maubos ang aking kinakain dahil kanina pa naaagaw ng aking tingin si Markus na sumusulyap sa akin minsan, napansin ko na dumidikit na sa kanyang katawan ang suot nyang damit dahil basa na ito ng pawis. Sino ba naman ang hindi mapapagod sa ganitong trabaho? Ang isang malaking balde na naglalaman ng tubig ay hindi ko nga kayang buhatin, mabuti na lamang at malakas ang kanyang pangangatawan.

Aking napagtanto na kay sarap pala ng buhay ko sa nagdaang dalampu't anim na taon, ang buong akala ko ay ang kalungkutan na ito na ang pinakamabigat na bagay sa mundo ngunit hindi pala. Isa ako sa maseswerteng tao na minsan lang kung magkaroon ng problema. Kung hindi sana naghirap si Markus, masaya ang buhay nya ngayon kasama ang kanyang mga magulang.

Napatingin ako kay Puring na katabi ko ngayon sa isang pahabang upuan na gawa sa kahoy, habang kumakain sya ay hindi nya maiwasang mapatingin kay Adriano na nasa bangka sa daungan. Ilinalagay nya ang mga nahuling isda sa loob ng mga balde at kung minsan ay binubuhat na nya rin ito papunta sa loob ng pamilihan ng mga isda.

Sa totoo lang ay humahanga ako sa mga taong nagtatrabaho ng marangal sa kabila ng hirap nito, hindi sila kumakapit sa patalim kahit pa kay hirap ng buhay. Ikinararangal ko sila sa kanilang karangalan. "Puring?" Napatingin sa akin si Puring nang tawagin ko sya, tinignan nya ako nang nagtatanong na tingin.

"Ate Linang, bakit po?" Tanong nya at napatingin kay Adriano na malapit lang sa amin ngunit tinatanaw pa rin, nang magtama ang kanilang paningin ay agad napaiwas ng tingin si Puring. Pilit na iniiwasan ang nakakakabang dulot ng pag-ibig.

Noong ako'y nasa edad nila ay wala akong ibang nagawa kung hindi ang mag-aral tulad ng nais ni Ama at Ina, sila kasi ang nasusunod sa aking buhay at tulad ng sinasabi ng lahat ay hindi ka isang mabuting anak kung hindi mo susundin ang iyong mga magulang, ngunit paano kung sa pagkakataong ito ay nakakasakal na?

"Anong masasabi mo kay Adriano?" Tanong ko at nginitian sya, nagulat naman si Puring dahil sa tanong ko at nabitawan ang kubyertos na hawak nya. Ang kilos na iyon ay nagbibigay liwanag na sya ay apektado sa tanong na may kinalaman kay Adriano.

"P-po?" Nagugulat na tanong ni Puring at muling napasulyap kay Adriano na umupo na sa isang silya upang magpahinga sandali, umihip ang malamig na hangin kung kaya't hinangin ang buhok ni Adriano na nagpapadagdag sa kanyang kalakasan ng dating.

"Ano ang masasabi mo kay Adriano?" Pag-uulit ko sa sinabi ko kanina at nginitian pa rin sya, ang aking ngiti na nagdadala ng biloy sa aking dalawang pisngi. Napalunok si Puring at umayos ng upo.

"Ano po ang masasabi ko kay Adriano? Hindi ko alam sa lalaking iyan, isa lamang syang ginoo na nagpapasira ng aking araw. Hindi ko nga maintindihan kung bakit sa kabila ng aking pagkainis sa kanya ay napapangiti pa rin ako sa tuwing nakikita syang masaya. Ano po ba ang ibig sabihin no'n?" Tanong ni Puring, napaisip naman ako dahil sa kanyang tinanong. Dahil magdidilig sya ng halaman?

"Hindi ko rin alam ngunit sa aking gunita ay tinatangi mo sya," nakangiting sagot ko, napatigil naman si Puring. Mukhang hindi nya pa maamin sa sarili ang ikinukubli ng kanyang damdamin para kay Adriano, mukhang wala rin syang ideya sa salitang pag-ibig. Ako man ay natutukoy kung ano ito ngunit mahirap para sa akin na maramdaman iyon.

Pag-ibig Serye #2: GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon