KASABIHAN
"Ang kinikita ay katumbas ng dami ng ginawang pagsisikap."
KAHULUGAN
KITA
Kinikita: Ang halagang nakuha sa pamamagitan ng
pagtatrabaho o pagnenegosyo.
KARUNUNGAN
Ang Kinikita
Ang bawat tao ay may pamamaraan kung paano kumita sa pamamagitan ng mga trabaho o negosyong ginawa. Nag-iiba-iba ang kinikita dahil depende ito sa pagsusumikap ng isang tao para marating ang nais na kitain o pagpupursiging ituloy ang nasimulan na trabaho o negosyo. Alin nga ba sa dalawa ang magpapayaman sa isang tao, trabaho o negosyo?
Lahat Tayo ay Mayroong 24 Oras para Kumita
Lahat naman tayo ay mayroong 24 oras para kumita. Gayun pa man, bakit ang iba ay kumikita ng 1 milyong piso sa isang araw at ang iba naman ay hindi man lang kumikita kahit piso sa isang araw?
Simple lang naman ang dahilan: ang kumikita ng 1 milyong piso ay may mataas na pangarap at nagsusumikap na palakihin ang kaniyang kinikita sa pamamagitan ng paggamit ng angking talento na kaloob ng Diyos.
Itanong sa sarili, "Ano ba ang sariling angking talento na kaloob sa akin ng Diyos? Pinahahalagahan ko ba ito at binibigyang importansya para magamit ko nang lubusan? Pinapaunlad ko ba ito para magkaroon ako ng Milyonaryong yaman at maibahagi ko sa iba?"
Kinikita ng mga Tao
Talaan ng kinikita ng isang tao batay sa antas ng pamumuhay ayon sa persepsyon ko:
Hindi mayaman 28 libong piso pababa ang kinikita bawat buwan
Katamtaman ang yaman 29 - 99 libong piso ang kinikita bawat buwan
May Kaya 100 - 900 libong piso ang kinikita bawat buwan
Mayaman 1 - 9 milyong piso ang kinikita bawat buwan
Napakayaman 10 milyong piso pataas ang kinikita bawat buwan
Masasabi na mayaman o hindi mayaman ang isang tao depende sa kaniyang kinikita bawat buwan. Sa ganitong paraan ay masusuri ko kung ano ang kasalukuyang estado ng aking buhay nang sa gayon ay makapagsimula na akong mangarap na maging isang Milyonaryo o isang mayamang tao na kumikita ng 1 milyong piso bawat buwan.
Jeepney Driver at Henry Sy
Ang pagiging isang jeepney driver ay isang trabaho at si Henry Sy ay isang negosyante. Pareho silang may 24 oras para magtrabaho sa isang araw. Ang jeepney driver ay gumigising nang maaga para maghanda at maglinis ng kaniyang jeep. Bumibiyahe siya nang maaga para maraming tao ang sumakay sa jeep niya at para mas marami siyang kitain, matapos ay hatinggabi na uuwi. Marami siyang ginagawa bilang jeepney driver: nagtatawag ng pasahero, nagsusukli at nagmamaneho. Sa araw-araw na gawain ng pagiging jeepney driver ay masasabing masipag at matiyaga siya pero ang kaniyang kita ay depende sa dami ng taong sumakay ng kaniyang jeep.
Ano naman ang ginagawa ni Henry Sy ngayon? Hindi siya pisikal na nagtatrabaho. Siya ay nagbabakasyon at masayang kasama ang kaniyang pamilya. Ang kaniyang negosyong SM Malls ay mayroong mga itinalagang tao na siyang namamahala nito. Mayroon itong sistemang sinusunod para magawa ng bawat empleyado ang kanilang trabaho nang maayos. Maraming trabaho ang naibibigay ng kaniyang negosyo sa masang Pilipino kaya naman siya ang pinakamayamang tao sa Pilipinas sa taong 2013 ayon sa Forbes magazine. Pero bago niya narating ang kaniyang tagumpay ay nagpursigi muna siyang maisulong ang kaniyang negosyong pagbebenta ng sapatos sa Quiapo. Siya ang nagmamay-ari ng lahat ng SM Malls ngayon na nagsimula lang lahat sa isang pares na sapatos.
BINABASA MO ANG
Paano Maging Milyonaryo?
Non-FictionAng walong madadaling hakbang para maging masaya, mapagmahal at nagpapasalamat na milyonaryo.