Story to be retold: Silent Hill
Genre: Humor"SHARON! SHARON!"
"Sharon anak, nasaan ka na?" sigaw ko habang naglalakad, palinga-linga at hindi alam kung saan patutungo. Nababalutan ng hamog ang lugar at walang katao-tao. Umuulan pa ng abo pero hindi ko na inalintana ang lahat sapagkat ang mahalaga sa akin ay matagpuan kaagad ang aking nawawalang anak na si Sharon.
Ikaw naman ay sumusunod lang sa'kin. Hindi mo rin alintana na naliligo ka na sa dugo pagkatapos mong patayin ang ilang mga malalaking ipis na humahabol sa'tin kanina. Mabuti na lang at nakakita tayo ng Baygon at isang pares ng malaking tsinelas.
Nagpatuloy lang tayo sa paghahanap nang makarinig tayo ng malakas na kalabog. Agad akong napakapit sa'yo at ikaw naman ay napahawak kaagad sa iyong batuta.
"Cybil, ano 'yun?" tanong ko sa'yo.
"Hindi ko alam, Rose," sagot mo naman. "Tara, alamin natin."
Pinuntahan natin ang pinanggalingan ng tunog hanggang sa makarating tayo sa isang abandonadong hotel. Doon ay nakita natin ang isang babaeng gusgusin. Nakatalikod siya sa'tin at parang may hinahalungkat.
Siniko kita. Ibig kong ipahiwatig sa'yo na ikaw na ang unang lumapit sa babae at magtanong tungkol sa nawawala kong anak na si Sharon dahil natatakot ako. Baka kasi isa rin siyang halimaw.
Nakuha mo naman ang aking mensahe kaya dahan-dahan mong nilapitan ang babae habang ako naman ay takot na nakasunod lang sa'yo. Tinawag mo ang babae. "Miss."
Lumingon ang babae. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong hindi siya halimaw. Tao lang siya na mukhang halimaw. Napakarumi niya at punit-punit ang damit. May mga maiitim at mahahabang kuko siya at mukha na punong-puno ng grasa. Namangha lang ako dahil sa kabila ng itsura niya ay maayos pa rin ang pagkakatirintas ng buhok niya.
"Sino kayo? Anong ginagawa niyo rito?" Agad na tanong ng babae.
"Ako nga pala si Rose at siya naman si Cybil," pakilala ko sa ating dalawa. "Nandito kami dahil hinahanap ko ang nawawala kong anak na si Sharon. Nakita mo ba siya?"
"Sharon?" tanong ng babae. "Sinong Sharon?"
"Anak niya. Kakasabi lang niya 'di ba? Paulit-ulit?" naiinis mong turan. Kanina ka pa napipikon dahil naubusan ka na ng bala, nawala ang kaliwang pares ng iyong sapatos at kasimbaho mo na ang asong bagong panganak.
"Hindi ko nakita," sagot ng babae.
Tumango-tango ako. "Ano nga palang pangalan mo?"
"Anna."
"Anna? Ikaw 'yung kapatid ni Elsa?" manghang tanong mo.
"Oo," sagot ng babae. Kaya pala pamilyar siya sa'kin. Mabuti na lang at naalala mo.
"Nasaan siya?" tanong mo.
"Hinahanap ko rin siya," sagot ulit ng babae. "Kaya nga ako nandito, eh."
Nagulat tayong dalawa dahil narinig na naman natin ang nakabibinging tunog na hudyat na mabubuhay na naman ang mga halimaw.
"Dali! Sumama kayo sa'kin," natatarantang paanyaya ng babae. "Pupunta tayo sa simbahan ng mga Katoliko. Hindi makakapasok ang mga kampon ng kadiliman doon."
Tumakbo ang babae kaya tumatakbong sinundan rin natin siya hanggang sa makarating tayo sa hagdanan ng simbahan. Nakita natin si Dahlia, ang nanay ng batang kamukha ng anak ko, na nakaupo sa paanan ng hagdanan.
"Mag-ingat kayo sa mga tao rito. 'Wag kayong maniniwala sa sinasabi nila. Aakalain ninyo na sila ay mababait katulad ng isang tupa pero ang totoo niyan ay para silang mga kambing," parang baliw na sambit ni Dahlia.