CHAPTER 1: Sino si Pareng MOVE ON?

691 4 1
                                    

BREAK UP.  

Paano mo ba ilalarawan ang BREAK UP?  Bukod sa "dalawang salita s'ya na pinag-isa" na maaaring maging sagot ng mga tropa kong PILOSOPO sa tanong na 'yun, ano nga ba ang malalim na depinisyon ng salitang 'yan?  Bakit nga ba ang sakit sakit ng dulot nitong si pareng BREAK UP kapag s'ya na ang kalaban mo sa taong mahal mo?

HUNYO, 2007...  

Unang araw ng pasukan.  Nasa Ikaapat na taon na ko nu'n sa mataas na paaralan.  Isang bagong panimula ng magiging wakas ng nag-uumpisa pa lang na saya ng High School Life.  Hindi naging madali para sa isang katulad ko ang mga naunang taon ko sa high school bago ako nagkaroon ng mga matatawag kong kaibigan ngayon.  

Nakatira ako sa isang squatters area noon sa gilid ng riles ng tren.  Hindi ko naman din maituturing na isa akong masiyahing bata ng mga panahon na 'yun.  Kuntento na ko kung may isa, dalawa, o tatlo akong kalaro dahil nga sa pagkakaroon ko ng mataas na qualification sa mga magiging kaibigan ko.  Hindi ko din sigurado kung san ko nakuha 'yung ganoong mentalidad.  Basta ang alam ko, kailangan, ang magiging kaibigan ko, hindi takot tanggapin ang hindi ko pagiging perpekto.

Madaming nangyari sa paglipas ng panahon, ngunit hindi pa rin naalis ang ugali kong pagiging mapili sa mga taong nakakasalamuha ko.  May mga nagsasabing boring akong kaibigan.  Ang sagot ko naman sa edad kong sampu, "nag-iingat lang ako sa mga taong pagkakatiwalaan ko".  Nang matapos ko ang elementarya at kasamang nagmartsa ang nanay ko ng graduation day, sinabi ko sa sarili ko na, gagalingan ko 'pag nasa high school na ko para may maiuwi akong medal pagkatapos.  Nasa kalagitnaan ako noon ng first year ng isang araw, paglabas ko ng eskwelahan at hinahanap ang serbis kong tricycle na s'yang maghahatid sa'ken pauwe, nakita ko ang pinsan ko at isang kaibigan na naghihintay sa'ken sa lugar na dapat naroon ang serbis ko.  Katahimikan lang ang sagot nila sa tanong kong..."Baket kayo nagsundo sa'ken?".  May kaba na ang puso ko ng panahon na 'yun, pero, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong ikabahala.  Naglakad kami pauwi nu'n.  Mga kalahating oras kaming naglakad ng dumating ang serbis ko at sumakay na kami para umuwi.  

"Shiela, 'wag kang mabibigla aa", ang sabi ng driver ng serbis sa'ken.

"Baket po?  Anu' po bang nangyare?", du'n mas lumakas ang kaba sa dibdib ko.  May dapat nga akong ikabahala.  Isang bagay na labis na ikakabahala ninuman at dahilan din ng pagkabahala ng iba pa.  Noong mga panahon na 'yun, nababalitang magkakaroon ng demolisyon sa lugar namen dahil diumano, iyon ay gagawing project ng isang Japanese Company.  Marahil ay iyon na nga ang dahilan at nangyari ang mga bagay na iyon.

Bumaba ako ng tricycle kasama ang mga nagsundo sa'ken.  Kailangan mo pang pumasok sa isang eskinita para matunton mo ang isang komunidad na nagbigay tahanan sa pamilya ko sa mahabang panahon.  Nang papasok na ako upang malaman ang tunay na nangyari, napansin ko ang kakaibang tingin ng mga taong nakakasalubong ko sa akin.  Lungkot, awa, simpatiya at kung anu' ano pang negatibong pakiramdam ang tila ba sinasabi ng mga titig na yun sa akin.  Nagpatuloy ang mabilis na pagtibok ng puso ko.   'Yun na yata ang pinakamahabang lakad na nagawa ko sa buhay ko kahit pa hindi ganu'n kahaba ang daan na dati nama'y mabilis ko lang nadadaanan.  Sa wakas, naabot ko din ang bahay namen.  Mga sampung hakbang na lang at bahay na namin mula sa kinatatayuan ko ng mapansin kong, ginigiba ang tarangkahan ng bahay namen.  "Baka, demolisyon na nga", kumbinsi ko sa sarili.  Naramdaman ko ang kamay ng pinsan ko sa balikat ko.  Nagpatuloy ako ng paglakad hanggang sa marating ko ang tapat ng bahay namen.  Isang babae na pamilyar ang mukha ang nasa bungad nito bukod sa mga kapitbahay naming nagtatanggal ng aming tarangkahan.

