Ika-Apatnapu't Isang Kabanata

335 30 23
                                    




Araw ng Linggo. Ito na ang araw na itinakda upang magtungo ang mga polista sa Sugbu. Kung saan ako nabibilang...

Sa kasamaang palad ay hindi na ako pinahintulutan pa ni Heneral Luciano sa pagkakataong ito. Ang sabi niya'y sapat na raw ang ilang taon niyang pagbibigay sa akin ng panahon. Sobra na raw ang ilang ulit niyang pagpapalampas sa akin. Ipinamukha niya rin na hindi na ako maituturing pang Kastila dahil sa aking hitsura at estado ng aking pamumuhay ngayon. Kaya naman wala na akong nagawa pa. Hindi ko na magagawa pang baluktutin ang desisyon ng Gobernadorcillo.

Hindi rin ako naka-ipon ng sapat na salapi na aking ipangbabayad sana bilang buwis kapalit ng aking pananatili. Sa kabila ng pagtitinda ng gulay at prutas sa pamilihan sa tuwing oras ng siesta, at pagiging aguador ko sa ibang pamilya ay nabigo ako.

Sinubukan ko rin na magpinta muli. Mula sa maliit na alaala sa aking isipan ay iginuhit ko ang hardin sa likod ng simbahan ng San Vicente. Sapagkat simula nang maganap ang nangyari sa amin ni Ignacio ilang araw lamang ang nakararaan, ay hindi na ako nilubayan pa niyon maging sa aking panaginip. Dahil sa aking ayos at pananamit ng mga sandaling iyon, aking naramdaman na tila ba tama ang lahat.

Isang ginoo... at isang binibini. Malaya at tunay na nagmamahalan.

Ang layunin ko sana'y ipagbili ang larawang iyon sa bayan o sa kung sino man na maaari kong pag-bilhan nito. Subalit sa kasamaang palad ay hindi ko ito natapos. Naging abala ako sa pagta-trabaho para sa iba't-ibang tao kung kaya't tanging sa gabing madilim ko na lamang ito naipagpapatuloy. Kung kailan ako dinadalaw ng matinding pagod at pagka-hapo.



Kaya naman sa kabila ng aking pagpupursigi ay nabigo ako na makalikom ng sapat.


Sa katunayan ay inasahan ko naman na ang bagay na ito. Ang tunay na layunin ko lamang kung kaya't ako'y naghanap ng ibang pagkakakitaan ay upang may mai-abot ako kina Lola Trinidad at Tatay Berto 'pag alis ko. Para kahit papano'y may pantustos sila habang ako'y nasa malayo.

"Baunin mo na lamang 'yan sa Sugbu gaya nang winika ni Itay, Linong." pagtanggi ni Agustin sa kaunting salapi na aking ibinibigay. Tinanggihan kasi ni ito Tatay Berto nang aking iabot sa kanyang kaninang umaga, na ngayon ay siya ring ginawa ni Agustin. "Para naman mayroon kang ipangbibili ng masarap at masustansiyang pagkain roon." dahilan niya.

Napabuntong hininga ako nang mapagtantong nagmana nga si Agustin sa kanyang ama. Kapwa matigas ang kanilang mga ulo at hindi marunong na makinig.

"Huwag mo nang alalahanin pa sina Lolo, Lola, at maging si Lucas. Ako na ang bahala sa kanila. Ang isipin mo ay ang 'yong sarili." hindi makatinging paalala niya dahilan upang bahagya akong mapangiti, kasabay nang pag-init ng aking mata.

Naglalakad kami ngayon patungo sa daungan. Doon ay naghihintay na sa amin ang barkong aming sasakyan patungo sa Sugbu. Bitbit ko sa aking payat na braso ang pinagtagpi-tagping tampipi na siyang tinahi ni Lola para sa akin. Laman niyon ang ilang damit na aking dadalhin sa aking paglalakbay sa mahigit isang buwan na pakikipagsapalaran sa ibang bayan.

"Ikaw Desiderio!" tawag niya sa kanyang kasamahan sa koprahan, na siyang makakasama ko sa Sugbu. Napatingin naman ito sa aming gawi ng may pagtatakha. "Ang ating napag-usapan. Kung nais mo pang makitang buhay ang iyong manok na si Tilaok." banta nito bago tumingin sa akin.

"Kahit kailan ay kayhilig mong ulit-ulitin ang mga bagay, Gustin!" turan nito sa kaibigan habang umiikot ang mga mata. Nagpati-una tuloy itong naglakad at sumabay sa kanyang kapatid sa aming unahan kasama ang kasintahan nito. Hinabol naman siya ni Agustin at pabirong sinuntok ang balikat nito.

Ako'y natawa na lamang dahil batid kong patungkol sa akin ang kanilang pinag-uusapan. Marahil ay hinabilin ako ni Agustin sa kanyang kaibigan. Napa-iling na lamang ako rito at lihim na nagpasalamat sa Maykapal dahil aking nadarama na ako'y kanyang pinahahalagahan.





Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon