Story to be retold: Annabelle
Genre: RomanceLaging sabay na pumapasok ang magkapatid na Annebelle at Mia Higgins sa isa sa mga kilalang kumpanya ng mga laruan. Si Annabelle ay sekretarya ni John Ford, ang CEO ng nasabing kumpanya, habang si Mia naman ay isang brand manager.
Maraming pagkakaiba ang magkapatid ngunit marami rin silang pagkakapareho. Isa sa mga pagkakapareho nila ay ang lalaking kanilang napupusuan - si Chuck Anderson na isa sa mga stock holders ng kumpanya.
"Napakamalas ko naman ngayon," wika ni Annabelle sa kanyang sarili habang binabasa ang presentation niya. "Ano bang mali rito?"
Katatapos lang ng meeting nila at hindi nagustuhan ng board ang laruang idinisenyo nila ng kapatid niyang si Annabelle. Isa itong uri ng manika na hinango mula sa mga porcelain dolls na nauso noon.
Nakakatakot daw ang hitsura nito kaya't inayawan ng board na taliwas sa kanyang pananaw. Sobra din siyang nanghihinayang dahil ito pa naman sana ang regalo niya sa ate niya at sa totoo lang, pinangalanan pa niya itong Annabelle doll.
"Mia, okay lang iyan. Huwag mo masyadong dibdibin, may likuran ka pa," biro ni Annabelle sa kapatid habang pinapagaan ang loob nito.
Nakangiti ma'y hindi pa rin maiwasan ni Mia ang malungkot, lalo na 'pag nasusulyapan niya ang kuwintas sa leeg ng kapatid. Naaalala niya ang nangyaring pagtatapat ni Chuck kay Annabelle bago ang kanilang meeting at iyon ang naging simbolo ng pagiging magkasintahan nila. Agad na sinagot ni Annabelle si Chuck dahil hindi nito alam na may nararamdaman din si Mia sa binata.
"Tama ang ate mo, Mia. Maganda kaya yung proposal mo. Kahit si John ay nagustuhan iyon," sabi ni Chuck na kararating lang.
Noong magbotohan, mula sa labinlimang miyembro ng board, dalawang tao lang ang pumabor sa presentation ni Mia. Iyon ay walang iba kung 'di sina Chuck at John.
Tumango na lang si Mia bago dumuko. Niyaya ni Chuck ang magkapatid na kumain sa labas dahil tanghalian na rin nila. Agad na pumayag si Annabelle ngunit si Mia ay tumanggi. Mas pinili niyang mapag-isa kaysa makita ang taong mahal niya na masaya sa piling ng iba, lalo na sa ate niya.
Hinayaan niya munang lumipas ang ilang minuto bago tumayo upang mananghalian na rin. Nakasabay niya sa elevator si John at dadalawa lamang sila roon kung kaya't nakaramdam ng kaunting pagka-asiwa ang dalaga.
Nagtapat sa kanya ang binata ngunit agad niya itong tinanggihan dahil sa may nararamdaman siya kay Chuck. Gayunpaman, nagpatuloy ito sa pangungulit sa kanya kaya lagi niya itong iniiwasan.
"Nakita kong kalalabas lang ng ate mo kasama si Chuck," ani John. Alam din ng binata ang nararamdaman ni Mia sa kaibigan nitong si Chuck.
"Oo, kakain daw sila sa labas," sabi ni Mia kung saan mababakas mo sa tono nang pananalita nito ang bahagyang pagkainis.
"Ikaw, may kasama ka bang kumain?" Umiling si Mia. "Sabay na tayo."
Gusto mang tumanggi ni Mia pero ayaw naman niyang saktan si John kaya pumayag na lang siya. Pumunta sila sa isang restaurant na malapit sa kanilang kumpanya. Lingid sa kaalaman nila, doon din nagpunta sina Annabelle at Chuck. Nakita lamang nila ang mga ito pagkatapos nilang um-order.
"Gusto mo bang lumipat ng ibang restaurant? Ako na lang ang magbabayad nang mga in-order natin."Umiling si Mia dahil nasa bokabularyo pa rin naman niya ang salitang hiya, kahit na katumbas nito ang salitang sakit. Isa pa, nasa tagong bahagi naman sila ng kainan kung kaya't malabong mapansin sila ng mga ito.
Habang kumakain, nakatingin lang si Mia kina Annabelle at Chuck na masayang kumakain sa malayo. Napapansin naman ito ni John ngunit hindi na lang siya umiimik kahit nasasaktan din siya. Mas lalo pang dumagdag ang pasakit ng binata nang tumulo ang luha ni Mia. Dali-daling iniabot ni John ang kanyang panyo kay Mia.