Story to be retold: Insidious
Genre: HumorNadatnan ni Josh ang asawang si Renai sa labas ng kanilang bahay, nakaupo sa harap ng baitang sa harap ng pinto. Mukha itong balisa kaya lumapit siya.
"Ayoko na sa bahay na 'to!" pasimula nitong sabi. "Naririndi na nga 'ko sa iyak ni Cali, dadagdag pa iyong voice recording gadget na bigla na lang umaandar kung kelan niya gusto! Rerecord-record, hindi naman maintindihan. Kairita! Isa pa iyong prank na pakatok-katok sa gabi. Ayoko rin sa tunog ng security alarm ng bahay na 'to, parang matinis na huni ng mga kulisap sa gabi at -" Hindi na nagawang ituloy ng asawa ang sasabihin sapagkat tinakpan niya ng kanyang palad ang bibig nito pero hinawi nito iyon. "Gusto ko nang katahimikan!" Pasigaw na pagtatapos nito sabay tayo at pasok sa bahay.
Napabuntong-hininga na lang siya. Mas nakakarindi pa ang talak nito kaysa sa mga nirereklamo nitong ingay.
Bagong lipat pa lang sila sa bahay na iyon ay hindi na maganda ang dating sa kanila.Nahulog lang sa hagdan ang anak na si Dalton, na-coma na. Hindi naman matukoy ng duktor kung ano ang dahilan sapagkat normal naman daw lahat ng organ nito at walang brain damage kaya napilitan silang ilabas sa ospital ang anak at napagpasyahang sa bahay na lang ito mamalagi habang inaantay nila ang paggaling ng di malamang sakit na dumapo rito. Tapos itong misis niya, ingay lang pala ang inaalala!
Kinaumagahan ay nagtatalak na naman ang kanyang misis. Pinapagalitan nito ang anak na si Foster sa silid pa ni Dalton.
"Ano na naman ba 'yan?" usisa niya.
"Tignan mo!" Iritang turo nito sa bedsheet ng kama ng nahihimbing na si Dalton. "Ang hirap-hirap maglaba ng bedsheet tapos mamantsahan lang ng kulay pulang tinta na hugis kamay na may matutulis na kuko!"
Nangunot noo siya at pinakatitigan ang bedsheet. Mas nangibabaw pa sa misis niya ang hirap sa paglalaba kaysa sa medyo creepy na pangyayaring 'yon. Hindi na naman niya mapigilang mapabuntong-hininga.
Napilitan silang lumipat uli ng bahay para sa katahimikang hinahangad ng asawa.Ilang gabi rin kasi itong sumisigaw na lang bigla at may nakikita raw na bulto ng lalaki pero wala naman siyang makita.
Kinahapunan, nasalubong niya ang napakaraming batang babae na papalabas sa pinto ng bahay nila. Rinig na niya ang boses ng misis at anak na si Foster. Nasa silid ni Dalton ang mga ito at magkaharap na nag-uusap habang nakatayo."Sabi kasi ng klasmeyt ko baka natulad lang si Kuya Dalton kay Sleeping Beauty kaya naghanap ako ng mga princess para halikan siya," rinig niyang ani Foster.
Hindi niya mapigilang mapailing at matawa ng bahagya. Maya-maya ay dumating ang kanyang ina. Sinalubong nila itong mag-asawa at dumulog sila sa hapag-kainan. Kinuwento ng kanyang misis na may nakikita na naman siyang hindi maipaliwanag sa bahay na nilipatan nila at pinatotohanan naman ito ng kanyang ina na kasalukuyang kinikuwento ng napanaginipan daw nito. Habang nagkukuwento ay bigla na lang itong nagsisigaw.
"Nasa likod mo ang gustong kumuha sa anak ninyo! Kamuka ni Naruto pag naka-nine tails siya!" Takot na takot na sigaw nito.
Sobrang nangunot ang noo niya hindi dahil sa takot kundi sa natuklasang nanonood ng Naruto ang kanyang ina! Gusto niyang magwala sa nangyayari sa kanyang pamilya.
Napagpasyahan nilang dumulog sa imbestigador ng paranormal. Isang matandang babae at dalawang binata ang assistant nito ang naging bisita nila kinabukasan. Tinry na ng mga ito ang lahat ng device na dala para sa paranormal activities. Pinanood lang nila ang mga kawirduhang gawaing iyon.
Bitbit ni Specs ang isang sketch book habang nasa likuran ito ni Elise, ang matandang babaeng maraming alam sa paranormal. Pinasok nila ang silid ni Dalton.Paglapit ng dalawa sa kama ng nahihimbing na bata ay tumingala si Elise at nahihintakutan itong nagsalita na halos pabulong habang ginuguhit naman ni Specs ang sinasabi nito. "Sige lang. Gumuhit ka lang ng imahe na parang anino. Nakaangat ang magkabilang kamay na may mahahaba at matutulis na daliri tapos namumulang mata. Dagdagan mo ng nakapatagilid na guhit guhit sa ibabang bahagi at rungisan mo ang background."