Ika-Tatlumpu't Walong Kabanata

256 30 17
                                    





Dumaan ang ilang araw at hinayaan na rin ako na makalabas sa pagamutan ni Señor Vicente. Unti-unti nang naghihilom ang aking mga sugat bagaman sumasakit pa rin ito paminsan-minsan. Bumalik na rin ako sa aking gawain, na siyang hindi nagustuhan ng mga tao sa aking paligid. Bagaman tumutol ang lahat sa aking pagbabalik upang maglingkod ay hindi nila ako nagawang pigilan pa. Pumayag lamang sila kung magagaan na gawain lang muna ang mga bagay na iuutos sa akin.

Si Tatay Berto rin muna ang umako sa pagpapatakbo ng kalesa para sa pamilya Villafuerte. Nanatili lamang ako sa mansyon ng pamilya para sa ilang gawaing bahay. Kung minsan ay tumutulong rin ako sa pagamutan ni Señor Vicente. Sadyang napakalaki na ng utang na loob ko kina Don Frederico, at ang tanging paraan lamang na aking nakikita upang maibalik iyon ay sa pamamagitan ng pagta-trabaho sa kanila.



"Ako na po riyan, Tatay Berto." saad ko pagkarating nila mula sa pagkakasundo kina Don Frederico at Ignacio sa bayan. Mabilis ko siyang dinaluhan sa paga-ayos ng kalesa upang ipasok sa kuwadra. Hapon na at hinihintay ko na lamang siyang makabalik upang sabay kami na umuwi. Kanina pa rin na naririto si Agustin na siyang ginugulo si Elena sa may kusina.


"Hayaan mo na ako rito at maghintay ka na lamang riyan sa gilid, anak." pigil niya sa akin na tinugunan ko lamang ng pag-iling at pagngiti. "Ikaw talagang bata ka." natatawang pagsuko niya.


Magmula nang ako'y makabalik ay hindi na ako hinayaan ni Tatay Berto na pumasok o umuwi ng mag-isa. Maging si Agustin ay pilit na sumasama sa akin kung saan man ako magtungo. Kung minsan nga ay napagalitan ko pa siya nang maabutan ko siya sa labas ng aming palikuran na nagbabantay sa akin habang ako'y naglilinis ng aking katawan.

Natatakot raw sila na muling maulit ang nangyari sa akin noong nakaraan. Ayon kay Agustin ay magpahanggang ngayon ay sinisisi pa rin ng kanyang ama ang sarili dahil hindi niya inako ang aking gawain gayong kaarawan ko naman. Napapatanong na lamang ako sa aking sarili kung ano ba ang aking nagawa upang maging karapat-dapat sa mabuting pakikitungo ng kanilang pamilya sa amin.




"Linong..." tawag sa akin ni Ignacio mula sa azotea. Suot pa niya ang itim na abrigo na kanyang baro nang magtungo sa mababang hukuman kaninang umaga. "Maaari ka bang maka-usap?" tanong niya.

Ako'y nagpaalam sandali kay Tatay upang siya'y puntahan. Pagkalapit naman ay agad akong iginaya ni Ignacio paakyat sa kanyang silid. Pina-upo niya ako at sinabi na maghintay sandali upang makapagpalit siya ng damit. Hindi nagtagal ay dumating si Hilda dala ang dalawang tasa ng mainit na kape at dalawang platito na may lamang kakanin. Mabilis ring nagbalik si Ignacio na ngayon ay nakasuot na lamang ng puting kamiso.

"Mayroon ba problema, Ignacio?" agad kong tanong nang maka-upo siya sa aking tapat. Naga-alala ako sapagkat hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tinitigilan ang paghahanap sa salarin na nagtangkang pumaslang sa akin. Kasama pa niya si Ginoong Roberto sa paghahanap ng kasagutan.

Kaya naman ako'y labis na inuusig ng aking konsensiya dahil sa aking pagsisinungaling sa kanila. Kung maaari lang sana... ngunit nais ko ng matapos ang kaguluhan upang makapamuhay kami ng payak at tahimik, katulad ng dati.



"Wala naman, Linong." nakangiti niyang tugon. "Nais lamang kitang makasama at maka-usap." natatawa niya pang paliwanag bago sumimsim ng kape. Napangiwi pa siya dahil sa init niyon kaya bahagya akong napangiti.

"Kumusta na ang iyong pakiramdam? Nasuri ka na bang muli ni Kuya? Ano na raw ang lagay ng iyong mga sugat?" sunod-sunod niyang tanong sa akin.

"Maayos na ako." tumatango kong tugon habang ibinababa ang tasa. "Ang sabi ni Señor Vicente ay panatilihin ko lamang na malinis ang aking mga sugat upang magtuloy-tuloy ito sa paghilom." paliwanag ko na siyang ikinangiti niya. "Ikaw, kumusta ang iyong trabaho?" usisa ko.

Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon