Ayin Azores Aug 2018Sa Wakas
Ilang taon akong nabulag sa paniniwalang kailangan mo munang makaranas ng sakit bago mo makamit ang tunay na ligaya. Na ang bawat luha ay may katumbas na galak, na ang bawat gabi ng pighati ay may pangako ng isang masayang umaga.
Ilang taon akong nakipagsapalaran sa pag-ibig na mapag-panggap. Kaliwa't kanang kabitan, walang katapusang kasinungalingan. Pag-ibig na sa harap ng madla ay puno ng kilig at lambing. Ngunit sa ilalim ng mga yakap at mga halik ay ang mga pasa at sugat na dulot ng masasakit na salitang sing talim ng bagong hasang lanseta.
Ilang taon akong nasanay sa kalungkutan, walang kadala-dala. Sugod ng sugod sa laban na alam ko namang sa bandang dulo ay ako ang uuwing talunan. Pilit akong kumapit sa mga maling tao. O tamang tao sa maling pagkakataon. O sa akala ko'y tamang tao pero hindi naman ako ang gusto. Sakit no?
Ilang taon akong sumugal sa mga relasyong walang kasiguraduhan, sa pagibig na "pwede na", kahit alam ko sa sarili kong walang patutunguhan. Minsan nga kahit wala nang kakabit na emosyon basta lang may pantawid sa tawag ng laman pinapatos ko ng walang pag-aalinlangan.
Ilang taon akong pansamantalang nakisilong sa iba't ibang tahanan. Na sa una'y buong puso ang pagtanggap ngunit sa bandang dulo ay walang habas din akong pinag-tabuyan palabas.
Ilang taon? Hindi ko na mabilang. Hindi ko na mabilang kung ilang taon akong nag tapang tapangan na suungin ang mga tila panibago na namang disgrasyang maaari kong kaharapin sa proseso ng paghahanap ng tunay na ligaya. Isang pagibig na may pangako ng walang hanggan.
Hanggang sa... napagod na ako. Sa wakas, napagod na ako. Napagod na akong kwestyunin ang kalawakan sa kung bakit palagi na lang akong pumapalya sa pag-ibig. Napagod na akong magtiwala. Natakot na akong magtiwala. Natakot na akong buksang muli ang puso ko sa susunod na estrangherong magsasabing "hindi kita sasaktan, peksman mamatay man"
At unti -unti kong napagtanto na sa ilan taon kong paghahanap ay ako, ako ang nawala.
At nahanap mo ako.
Ikaw ang naging sagot sa bawat tandang pananong na ibinato ko sa kalawakan sa loob ng maraming taon. Tinuldukan mo ang lumbay at ipinamukha sa akin na hindi ko kailangang masaktan para makamtan ang tunay na ligaya. Na kailanma'y hindi ako dapat lumuha dahil sa hinagpis. Hindi ka nangakong hindi mo ako sasaktan, ngunit ipinadama mo sa akin ang masarap mong pag-aalaga. Pag-aalagang hindi kailangan malaman ng iba para mapatunayan na bukal sa loob ang hangarin. Binigyan mo ako ng dahilan para muling magtiwala.
... Ng lakas na sayo ay kumapit at ipadama sayo ang init at gigil ng pagibig na ni minsan ay hindi ko naipadama sa sinoman. Binigyan mo ako ng pag-asa... ng dahilan para muling maging matapang.
At ngayon, sa unang pagkakataon.
Buong tapang kong ipagsisigawan sa buong mundo na palangga ta ka. Na handa na ako sa pagsisimula ng isang bagong paglalakbay kasama mo mahal ko. At oo, oo ang naging sagot ko.•••
Credit To Owner
#Mhaiyora♥
BINABASA MO ANG
Tula Para Sayo
Random•Random Thoughts •Tula mula sa puso •English / Tagalog Qoutes •Himig ng pag-ibig •At Kung ano ano lang xD