Story to be retold: Troy
Genre: Fantasy"Lolo!" Sabay-sabay na tawag ng apat na batang tumakbo papunta kay Ka Lermo.
"Magandang umaga mga apo. Mabuti't napadaan kayo rito," ika ng matanda saka niyakap ang mga bata.
"S'yempre naman, Lolo. Alam naming may bago kayong kuwento sa amin kaya maaga kaming gumising!" Bibong sagot ni Pipoy na halatang eksayted dahil kitang-kita mo ang ningning sa kanyang mga mata.
"Sakto lamang pala ang dating ninyo. Halina't doon tayo sa loob nang maumpisahan ko na ang aking kuwento." Aya ni Ka Lermo. Umupo ito sa isang silyang kahoy samantalang ang kanyang apat na apo ay umupo sa harapan nito. "Ang aking storya ngayong araw ay tungkol sa isang lalaki na nagngangalang Troy," aniya ng matanda habang inililipat ang pahina. Bakas sa mukha ng mga bata ang tuwa dahil alam nilang dadalhin na naman sila ng panibagong kuwento sa isang mundong hindi pamilyar sa kanila.
"Kapag ako ang iyong pinili, aking ibibigay sa iyo ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Pangako iyan" Iyon ang nanatiling tumatakbo sa utak ni Drey habang iniisip kung sino nga ba ang karapat-dapat na magmay-ari ng gintong mansanas na 'yon.
Hanggang sa dumating ang araw ng paghahatol. Napunta ang gintong mansanas sa kamay ni Adi na siyang nangakong ibibigay kay Drey ang pinakamagandang babae na si Hera na siyang magiging kabiyak niya sa panghabang-buhay. Makaraan lamang ang I sang araw, nagkatagpo ang landas nina Drey at Hera. Nahulog agad ang loob ng dalawa sa isa't-isa kaya naman napagdesisyunan bilang magtanan kahit na may asawa na silang pareho.
Nang malaman ito ng asawa ni Hera na si Dimor, nagalit ito at nais na patayin ang kalaguyo ng kanyang asawa. Kasama ng kanyang mga kawal, sumugod sila sa lugar kung saan nakatira si Drey, sa kaharian ng Silermo.
Sa kanilang paglalakbay, nakasagupa nila ang kawal mula sa kabilang kaharian. Tumagal ang kanilang sagupaan ng mahigit kumulang siyam na taon dahil inakala ng kabilang panig na ninakaw nito ang kanilang mga ari-arian.
Matapos ang nasabing sagupaan, muling naglakbay ang mga kawal at pati na rin si Dimor. Nang marating nila ang Silermo, umisip sila ng paraan kung paano sila makakapasok sa loob ng kaharian ng walang nakakaalam. Dahil mautak ang kasama nila na si Yesu, inilahad nito ang nasabing plano.
Isang kabayong kahoy na may nakakalulang taas at laki ang kanilang naisipan na gawin. Naging matagumpay ang kanilang plano dahil nagawa nilang pasukin ang kaharian pagdako ng takipslim. Inakala nang mga kawal ng kaharian na isa itong kagamitan para sa magaganap na giyera.
Dahil mahimbing ang tulog ng lahat, nagsilabasan na ang mga kawal sa loob ng nasabing kabayong kahoy saka isa-isang sinindihan ang bawat kahoy at nagsimulang sumalakay nang patago sa kaharian. Nakalikha ito ng sunog kaya naman nagising ang lahat ng nasa kaharian.
Nagsimula ang labanan ng espada sa pagitan ng dalawang kampo. Habang nasa kalagitnaan ng labanan, nagsilabasan ang mga naglalakihang lobo na may dalawang ulo pati na rin ang mga paniki na kalahati ay kabayo at sinugod ang mga kawal nila Dimor.
Napagalaman ni Troy ang nagaganapcsa kaharian kaya naman agad niyang itinakas si Hera mula sa kaharian. Si Troy ang isa sa pinakamagaling na kawal ng kampo ng Silermo. Siya ay biniyayaan ng kapangyarihan sa mahika at ang pinakainaasam-asam ng lahat-ang imortal na buhay. Ngunit sa kabila ng kanyang imortal na katauhan, may isang parte sa kanyang katawan na habang buhay na mananatiling mortal. Ito ay ang kanyang mga paa. Nang igawad sa kanya ang kanyang mga kapangyarihan, inilublob siya sa isang drum nang patiwrik kaya naman hindi napagkalooban ng kapangyarihan ang kanyang mga paa.
Nasa ikahuling lagusan na sila nang paulanan sila ng pana ni Dimor. Hindi nila namalayan ang pagsunod nito sa kanila kaya naman mas binilisan pa nila ang takbo. Sinubukang gamitan ni Troy ng mahika si Dimor ngunit mabilos itong nakakailag. Ilang sandali pa'y nakaramdam ng panghihina si Troy. Unti-unti itong bumagsak sa sahig at nandilim ang kanyang paningin. Sinubukan niyang paganahin ang mahika niyacupang mailigtas si Hera. Bumulong ito ng mga salita at bigla na lamang naglaho si Hera na parang bula. Bago ito tuluyang mawalan ng malay, nakita niya ang pana na tumama sa kanyang paanan.
Natapos ang labanan na tumagal ng limang oras. Natalo ang kampo nina Dimor dahil kusa itong sumuko. Ikinulong ang mga natitirang kawal kasama si Dimor sa isang lugar na walang makakakita sa kanila habang-buhay.
"Sayang naman, Lolo. Bakit kasi si Troy pa ang kailangan mamatay?" sabat ni Gilbert na siyang inis na inis.
"Apo, gano'n talaga ang buhay. Kung sino ang mabait, siya ang kinukuha agad ng Diyos." biro naman ni Ka Lermo. Isinara naman niya ang libro at nakangiting tumingin sa mga bata.
"Ang daya talaga," inis na sagot rin ni Yana.
"Mabuti pa't kumain muna tayo ng miryenda, nang mawala ang inis ninyo sa aking kuwento," aya ng matanda saka tumawa nang bahagya. Napangiti naman ang apat na bata saka tumayo at sumunod sa kusina.
