01

137 10 36
                                    




Maaga akong nagising dahil narinig ko rin ang malakas na alarm ni lola. Sinubukan ko pang matulog kahit konti pero wala, nawala na talaga ang antok ko.





Nag-plantsa muna ako ng uniform ko tsaka naligo. Sumilip ako sa kwarto ni Papa para siguraduhing nakaalis na nga siya. Mas maaga kasi siyang gumigising at pumapasok dahil daw mahirap sumakay ng jeep kapag tinanghali ka. Totoo naman iyon kaya lahat ng taga dito ay maaga kumikilos.







5:30 palang nang umaga at mamaya pang 7:30 ang klase ko. Ako na ang nagsaing at nagluto ng uulamin namin pareho ni lola dahil mukhang masarap pa ang tulog niya. Okay na rin siguro 'yon para makabawi rin siya ng tulog, kaya ko naman, eh.






Naghahanda na ako ng baunan ko nang lumabas si lola mula sa kwarto niya. Lapit na lapit ang mukha nito sa cellphone niya dahil wala siyang suot na salamin.






"Alas singko y media na pala, iha. Bakit hindi mo ako ginising para ako na lang sana ang naghanda ng kakainin mo?" aniya nang makalapit siya sa'kin.







"Eh, 'la, mukhang masarap ang tulog mo kaya ako na ang gumawa. Hindi dapat nai-storbo ang tulog mo." biro ko tsaka tumawa nang mahina.






"Ala'y ako'y nag-alarm pa naman kagabi para kako ako na ang maghahanda at magpa-plansta ng mga uniporme mo." naiiling na sabi niya habang nilalagyan ng kanin ang plato ko.







"Ayos lang, la. Malaki na naman po ako, hindi niyo na kailangang pagsilbihan. Magdidisi-siete na po 'tong apo niyo." sabi ko tsaka inilagay ang lunchbox ko sa loob ng bag ko.






Umiling-iling lamang ito tsaka pumasok ulit sa kwarto niya. Si lola na talaga ang tumayong nanay ko magmula pa man noon. Halos subuan niya pa rin ako ng pagkain ngayon kung hahayaan ko siya. Masyado niya talaga akong bini-baby magmula nung mawala si mama. Ginagawa niya daw 'yon para hindi ko maramdaman na nawalan ako ng ina. Effective naman dahil solid mag alaga ang lola ko na 'yan.







Alam kong kumukuha na ang matanda ng pambaon ko. Ako naman ay naghahanda na para umalis. Ang bilis ng oras dahil mag-aalas sais na agad. Maglalakad pa kami palabas sa kanto mamaya.







"Oh, iha. Ito ang baon mo, 'yan lang ang iniwan ng papa mo, eh. Dinagdagan ko na 'yan pero alam kong-"






Kinuha ko na lang ito sa kamay niya tsaka siya nginitian. "Okay na po, la. Maraming salamat. Papasok na po ako."






Humalik muna ako sa pisngi niya tsaka tuluyang umalis. Tsaka ko lang naalala na may dadaanan pa pala akong mga alaga. Sa may kanto lang naman ang bahay nila. Kita kong bukas ang pintuan ng kanilang bahay kaya sumilip ako sa loob. Sana naman ay gising na sila pareho.







"Ate bebs, si Nads po?" tanong ko sa mama niya na abala sa paglalabas ng mga paso sa terrace nila.






"Ay nako, neng. Naliligo pa ang batang 'yon. Pumasok ka na lang d'yan sa loob para d'yan mo na lang siya hintayin." sagot ni ate bebs.






Nakahinga naman ako nang maluwag. Nagpasalamat muna ako tsaka hinubad ang sapatos para pumasok sa loob.






Totoo ngang naliligo pa si Nadia dahil naririnig ko siya mula dito sa sala nila. Kumakanta ito na para bang napakadami niyang oras para gawin iyon. Kapag talaga nasaraduhan kami ng gate mamaya ay mayayari siya sa akin.







When We Were YoungWhere stories live. Discover now