Story to be retold: Warm Bodies
Genre: Action/AdventureMATAGAL nang patay ang mundong ito bago pa man iyon ideklara mismo ng mga tao. Maririnig sa bawat sulok ang iba't ibang uri ng pagsabog - maingay, malakas, nakakatakot. Hindi mo alam kung saan ang susunod na pagsabog, hindi mo alam kung sa harap mo na iyon mangyayari. Gagawin mo ang lahat para makaligtas, tatatakas ka, magtatago o tatakbo. Tatakbo nang tatakbo. Tatakbo hanggang hindi mo na kaya, hanggang sa madapa ka, at hanggang sa maabutan ka nila.
Kapag nangyari iyon, sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mo pa ring mabuhay...bilang isang bangkay.
KUNG nabubuhay ako sa panahon ng mga malalaking siyudad, malalagong sibilisasyon at magagandang teknolohiya, marahil ay mararamdaman ko ang takot na higit pa sa nararamdaman ko ngayon. Nasa likod kami ng isang bahay, sementado ang dalawang palapag at nakukulayan ng berde. Kasama ko ang bestfriend kong si Nora. Hindi dapat kami lumalabas ng sports arena kung saan kami 'pinakaligtas' sa ngayon, pero nagpumilit ako. Gusto kong sumama kay Perry sa pagkuha ng mga supplies para sa mga nabubuhay na katulad namin.
Hangga't maaari, gusto kong gamitin ang lahat ng pagkakataong mayroon para makasama ko siya. Kung walang kasiguraduhan ang mundo noon, mas lalo na ngayon, kaya gusto ko siyang makasama sa bawat oras na pwede pa. Kahit pa gaano kadelikado.
"Julie, darating pa ba sila?"
Nilingon ko si Nora, nanginginig siya sa takot. Pareho kami. Ilang talampakan lang mula sa pinagtataguan namin ang tatlong zombie na pinagtutulungang kainin ang katawan ng isang babae. Sa katunayan, kasama namin ang babaeng iyon. Isang team kami na lumabas pero ngayon, hindi ko na alam kung nasaan na ang iba naming kasama. Dalawa na lang kami ni Nora.
"Darating sila, Nora. Hahanapin nila tayo. Hahanapin niya ako." Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang kinukumbinse ko sa sinabi kong iyon, pero mukha namang wala sa amin ang naniwala sa mga salitang iyon. Hindi ko akalaing darating ang mga oras na ito, na maging ang mga salita, wala ng kapangyarihan.
"Julie," kasabay ng pagtawag niya sa pangalan ko ang paghila niya sa braso ko paharap sa kanya. Punong-puno ng pangamba ang buong mukha niya, at hinihiling ko na sana hindi ganoon ang itsura ko. Kung natatakot siya, ibig sabihin, kailangan kong maging matapang. Kung hindi, sino na lang sa amin ang lalaban? "Hindi ka ba nandidiri sa ginagawa nila? Bakit mo pa sila tinitingnan?"
"Syempre, nandidiri ako, pero kailangan nating makita kung nasaan ang mga kalaban natin."
Matagal niya akong tiningnan bago siya sumilip upang makita mismo ng mga mata niya ang ginagawang pag-ubos sa katawan ng babaeng kanina lang ay naglalakad sa tabi namin at nakakapagsalita. Lumunok siya. Sigurado akong gusto niyang sumuka sa nakita.
Tumingin ako sa likuran ni Nora, sa kabilang bahagi ng bahay. Kanina ay may mga zombie rin na nagkakainan doon, baka sakaling wala na sila ngayon. Pwede kaming dumaan doon at tumakbo palayo. Bahala na kung sino ang unang makahanap sa amin. Marahan ko siyang itinulak sa gilid saka ako maingat na sumilip sa kabilang bahagi ng bahay. Isang zombie na lang ang naroon at inuubos ang kahit na anong natirang laman sa taong nabiktima nila.
Dito ako napaiwas ng tingin. Mas gugustuhin ko pa ang mamatay at ilibing sa ilalim ng lupa kung saan ako uubusin ng mga uod at insekto kaysa kainin ng isang zombie. Alam kong ganito na talaga ang mundo ngayon pero hindi ko lang kayang tanggapin ang ideyang minsan, isa rin silang tao-nabubuhay, nagtatago, tumatakbo. Malay ba natin kung ang nakahandusay na kalansay ngayon ay matalik palang kaibigan ng zombie na kumakain sa kanya? Pwede ring magkapatid pala sila o mag-asawa.
Ano nga bang alam nila? Pare-pareho lang naming kailangang makaligtas at sa kaso nilang dalawa, ang zombie ang pinalad na magpatuloy sa mundong ito.