"Ralph," sambit n'ya. "My name is Ralph." Sinundan n'ya pa ng isang nakakalokong ngiti at kindat.
"Ah, ganu'n ba." Hindi ako kumportableng may kasamang lalaki na kami lang dalawa at samahan pa ng mga kaibigang hindi mo alam kung ano ang pinagbubulungan habang tinititigan ang mga labi n'yong dalawa na wari'y hinuhulaan kung ano ang sinasambit.
Nagpatuloy kami sa paglalakad papunta sa aming unang klase. Hindi pala namin kaklase si Ralph. Sa kabilang section pala s'ya. Ewan ko pero, nakaramdam ako ng konting lungkot nu'ng malaman ko 'yun.
Narinig ko ang buntong hininga nito. "Sayang! Hindi pala tayo classmates".
Ngumiti lang ako para hindi n'ya malaman na parehas kami ng naramdaman.
"Sige, ah. Kita na lang tayo mamaya ulet break time," wika ni Ralph.
"Ah, ok."
Lumipas ang ilang oras na nakatutok ako sa mga sinasabi ng aming guro pero waring nakalutang ang isipan ko sa isang bagay na hindi alam kung ano ba talaga. Hindi ko nga ba talaga alam? O, nahihiya lang akong isipin na may isang taong sa saglit naming pag-uusap ay binali ang lahat ng prinsipyong meron ako sa mahabang panahon. Prinsipyong walang naging batayan... walang pinagmulan, pero hinayaan kong mag-exists sa sistema ko ng hindi ko man lang tinimbang kung alin ang tama o mali sa mga ito.
KRIIIIINNNNNNNNNNNGGGGGGGGGGGGGG !!!!!!!!!!!
Isang nakabibinging tunog ang gumising sa naglalakbay kong isipan. Isang hudyat ng isang magandang balita. Makikita ko kaya s'ya sa Cafeteria tulad ng sinabi n'ya? Pinilit kong burahin ang estranghero sa isip ko upang patunayan na hindi magandang balita ang hatid ng naiisip ko sa mga panahon na ito.
"Hoy, 'te! Gising, gising din kapag may time... Break time na oh!" wika ni Fidel.
Isang masamang tingin lang ang itinugon ko sa kaibigan kong basag trip at saka tumayo upang pumunta sa lugar kung saan nag-umpisa ang weird na pagkatulirong ito. Habang nasa daan, napansin kong hindi ako sinasabayan ng mga kaibigan ko sa paglalakad. Nanatiling mga dalawang hakbang ang layo nila sa'ken habang nagbubulungan. Hindi ko na lang sila pinansin at nagpalinga-linga sa pagbabakasaling kinakawayan na ko ng lalaking hinahanap ko. Naisip kong tatawagin n'ya ko tulad ng nangyari kanina.
Isang malakas na tulak mula sa likod ang natanggap ko mula kay Cyrill, "Ano ka ba? Kanina ka pa wala sa sarile! Bakit ka ba ganyan?"
"Wala 'to. Huwag n'yo kong pansinin" tugon ko.
"Sus, don't me! Nakita ko na 'yang mga ganyang arte! Ganyang-ganyan si Edward 'pag may pag-ibig e" wika naman ni Rhen.
"Pag-ibig? Pag-ibig agad? Hindi pwedeng kaibigan muna?"
"Boom! E, di, nahuli din ang isda sa sarili n'yang bibig!" singit naman ni Fidel.
Binara naman ni Rhen si Fidel, "Nakakatawa namang mahuli mo ang isang isda sa pamamagitan ng bibig ng katabi n'ya di ba?"
"Ibig kong sabihin is..." tugon ni Fidel
"Oh, panindigan mo 'yang is mo, a! English dapat kasunod n'yan" Patuloy na pambabara ni Rhen.
"Ito naman! Ang ibig kong sabihin ay 'yung transferee 'yung rason kung bakit ganyan 'yang kaibigan naten"
May parte ng isipan ko na sumasang-ayon sa sinasabi ni Fidel at hindi ko 'yung pwedeng itanggi sa sarile ko. Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad dahil wala naman akong masabi habang patuloy ang diskusyunan nilang lahat sa likuran ko. Narating na namin ang Cafeteria at pinilit kong hindi lumingon upang maiwasan ang paglaki ng namumuong konklusyon sa isipan ng mga kasama ko. Handa na ang mga tenga kong marinig ang pagsigaw ng isang tao sa pangalan ko.
BINABASA MO ANG
MOVE ON: TANGA NA LANG PARATE?
Teen FictionLahat tayo may kanya-kanyang hawak na lobo. Nasa mga kamay natin kung hanggang kailan natin ito dadalhin at kailan natin ito bibitawan. Walang sinuman ang makakatakas sa sakit na dulot ng pagmamahal... ng maling tao. Kung nasasaktan ka man ngayon a...