"WALA KA NANG NANAY"

Mahina ang pagkasabi n'ya, pero, parang sinisigawan ako ng mundo.  Nabibingi ako sa dami ng nagsasalita sa utak ko pagkatapos n'ya 'yung sabihin.  Dumidilim ang paligid ko at parang nanghihina na rin ang tuhod ko na wari'y napagod sa mahabang paglalakad.  Naguguluhan ako ng kung anu' ba ang dapat kong maging reaksyon sa mga narinig ko.  Mas lalong lumalakas ang mga boses na patuloy na nagsasalita, sumisigaw, nagagalit, umiiyak sa loob ng ulo ko.  Bumagsak ang lahat ng mga gamit ko at patakbo kong tinungo ang loob ng bahay namen.  Wala nang mas sasakit pa sa eksenang nadatnan ko sa loob ng bahay na para bang, sana hindi ko na lang ginawang pumasok du'n.  Ang panganay kong ate na sinunod ang luho ay nakaupo sa kamang binili sa kanya ng nanay ko buhat ang bagong panganak n'yang baby, UMIIYAK.  Ang pangalawa kong ate, na kakadaan lang din sa kalungkutan  dahil sa pagkalaglag ng baby n'ya mula sa sinupupunan ay nakatayo sa kusina, UMIIYAK.  Ang pangatlo kong ate na laging katuwang ng nanay ko sa lahat ng gawain sa bahay ay nakatayo malapit sa pintuan, UMIIYAK.  At ang isang lalaking naging sandigan ng lahat, naging basehan namen ng tapang at katatagan, na hawak ang larawan nila ng kasal ng babaeng pinakamamahal n'ya ay nakaupo sa sofa.  Wala nang mas sasakit pa na makita ang iyong ama na umiiyak.  NAG-SHUT DOWN ang lahat.  Huminto ang oras.  Dumilim ang paligid.  Dumaan ang dalawang linggo at naihatid na namin sa kanyang huling hantungan ang aking ina.

Nawalan ng direksyon ang buhay ko.  Sa edad na 13, nawalan ako ng ina.  Nawala lahat ng dahilan ko para gawin ang mga bagay bagay.  Du'n ko unang nakikilala ang salitang...MOVE ON.

Dalawang salita...dalawang salita na napakahirap intindihin at mas lalong napakahirap gawin.  Paano mo maipagpapatuloy ang buhay pagkatapos mawala ng isang importanteng tao sa buhay mo?  Saan ka magsisimula...Paano mo gagawin...at Gaano ka kasigurado na kaya mong gawin? 

Nakilala ko man si pareng 'MOVE ON' ... hindi ko s'ya nahanapan ng oras para intindihin at pag-aralan.  Halos, bumagsak ako sa lahat ng subjects ko sa unang taon ng high school kaya pinilit kong humabol.  Pagkatapos naming i-celebrate ang unang pasko at bagong taon na wala ang nanay ko, dumating ang isa pang babago sa buhay naming lahat.  Ang una kong naisip ng papauwi ako ng araw ng pagkawala ng nanay ko... ANG DEMOLISYON.  

Wala na kaming nagawa pa kundi ang sumunod sa utos ng gobyerno.  Maswerte talaga kami dahil kumpara sa mga nadedemolish ngayon, binigyan kame ng maayos na paglilipatan at financial support para mabuo namen ang aming mga bagong tahanan.   Tinapos ko ang unang taon ng high school at saka tuluyan ng nilunok ang katotohanan na mawawalay na ko sa bahay na naging silungan ko at nang pamilya ko sa mahabang panahon.  Sa lugar, kapitbahay, kamag-anak at mga kaibigan na naging saksi sa bawat pagbuo mo ng pangarap sa pag-aakalang magiging parte sila ng buhay mo.  Doon ko ulet narinig ang salitang...'MOVE ON'.  

