PANIMULA: MAG-ISIP TULAD NG MILYONARYO

700 0 0
                                    

KASABIHAN

"Ang Milyonaryo ay nag-iisip na makapagsilbi sa maraming tao."


KAHULUGAN

MILYONARYO

Mayamang tao: taong kumikita ng isang Milyong piso o higit pa sa bawat buwan.


KARUNUNGAN

Gisingin ang Milyonaryong Agila

Sa pagbabasa ng mga libro ay marami akong natutunan na bagay na nakatulong para mapalawak ko ang karunungan ko tungkol sa pagtagumpay at pagyaman. Isa sa mga nabasa ko ay tungkol sa kwento ng agila.

Mayroong isang agila na nangitlog sa puno. Isa sa mga itlog nito ay nahulog sa lupa. Ang itlog ng agila ay gumulong at napasama sa mga itlog ng itik. Pagkalipas ng ilang araw ay napisa ang itlog ng agila kasama ang mga itlog ng itik. Lumaki ang agila na kasama ang mga itik; bagama't isang agila ay namuhay at nakisalamuha ito sa mga itik na nasa bukirin. Sa kaniyang paglaki ay may nakita itong agila na nakakalipad nang mataas.

Lumipad ang agila gaya ng kaniyang nakita at naging mataas at matayog ang kaniyang paglipad. Nagising ang tunay na anyo nito bilang isang agila.

Kung ihahalintulad ito sa buhay, ang lahat ng nilalang sa mundo, gaya ko, ay agila o Milyonaryo; ngunit dahil sa mga kinamulatan sa buhay at nakikita sa kapaligiran, nakasanayan kong mamuhay rin ng mababa. Ang kailangan ko lang gawin ay maghanap ng magiging inspirasyon na siyang tutularan ko; isang taong matagumpay at mayaman. Kapag nahanap ko na ang taong magiging inspirasyon ko ay magigising ang Milyonaryong agila na mayroon ako.


Mag-isip Tulad ng Milyonaryo

Isang araw, habang binabasa ko ang listahan ng mga pinakamayayamang tao sa Pilipinas sa taong 2013, namangha ako sa isang tao dahil siya ang pinakabata sa listahan sa edad na 36 anyos. Ang binabanggit ko ay si Edgar Sia, ang nagtatag ng isa sa pinasikat na kainan sa Pilipinas na Mang Inasal. Ang pangarap niyang magsilbi ng masarap na inihaw na manok ang siyang nagbigay-daan para mapabilang siya sa pinakamayamang tao sa Pilipinas. Kung nagawa niyang maging Milyonaryo ay maaari ko ring makamit ang hinahangad na tagumpay at kayamanan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa maraming tao sa Pilipinas.


Ang Pagiging Milyonaryo ay Nasa Isip at Puso

Ang pagiging Milyonaryo ay nagsisimula sa isip at puso. Marami akong nakilalang tao na naging Milyonaryo kahit na hindi nakapagtapos ng pag-aaral o hindi matalino sa paaralan. Ang nakita kong katangian sa kanila ay ang pagkakaroon nila ng pangarap na maging Milyonaryo. Ang pangarap na ito ang nagbigay sa kanila ng inspirasyonpara magsumikap na matutunan ang pamamahala ng isang negosyo. Nagpursigi sila sa pagnenegosyo sa loob ng maraming taon para matupad ang hinahangad na pangarap na maging Milyonaryo.

Mga Milyonaryo ng Mundo

Narito ang listahan ng mga Milyonaryo ng mundo:

Nangungunang kilalang bituin: mang-aawit, artista, atleta 1%

Nangungunang nagbebenta 5%

Nangungunang espesyalista: abogado, doktor 10%

Nangungunang nagpapatupad ng kumpanya 10%

Negosyante 74%

Sanggunian: "8 Secrets of the Truly Rich" ni Bo Sanchez


Sa listahang ito ng mga Milyonaryo ay napakarami palang porsiyento ng mga negosyante ang yumaman. Hindi ko pala kailangang maging super pogi gaya ni Aga Muhlach, magaling na artista gaya ni John Lloyd Cruz, super boksingero gaya ni Manny Pacquiao o super talino gaya ng mga abogado at doktor para maging Milyonaryo. Maraming naging Milyonaryo sa pagnenegosyo dahil sa pagsusumikap at pagpupursigi na ituloy ang negosyo na may kahalong pagmamahal at kasiyahan sa kanilang ginagawa.

Ang Pagiging Milyonaryo ay Magsisimula Ngayon

Ang librong ito ay nagtataglay ng lahat ng impormasyon na kailangang malaman sa pagtagumpay at pagyaman para maging Milyonaryo. Kapag nalaman at natutunan ang impormasyong ito at nagamit sa pang araw-araw na buhay, magsisimula nang mamuhay na tulad ng isang Milyonaryo. Ang pagiging Milyonaryo ay magsisimula ngayon. Hayaang dumating ang mga pangarap sa pamamagitan ng walong madadaling hakbang para maging masaya, mapagmahal at nagpapasalamat na Milyonaryo sa lahat ng aspeto ng buhay: emosyonal, intelektwal, ispiritwal, pisikal at materyal.


Walong Madadaling Hakbang para Maging Milyonaryo

Sa mga susunod na pahina ng libro ay ibabahagi ko ang karunungan ng walong madadaling hakbang para maging Milyonaryo na makakatulong para sa madali at mabilis na pagtupad ng mga pinapangarap.

Ang unang hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Isipna magpapaliwanag kung gaano kalakas ang positibong pag-iisip para makamit ang lahat ng naisip at malaman kung ano ang angking talento.

Ang pangalawang hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Pangarap na magpapaliwanag kung paano magkaroon ng eksaktong pangarap para ito ay magkatotoo.

Ang pangatlong hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Batas na magpapaliwanag kung anong mga kasunduan ang mainam gawin para sa pagtagumpay at pagyaman.

Ang pang-apat na hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Yaman na magpapaliwanag kung ano ang magandang pag-uugali tungkol sa kayamanan.

Ang panlimang hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Kita na magpapaliwanag kung ang trabaho o negosyo ba ang magpapayaman sa tao.

Ang pang-anim na hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Puhunan na magpapaliwanag kung ano ang mga paraan para mapalago ang kaalaman at kayamanan.

Ang pampitong hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Negosyo na magpapaliwanag kung ano ang mga negosyo ng mga mayayaman na tao.

Ang pangwalong hakbang ay tungkol sa Milyonaryong Gawain na magpapaliwanag kung paano gagawing madali ang mga gawain para maging Milyonaryo.


Tayo nang magsimula sa unang hakbang para maging masaya, mapagmahal at nagpapasalamat na Milyonaryo sa susunod na pahina.

Paano Maging Milyonaryo?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon