Ika-Labing Dalawang Kabanata

379 35 8
                                    


Maaga pa lang ay gumising na ako upang mag-igib ng tubig. Nanguha din ako ng mga panggatong na kahoy na magagamit ni Lola sa pagluluto ng tanghalian at hapunan. Pagbalik ko sa bahay ay pinabaga ko na ang mga kahoy upang pakuluan ang tubig at makapagluto ng almusal. Naligo na rin ako habang hinihintay na maluto ang sinaing na saba na inihanda ko ngayon.

Kinabukasan matapos ang araw ng pista ay hindi nakapasok si Don Frederico dahil sa labis na kalasingan. Nagtulong pa kami ni Señor Ignacio na iakyat siya sa kanilang silid. Nasukahan ako ni Don Frederico sa aking damit nang gabi ring iyon. Hiyang-hiya naman sa akin si Doña Victoria kung kaya't inutusan pa niyang mag-init ng tubig si Hilda upang gamitin ko sa paliligo.

Pinahiram din ako ng damit na aking ipinamalit sa mabahong kamiso na nabalot ng suka. Hindi ko batid kung sino ang nagmamay-ari ng kamisong iyon. Maaari kasing kay Señor Vicente iyon o kay Señor Ignacio. Ang alam ko lamang ay maluwag iyon sa akin, ngunit mabango ang amoy niyon. Doon na rin ako natulog sa maliit na bahay sa likod ng mansyon na siyang tinutuluyan din nina Manang Marina, Hilda, Elena at ng iba pang mga tigapag-silbi.

Gising na si Lola Trinidad nang makalabas ako mula sa maliit naming palikuran. "Napaka-aga mo talagang gumising, Linong. Nakatutulog ka pa ba na maayos?" bungad niya sa akin at hinawakan ang magkabila kong braso. Bakas din sa kanyang mga mata ang pag-aalala sa akin kaya naman napangiti ako. "Opo naman, Lola. Huwag po kayong mag-alala sa akin." tugon ko at saka hinalikan siya sa kanyang ulo.

"Kung hindi lang sana umalis ang iyong ina ay may kaagapay ka sa pagtataguyod sa amin ng Lolo at kapatid mo." malungkot niyang wika matapos magpakawala ng malalim na buntong hininga.

Matagal na panahon na rin nang iwan kami ng aking ina. Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas mula nang ipanganak niya si Lucas ay nawala na siya na para bang isang sindi ng kandila na hinipan ng malakas na hangin.

Walang pasabi kung saan siya tutungo, kung bakit niya kailangang lumisan, at kung kailan siya babalik. Nagising na lamang ako na wala na siya sa aming tabi ni Lucas. At magpa-hanggang ngayon ay wala pa rin kaming balita kung ano na ang kanyang kalagayan.

"Kaya ko naman po Lola. Para po sa inyo ay kakayanin ko. Hindi natin siya kailangan upang magpatuloy sa araw-araw. Kung kaya niyang gawin ang mabuhay ng wala tayo, natitiyak ko na kaya din natin. Tatlong taon na rin naman na ang nagdaan ngunit naririto pa rin tayo. Patuloy na lumalaban." ngiti ko sa kanya.

Sa bawat araw na nagdaraan ay palagi kong iniisip na kailangan kong magsumikap dahil ako lamang ang inaasahan nina Lola Trinidad, Lolo Antonio, at higit sa lahat, ni Lucas. Sila ang nagbibigay lakas sa akin upang harapin ang bawat araw. marahil iniisip ni Lola na ako ang kanilang pag-asa, ngunit kung ako ang tatanungin, sila ang pag-asa para sa akin.

"Sige po Lola, baka nasusunog na ang ating agahan." saad ko habang tumatawa upang pagtakpan ang aking kalungkutan.

Pagkaluto ng agahan ay siya namang pagbangon ni Lucas. Kinukusot pa niya ang kanyang mga mata paglabas ng silid kung kaya't oarehas kaming napangiti ni Lola. Nang maihain ko sa hapag ang almusal ay sinundo ko na si Lolo Antonio sa kanilang silid upang tulungan siyang makalakad. Masaya kaming kumain ng agahan bago pa man dumating at sumikat ang haring araw.

"Ito nga pala ang kamiso, Linong. Nilabhan ko iyan ng maayos kaya hindi ka mahihiyang isauli kay Doña Victoria." saad ni Lola habang inia-abot sa akin ang kamiso na nasa maayos na pagkakatupi. Ito ang kamisong isinuot ko ng masukahan ako ni Don Frederico noong gabi ng pista.

Mabagal lamang ang aking paglalakad dahil hindi pa naman ako huli para sa itinakdang oras ng pasok si Don Frederico. Madilim pa rin ang kalangitan at may mangilan-ngilan pang bituin sa kalawakan. Ngunit kahit ganon ay may mga nakakasalubong na rin akong mga trabahador na papasok na rin sa kani-kanilang mga trabaho.

Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon