KASABIHAN
"Ang nakasanayang gawain ay parang isang hibla ng tali na habang dumadami ay lalo itong tumitibay."
KAHULUGAN
NAKAGAWIAN
Palaging ginagawa: ang paulit-ulit na gawain na nagiging natural na pagkatao o pag-uugali.
KARUNUNGAN
Ang Mga Gawain
Ang mga gawain na ipapaliwanag ko ay batay sa mga karanasan ko at karanasan ng mga matatagumpay at mayayaman na tao tulad nina Napoleon Hill, Robert Kiyosaki at John Calub.
Dahil kay Napoleon Hill, nangarap akong maging pinakasikat na manunulat sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbebenta ng pinakaraming libro. Dahil kay Robert Kiyosaki ay gumawa ako ng mga paraan para maranasan ang maging mayaman na tao. Dahil kay John Calub, natutunan ko ang mga tamang gawain para maging matagumpay sa buhay. Ang mga naging inspirasyon ko sa buhay ang naging susi ko para mabuo ang konsepto ng Milyonaryong gawain para magtagumpay at yumaman sa mundo at maging masaya, mapagmahal at nagpapasalamat na Milyonaryo sa lahat ng aspeto ng buhay: emosyonal, intelektwal, ispiritwal, pisikal at materyal.
Ang Kapangyarihan ng Numerong 28
Sa karanasan ko ay napakamakapangyarihan ng numerong 28 para matupad ang mga pangarap at magtagumpay. Nakapasa ako bilang inhinyero matapos ang 28 araw ng sarilinang pag-aaral para sa Board Exam. Naisulat ko ang librong "Paano Maging Milyonaryo?" gamit ang angking talento ko pagkatapos ng 28 linggo. Pagkatapos ng 28 buwan naming magkasintahan ay ikinasal kami ng pinakamamahal kong asawa at sa ika-28 na araw ng buwan kami ikinasal. Pagkatapos ng 28 taon na pagsusumikap ay natupad ang pangarap kong magkaroon ng sariling bahay at sasakyan. Napag-alaman ko na ang piso ay magiging mahigit 100 milyong piso sa loob lang ng 28 araw kung gagamitin ang angking talento sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng paglikha ng panibagong produkto o serbisyo. Ayon sa Batas ng Pito, pagkatapos ng 28 araw ay maisapupuso at kusa ko ng gagawin ang isang karunungan na natutunan ko. Dahil sa karanasang ito ay nadiskubre ko na makapangyarihan ang numerong 28 para matupad ang mga pangarap ko at mamuhay nang matagumpay at mayaman. Ito ang gagawin kong basehan para dumating ang pinapangarap ko sa loob ng 28 araw na gawain.
Malaking Misyon sa Buong Mundo
Ang malaking misyon ng bawat tao sa mundo ay mapagsilbihan ang iba sa pamamagitan ng paggamit ng angking talento para makalikha ng panibagong produkto o serbisyong makakapagpasaya at makakapagpadali ng nakagawain ng ibang tao. Napag-alaman ko din na sa loob lang ng limang taon na pagnenegosyo ay makakamit na ang tagumpay at kayamanan sa mundo. Dahil dito ay nakaimbento ako ng dasal na gagamitin ko para makamit ang tagumpay at kayamanan sa mundo na masaya, mapagmahal at nagpapasalamat sa lahat ng aspeto ng buhay ko: emosyonal, intelektwal, ispiritwal, pisikal at materyal. Ang dasal na ito ay tatawagin kong Milyonaryong Dasal na nagiging pinakamakapangyarihang dasal sa buong mundo tungkol sa pagtatagumpay at pagyaman.
Ang Milyonaryong Dasal
Ang Milyonaryong Dasal ay may 8 pangungusap na bibigkasin sa loob ng 28 araw, dalawang beses sa kada araw: isa pagkagising sa umaga at isa bago matulog sa gabi. Bigkasin ang dasal ng dalawang beses: isa habang binabasa at isa habang nakapikit at may damdaming masaya, mapagmahal at nagpapasalamat sa loob ng 28 minuto.
Sa ganitong pagdarasal ay magkakaroon ng awtomatikong pag-iisip para sa positibong paniniwala sa buhay tungkol sa pagtatagumpay at pagyaman. Ang dasal na ito ay magbibigay ng magandang paniniwala na siyang magiging simula ng pamumuhay bilang tunay na Milyonaryo sa lahat ng aspeto ng buhay: emosyonal, intelektwal, ispiritwal, pisikal at materyal. Ang pagdarasal ay nangangailangan ng matinding damdamin na masaya, mapagmahal, at nagpapasalamat habang binibigkas ito nang nakabukas ang mata at habang nakapikit.
BINABASA MO ANG
Paano Maging Milyonaryo?
Документальная прозаAng walong madadaling hakbang para maging masaya, mapagmahal at nagpapasalamat na milyonaryo.