Sa pangalawang pagkakataon, hindi ko s'ya binigyan ng pansin.  Bagong lugar, bagong bahay, bagong kapitbahay, bagong paaralan...bago lahat.  Sa isang taong katulad ko, paano ko tatanggapin ang lahat ng bago na ito ng nag-iisa?  Nakakatakot.  Takot na takot ako ng mga unang araw na 'yun.  'Yung pakiramdam na madaming tao na nasa paligid mo pero hindi mo sila makita, makausap o kahit maramdaman man lang.  Sa ikalawang taon sa high school, walang nangyaring maganda sa buhay ko.  Nami-misunderstand ng mga kaklase, nami-misjudge...kulang na lang ako ang tanghaling MISS CAMPUS namen nu'n dahil sa dami ng mis- na nangyari sa buhay ko e.  Kung merong isang bagay na magandang nangyari nu'n ay nu'ng una kong maramdaman ang pagka-in love...pagka-in love sa maling tao at sa maling panahon.  Naramdaman ko ang pagtangi sa isa sa aking mga guro.  Matangkad, makisig, at may pagkasimpatiko.  Yan ang mga magde-describe sa kanya.  Naging masaya ang bawat araw ko noon kahit pa nga, halos kalaban ko ang buong campus dahil sa ugali ko.  Nagtapos ang ikalawang taon ko sa high school ng hindi ko nasabi sa kanya na gusto ko s'ya.  At ang malungkot pa dun, kailangan ko ulet lumipat ng paaralan.

Sabi nu'ng isa kong nakasundo at nakaintindi sa'ken nu'n, "Oh, aalis ka na pala dito e.  Pigilan mo na 'yang pagtangi mo kay Sir! Mag-MOVE ON ka na!"

Sa ikatlong pagkakataon, naintindihan ko na kung anu' ang kahulugan ng dalawang salitang 'yun.  Sa palagay ko, ang ibig sabihin nu'n ng panahon na 'yun ay ang ... PAGLIMOT.  Paglimot sa isang taong naging parte ng buhay mo at pagbaon n'ya sa tinatawag nilang ALAALA.  

Naintindihan ko man ang mga salitang 'yun, sa ikatlong pagkakataon, hindi ko pa rin s'ya binigyan ng pansin.  Natuloy ang paglipat ko ng paaralan.  Mas malapit kase 'yun sa bahay namen, at sa isang katorse anios na katulad ko, wala pa akong kakayahan at karapatan gumawa ng desisyon pagdating sa bagay na 'yun.  Bagong paaralan, bagong mga kaklase...bagong misunderstanding...bagong misjudgment...bagong mga kaaway...bagong dahilan ng pagkawala ng interes na gumawa ng mga bagay...pero, ang pagbabalik ng gana ko sa pag-aaral.  Tutuparin ko ang lihim kong pangako sa nanay ko.  Magtatapos ako ng isang honor student.  Sa pamamagitan ng mga bagong kaibigan, nalaman kong puno na ng sakit at galit ang puso ko kung kaya't hindi ko makuhang maging masaya sa presence ng iba.  Ang paulit-ulit kong pagbalewala kay pareng MOVE ON, nakalimutan ko kung paano mag-enjoy sa mga bagay bagay.  Nakalimutan ko ang sayang dulot ng mga laro.  Nakalimutan kong tumawa ng malakas.  Nakalimutan ko kung paano ba makipagkwentuhan.  Ang daming bagay ang nabulagan ako dahil sa pagsisikap na hindi kaawaan ng iba.  Natapos ko ang ikatlong taon sa high school bilang panglima sa pinakamagagaling na 3rd year students ng taon na yun.

at dumating na ang FOURTH YEAR HIGH SCHOOL.  Ang unang pagkabigo sa pag-ibig ay walang katulad...at hindi basta-basta malilimutan...

ITUTULOY... 

MOVE ON:  TANGA NA LANG PARATE?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon