Story to be retold: Silent Hill
Genre: Humor'Welcome to Silent Hill'
Mabilis na pinatakbo ni Rose ang kanyang sasakyan papasok ng Silent Hill. Hinahabol sila ng pulis at palaisipan sa kanya kung bakit. "Loka-loka 'tong pulis na 'to. Wala sigurong nakotongan ngayong araw kaya ako pinagdidiskitahan." Lumingon siya sa bata na nasa tabi niya. "Hoy, Sharon. Bakit ka na naman umiiyak?" Pagalit niyang turan sa anak. "Tumahimik ka nga! Nasa Silent Hill na tayo, hindi mo ba naiintindihan ang ibig sabihin ng silent?" Pasigaw niyang saway sa bata.
"Mommy, natatakot po kasi ako." Inosenteng sagot ng bata.
"Aba! Kasalanan mo kung bakit nandito tayo ngayon kaya tumahimik ka! Kung hindi dahil sa pag-i-sleepwalk mo at pagbanggit sa lugar na 'to, hindi sana ako nautusan ng daddy mo na dalhin ka dito," Sinabi niya ang lahat ng 'to sa pamamagitan ng sign language dahil kagaya nga ng sinabi niya ay nasa Silent Hill sila. Dahil sa pagsa-sign language ay nabitawan ni Rose ang manibela at hindi niya napansin ang patawid na bata. Sinubukan niyang iiwas ang sasakyan ngunit sila naman ang nabangga sa malaking puno sa gilid ng kalsada.
Iminulat ni Rose ang kanyang mata, ramdam niya pa ang sakit ng kanyang noo dahil sa pagkakauntog sa manibela. "Aray! Ang sakit," daing niya habang hawak ang kanyang noo. Kinapa niya ang kanyang mukha at naramdaman niya ang mga sugat na dala ng pagkakabangga nila pero mas napaluha siya nang tumingin siya sa salamin sa harap ng sasakyan. "Ang pisngi ko! Bakit hindi pantay? Kakapa-botox ko lang last week!" Maluha-luha niyang litanya.
"Sharo-" Napahinto siya sa pagsasalita nang malamang wala na sa kanyang tabi ang ampon na anak.
"Sharon!" Nang mahimasmasan ay doon niya napagtanto na nawawala talaga ang bata. "Sharon!" nagsimula siyang maglakad sa walang katao-taong lugar na Silent Hill, makapal ang hamog at umuulan ng abo na parang galing sa isang bulkang sumabog. Maging ang mga gusaling nakatayo at mga bahay ay mistulang mga abandonado.
"Sharon! masyado ka namang maramdamin. Joke lang 'yong sinabi ko kagabi. Alam mo namang charotera ang mommy mo, mahilig magdrama.- Oh, Sharon! Where art thou?" sigaw niya sa pag-asang maririnig siya ng anak. Ngunit mas lalo siyang kinabahan nang walang Sharon na nagpakita. Inisip niya ang magiging reaksyon ng kanyang asawa kapag nawala ang ampon nilang anak na ipinagkatiwala sa kanya. Maluha-luha na siya nang makarinig siya ng malakas na sirena at unti-unti ay dumilim ang buong paligid. Kinilabutan siya dahil pakiramdam niya ay may masamang mangyayari hanggang sa nahagip ng paningin niya ang isang batang babae na mabilis na tumatakbo.
Dali-dali siyang tumayo mula sa pagkakaluhod at hinabol ang bata. Sinundan niya ang ito sa pag-aakalang si Sharon ang nakita niya, hanggang sa makarating sila sa isang lugar na parang isang abandonadong minahan. Nangilabot siya nang makakita ng maraming bangkay sa paligid na sa tingin niya ay pinatay sa marahas na paraan. Lubusang nangilabot si Sharon nang may lumabas na hindi pamilyar sa kanyang mga nilalang mula sa kung saan. Nagbabaga ang katawan ng mga ito at walang mga mukha.
Sumigaw siya at nagtatatakbo, takot na takot, habang hinahanap ang daan palabas ngunit napatid siya at hindi na nagawang makatayo. Paggapang nang patalikod ang tangi niyang nagawa habang pawis na pawis dahil sa sobrang tensyon sa kung anong maaaring gawin sa kanya ng mga nilalang na nasa harapan niya ngayon. "'Wag! Wala kayong mapapala sa akin, ang payat ko. Wala akong laman! Parang awa niyo na!" Pero kahit lumuha siguro siya ng dugo ay hindi siya papakinggan ng mga ito. Susunggaban na siya ng isa nang napaatras ito dahil sa isang malakas na tunog at kasunod ay pag-alingasaw ng mabahong amoy.
Napaangat ng tingin si Rose at nakita ang mga halimaw na nakatakip ang mga kamay sa mga ilong. Isa pang mala-bomba atomikang utot ang pinakawalan ni Rose at sabay-sabay na nagsitakbuhan ang mga halimaw dahil sa tindi ng amoy. "Ang yayabang ng mga 'to. Akala mo naman may mga ilong!"
