Chapter 10-Ang Pag-amin

187 28 0
                                    







Ang mga sumunod na araw ay nilaan ni Stella sa pakikipagkita sa akin.

Dahil lagi niyang kasama si Gabriela ay kaming tatlo ang malimit maglaro.

Dahil nasa hacienda ay parang nakawala sa hawla si Gabriela.

Kung makaakyat sa puno ng mangga ay wala itong takot.

Nang una siyang makita ni Stella na parang unggoy sa bilis sa pag-akyat sa mga sanga ay takot na takot itong nakatingala sa kaibigan.

Ako naman ay natatawa lang.

Sanay na kasi akong makita na buong tapang si Gabriela kung maglambitin sa mga sanga.

"Paano kung madulas siya? Tingnan mo," Tinuro niya ito na malapit na sa pinakatuktok ng puno.

Payat ang mga sanga at animo'y mababali kapag tumatapak siya.

"Kung magkamali siya ng tapak o kung dumulas ang paa niya, siguradong mahuhulog siya." Hindi maikubli ni Stella ang pag-aalala.

"Huwag kang matakot. Sanay na siya sa ganyan." Pang-aalo ko.

"Tingnan mo. Mamaya lang ay bababa na din siya."

Tumigil lang si Stella sa pag-aalala nang tawagin ko si Gabriela at sabihan na tama na ang pagpitas ng mangga.

Wala na din kasi kaming pagsidlan ng mga bunga dahil sa dami ng napitas niya.

Namantsahan ng dagta ang puting bestida ni Stella na ginamit naming pansalo.

Siguradong masesermonan sila ni Doña Alba kapag nakita niya na nanlilimahid ang magandang damit ni Stella.

Kapag hindi kami umaakyat sa puno at nangunguha ng mga prutas ay nasa bukid kami.

Pinakita ko kay Stella na kaya kong magbalanse sa likod nang kalabaw habang lumalakad ito.

Magkahalong takot at paghanga ang nakita ko sa mga mata niya.

Sabay silang pumalakpak ni Gabriela ng bumaba ako.

Ako naman ang humanga kay Stella nang pinakita niya sa akin ang galing niya sa pangangabayo.

Noong pitong taon siya ay binilhan siya ng ama ng sarili niyang kabayo.

May nagturo sa kanya kung ano ang dapat gawin at kung paano alagaan ito.

Kampante siyang sumakay sa isa sa alagang kabayo ni Don Marcelo.

Puti at matikas ang pangangatawan ng hayop.

Bago sumakay ay kinuskos ni Stella ng eskoba ang katawan ng kabayo.

Sa umpisa ay mabagal silang naglalakad.

Nang sipain niya ang tagiliran ng kabayo ay kumaripas ito ng takbo.

Masaya si Stella at hindi ko kinakitaan ng pagkabahala.

Inangkas pa nga niya ako at ako naman ang nakadama ng nerbiyos.

Kahit gusto kong matutong mangabayo ay tutol si Tatay.

Baka daw madisgrasya ako o di kaya ay may mangyari sa kabayo.

Mapapagalitan kami ni Don Marcelo.

Ngunit ang mga lalakeng anak ng ibang trabahador ay pinapayagan nilang mag-aral.

Hindi naman sila pinapagalitan.

Hinihikayat pa nga sila na matuto.

Sinabihan ako ni Nanay na huwag nang ipilit ang gusto ko.

May kanya-kanya daw tungkulin ang mga babae at lalake.

Ang payo niya ay gawin ko ang mga bagay na nararapat sa akin tulad ng pag-aaral kung paano maging masinop sa loob nang bahay, manahi, pagluluto at paglalaba.

UNA ROSATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon