Chapter 30-Kaibigan

145 24 2
                                    




Ang pagkikita namin ni Pedro ay hindi inaasahan.

Natigilan siya ngunit mabilis din na nakabawi.

Hindi makikita sa mukha niya ang pagkagulat dahil hindi siya ngumiti o sumimangot.

Kung nahalata ito ni Francesca ay wala naman siyang sinabi.

Nilapitan niya ang asawa at tinanong kung natatandaan pa ako.

"Oo." Isang matipid na ngiti ang ginawad niya sa asawa.

Pinakilala ni Francesca si Pedro kay tatay at magalang siyang tumango at nakipagkamay sa aking ama.

Nagtanong siya kung ano ang ginagawa namin doon.

Sinabi ko na hinatid namin si Francesca at ang mga rosas na binili niya.

Nagpasalamat sa amin si Pedro.

Nagpaalam na ako sa kanila.

Hinatid kami ng mag-asawa sa pintuan at nanatiling nakatayo doon hanggang makaalis kami.

Habang tinatahak namin ang daan pabalik sa hacienda ay kinausap ko si Stella sa isip ko.

Hindi kasi ako makapaniwala na magtatagpo kami ulit ng kapatid niya.

Nakita ko sa mga mata ni Francesca na masaya siya sa piling ni Pedro.

Pero mahirap basahin kung ano ang laman ng isip ng lalake.

Naikubli niya ang pagkagulat ng makita ako.

"Kung nandito ka, Stella, ano ang gagawin mo pag nalaman mo na may gusto sa akin ang kapatid mo? Magseselos ka kaya? Magpapaubaya?"

"Kung ako ang tatanungin mo, mas gugustuhin ko na ipaglaban mo ang pagmamahalan natin dahil hindi ko kayang ibigay ang puso ko sa iba. Alam ko na may binitawan akong pangako sa Diyos kapalit ng magandang buhay pero habang nagkakaedad ako at mas naiintindihan ang sarili ko, parang gusto kong bawiin. Parang hindi ko kaya. Ang isipin pa lang na lalaki ang hahawak o hahalik sa akin ay sapat na para tumayo ang balahibo ko."

"Pero paano kung bawiin ng Diyos ang magagandang bagay na tinatamasa namin ng pamilya ko dahil nagbago ang pananaw ko? Sa palagay mo maiintindihan kaya niya? Baka naman puwede mo akong tulungan dahil nandiyan ka na din naman. Abot kamay mo ang Diyos kesa sa akin."

Tumingala ako at tinitigan ang dumidilim na kalangitan.

Alam kong wala na si Stella at malaya akong gawin ang gusto ko.

Ngunit habang kausap ko siya sa isip ko, hindi ko maamin sa kanya na nang makita ko kanina si Francesca ay natulala ako.

May kakaiba akong naramdaman na maihahalintulad sa banayad na pagkampay ng pakpak ng mga paru-paro.

Mapungay ang mga mata ni Francesca at mahahaba ang mga pilikmata.

Maganda ang ngiti at mabait din naman habang kausap ko.

Pero nang malaman ko na siya pala ang kabiyak ni Pedro ay nahiya ako bigla.

Kasalanan din ang pagnasaan ang asawa ng ibang tao.

Ngunit iyon nga ba ang ginagawa ko?

May pagnanasa ba ako kay Francesca kahit bago ko lang naman siya nakilala?

Baka naman paghanga lang ito dahil nabighani ako sa kagandahan niya?

Napasandal ako sa karitela.

Bakit ako nagkakaganito pagdating sa mga babae?

Hindi naman ganito ang nararamdaman ko sa mga lalake.

Kaibigan lang ang turing ko sa kanila.

Pati ang mga hayagang nagtatanong kung puwede silang umakyat ng ligaw ay tinatapat ko na agad.

UNA ROSATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon