Ika-Limang Kabanata

519 31 6
                                    


Nagpabalik-balik ang tingin ko kina Señor Ignacio at Señor Roberto na naka-tingin ng seryoso sa isa't-isa. Hindi ko batid kung magka-kilala sila ngunit hindi naman malayo iyon dahil malapit na magkaibigan ang pamilya Villafuerte at pamilya Montemayor. Hindi ko din naman nakikita na nagkakasama sila sa tuwing uuwi rito sa Señor Ignacio sa tuwing may espesyal na pagdiriwang.

Nagulat ako nang biglang ngumiti si Señor Ignacio kay Señor Roberto. Natawa na rin si Señor Roberto at naglahad ng kamay upang batiin ito na agad namang tinanggap ni Señor Ignacio.

"Kamusta na, Ignacio?" natatawang tanong ni Señor Robreto habang tinatapik ang balikat nito. "Maayos naman ako, Roberto." nakangiting tugon ni Señor Ignacio. Humakbang ako kaunti ng patalikod upang bigyan sila ng pagkakataon na mag-usap ng pribado. Baka may mga bagay rin na hindi ko naman nararapat at kailangang marinig. Baka iyon pa ang maging dahilan ng pagkawala ng aking trabaho. Hindi ako maaaring mawalan ng trabaho. Naiisip ko pa lamang ay nararamdaman ko na ang pagkulo ng aking tiyan.

"Bakit hindi pa kayo nag-sabay umuwi ni Ricardo noong isang Linggo?" tanong ni Señor Roberto. Si Ricardo ay ang nakababatang kapatid ni Señor Roberto. Ngayon ko lamang napag-tanto na nag-aaral rin pala ito sa Maynila. Marahil ay sa parehong paaralan nag-aaral si Señor Ignacio at Señor Ricardo dahil sa pagkaka-alam ko ay mas matanda ng isang taon si Señor Ignacio kumpara rito.

Mukha namang wala silang paki-alam kung may makakarinig ng kanilang pinag-uusapan dahil sa lakas ng kanilang mga boses. Hindi ko tuloy mapigilan ang pakikinig sa kanilang kwentuhan.

"Marami pa akong inasikaso at hinintay na dokumento gaya nalang ng katunayan na ako ay nakapagtapos na. Inabot rin ako ng tatlong araw sa paghihintay para doon. Madami-dami rin akong mga gamit na in-empake dahil hindi na ako muling babalik pa sa Maynila. Madami rin ang mga binibining hiniwalayan ko roon sa Maynila dahil mahirap yata ang magkaroon ng relasyon habang malayo kayo sa isa't-isa." paliwanag at biro ni Señor Ignacio kay Señor Roberto.

Natawa lamang si Señor Roberto sa kanyang sinabi, "Hindi ka pa rin nagbabago, Ignacio. Matinik ka pa rin sa mga binibini." tugon niya rito habang umiiling. "Bueno, mauuna na ako. Baka hinihintay na ako ni Esmeralda sa may simbahan." paalam ni Señor Roberto at iminuwestra pa ang direksyon ng simbahan. "Mag-iingat ka, kaibigan. Hanggang sa muli." tugon naman ni Señor Ignacio rito.

Huminto sa tapat ko si Señor Roberto at sinabing, "Kumain kayong dalawa ni Tadeo ng marami upang madagdagan ang inyong mga timbang. Hanggang sa muli, Linong." nakangiti ito dahilan upang mapansin ko ang maputi at pantay pantay nitong ngipin. Hindi na ako nakapag salita pa nang nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa simbahan kung saan naghihintay sa kanya ang kanyang nakababatang kapatid na si Señorita Esmeralda. Gusto ko sanang itanong sa kanya kung paano niya nalaman ang aking ngalan. Hindi ko maalala na binanggit ko iyon sa kanya sa kaunting beses naming pagkikita. Pinagmasdan ko na lamang ang kanyang likuran na unti-unting lumalayo at nawawala sa dami ng tao.

Bumalik lamang ako sa aking katinuan nang marinig kong tumikhim si Señor Ignacio. "Tayo na't umuwi, Linong. Ako'y nagugutom na dahil hindi pa ako nakakakain ng almusal." wika nito at sumampa na sa kalesa.

Tahimik lamang kami ni Señor Ignacio habang tinatahak ang daan pauwi sa kanilang mansyon. Ang tangi ko lamang na naririnig ay ang mga yabag ng paa ni Tadeo sa tuyong daan dahil sa pagtakbo nito. May mga mangilan-ngilan ring mga ibon na humuhuni sa paligid. Mataas na ang sikat ng araw at nararamdaman ko na ang pamumuo ng mga pawis sa aking noo. "Magka-kilala kayo ni Roberto, Linong?" tanong ni Señor Ignacio na bumasag sa aming katahimikan.

"Hindi ko ho masasabing magka-kilala kami ni Ginoong Roberto ngunit nakapag-usap na ho kami ng ilang pagkakataon." tugon ko at mabilis na sumulyap sa kanya. Seryoso ang kanyang mukha at tila nag-iisip ng malalim. Ibinalik ko rin agad ang aking paningin sa daan dahil sa takot na mabangga kami kung may daraan mang tao o isa pang kalesa na maaari naming makasalubong.

Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon