'Yung hindi naman pwedeng maging kayo pero hindi ka din pwede sa iba. Nakalutang ka habang siya masayang-masaya sa piling ng taong mahal niya. Hindi pa 'yun sagad. Magiging sweet sila habang nasa harapan mo at habang ikaw, dinudurog ka ng buong-buo. Nahiya na nga ang mga paminta sa pagkadurog mo, e.
"Siya ba?" Tanong ni Ralph. "Naku! Siguraduhin mo lang na kaya kang panindigan n'yan! Bakit ka kasi magbo-boyfriend? Hindi mo naman 'yun kailangan!" Patuloy siya sa pagsasalita habang nakikipaglingkisan sa babaeng tatlong araw niya pa lang kakilala.
Nagpaalam ako na bibili lang ng inumin dahil hindi ko na malunok ang mga nangyayari at bukod pa dun, naubusan na din yata ako ng tubig sa katawan dahil sa sobrang pagpapawis dulot ng selos na nararamdaman ko ng mga panahon na yun.
Napakasarap isipin na pinoprotektahan ka ng taong gusto mo, pero, sa kabila nu'n, napakasaket den na may kasama siyang iba. Sa paglalakad ko, feeling ko parang nasaksak ako sa dibdib at pinipilit na iniinda lang ang sakit na dulot ng isang matalim na bagay. Ayokong pagtawanan ng mga tao dahil sa isang maling pag-aakala na gusto din ako ng lalaking gusto ko. Ayoko ding kaawaan kaya ayokong humingi ng tulong galing sa mga kaibigan ko. Isang napakalaking white board ang nakikita ko sa isip ko. Walang laman. Blangko.
Isang malakas na yakap mula sa likod ko ang naramdaman ko. Malakas ang mga bisig niya, dala-dala ang isang pamilyar na amoy mula sa ginagamit niyang pabango. "Uy! Bakit ang tagal mo? Umalis na tuloy si Jen. Halika, ililibre kita!"
Gusto ko sanang tumakbo para maiwasan ko ang lalaking 'to pero paano? Ang awkward naman na bigla na lang akong tatakbo, 'di ba? Para akong nakikipagtagisan sa isang pambatang laro na, Step YES, Step NO. Kailangan kong gumawa ng hakbang habang binubulag ang sarili at ipinapaubaya ang mga mangyayari sa sasabihin ng mga tao sa paligid ko.
Nakita ko na lang ang sarili kong nakaupo sa parte ng Cafeteria kung saan kami unang nagpalitan ng kwento. Tulad ng dati, nilagyan niya ng pagkain ang walang laman kong plato habang patuloy sa pagkwento ng nangyari sa kanila ng girlfriend niyang parang nasampal ng sampu sa kapal ng blush-on sa pagmumukha.
"Ano bang nakita mo dun sa lalaking yun? Ang putla-putla! E, mas gwapo pa ko dun e!" Sabay himas ng baba at ngisi na sinundan pa ng kindat. "Oh, siya! Kain na! Ang payat, payat mo na! Alam mo ng ayokong yumayakap ng kawayan, e"
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ako makasabay ng panglalait ng lalaki na nasa harapan ko. Hindi ko mapigilan titigan ang gwapo niyang mukha. Sabi nila, kapag malungkot ka, mas maigi mong nakikita ang ganda ng kapaligiran mo. Sinisikap kong ngumiti kahit pa nga ang bawat anggulo nito ay parang kinikitil ang sarili kong buhay dahil alam kong ito ay parte lamang ng aking kasinungalingan. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat na beses man niyang pagmukhain ang sarili niyang siraulo ay wala akong ibang naiisip kung hindi ang lahat ng bagay na ginusto ko sa kanya. Saglit akong bumuntong hininga para paluwagin ang naninikip kong dibdib. Sa paanong paraan ba natin hinahayaang saktan tayo ng ibang tao dahil lang sa gusto natin sila o higit pa dito?
"Ok ka lang ba?" tanong ni Ralph.
Ngumiti lang ako para sabihin ang positibong tugon na gusto niyang makuha at binaling ko ang sarili sa pagkain.
"Hindi ka ok, e" Lumipat ito ng upuan sa tabi ko upang kumpirmahin kung totoo ang sinasabi ko. "Gusto mo yakapin na lang kita para maging ok ka kung ayaw mong magsalita"
Kung alam niya lang kung gaano ko kagusto na yakapin niya ko sa tuwing magkasama kami. Kung alam niya lang kung gaano ko kagusto na sana ako na lang si Jen. Kung alam niya lang sana kung gaano ko ninanais na ako ang kasabay niyang umuwi at siya ang may bitbit ng gamit ko. Kung alam niya lang sana...
BINABASA MO ANG
MOVE ON: TANGA NA LANG PARATE?
Novela JuvenilLahat tayo may kanya-kanyang hawak na lobo. Nasa mga kamay natin kung hanggang kailan natin ito dadalhin at kailan natin ito bibitawan. Walang sinuman ang makakatakas sa sakit na dulot ng pagmamahal... ng maling tao. Kung nasasaktan ka man ngayon a...