9

9 0 0
                                    

Natapos namin ng buong araw yung prenup shoot na kailangan kaya ngayon ay nakabalik na ako sa dating gawi at itsura ko. Naasiwa talaga ako sa mga gown at make-up, pakiramdam ko ay hindi ito bagay sa akin. Mag-di-dinner pa lang kami dahil nagpapahanda pa si Third ng hapunan naming lahat.

Nasa loob pa rin kami ng villa room na pinagamit sa amin ni Third. Nag-e-edit yung mga kaklase ko ng pictures na gagamitin at ipapasa samantala yung iba naman ay naka-focus sa editing ng video. Lahat sila ay may kanya-kanyang ginagawa habang ako ay wala na.



Maraming kalat silang naiwan sa loob ng cabin dahil mukhang nagkasiyahan muna sila bago nila gawin yung project namin. Isa-isa kong sinamsam yung mga kalat na snacks at bote ng inumin na hindi nila natapon. Nagkalat din yung ilang tuwalya at pinagpalitan nilang damit kaya nilagay ko muna sa malinis na lagayan iyon para doon na lang nila hanapin.

Mukhang hindi rin naman nila ako napansin dahil sa pagtatalo at masyadong abala sa mga ginagawa nila. May mga nakatambak din na hugasin mula sa pinagkainan nila ng Spaghetti na hinugasan ko pa.

"Kami na sana diyan, Amelia." Ani ni Naomi ng pumasok sa kusina habang may hawak na bote ng tubig.

Nilingon ko siya at inilingan, "Wala naman akong ginagawa." Tipid na sagot ko sa kanya.

Lumabi naman ito bago lumapit sa kitchen sink, "Pasensya na at ikaw pa naghuhugas niyan. Nagmamadali kasi kaming kumain kanina kaya hindi na namin naayos iyan," Paliwanag pa niya sa akin.

Umiling lang ako sa kanya, "Ayos lang ito. Tsaka para may matulong naman ako sa inyo," Binalik ko ulit yung tingin ko sa hinuhugasan kong mga gamit sa lababo. Marami kasi sila kaya marami rin akong hinuhugasan.

Hindi naman ako nagrereklamo dahil sanay naman ako sa ganito klaseng hugasin.

"Anong wala kang ginawa? Kung hindi dahil sa iyo ay hindi matatapos yung gagawin natin na shoot! Ikaw ang dahilan kung bakit nasalba iyon." Sagot pa niya sa akin.

Tipid na ngumiti naman ako habang patuloy na nakaharap sa hugasin. Bigla akong sinilip ni Naomi dahilan para magulat ako ng kaunti sa kanya. "Ang ganda-ganda mo pala, Amelia. Kaya huwag mo itatago yung sarili mo sa cardigan. Sayang yung ganda mo." aniya sa akin.

Napangiwi ako sa sinabi niya. Saang parte ako maganda? Ngayon lang kasi nila ako nakita na ganun kaya hindi ako sigurado kung totoo ba yang sinasabi niya. Bago lang sa paningin nila yung ganung itsura ko. Walang kakaiba doon.

Hindi na lang ako umimik at tinapos ang tinatatrabaho kong hugasin. Iniwan na rin naman ako ni Naomi at bumalik na sa grupo. Mabuti na lang din at wala na ring nanggulo pa sa akin kaya nagawa kong tapusin yung iba pang gawain sa kusina.

"Anong ginagawa mo diyan?" tanong ng boses na hindi ko na kailangan lingunin kung sino.

Piniga ko yung huling basahan na hawak ko at nilagay sa ibabaw ng kitchen counter bago humarap kay Third na nasa likuran ko na. Ayoko sanang madikit o mapalapit sa kanya ulit kahit ngayong araw lang. Naiilang lang talaga ako lalo na at paulit-ulit kong naririnig sa tenga ko yung sinabi ni Tito Ben sa akin tungkol sa pagkagusto raw ni Third sa akin.

Bukod pa doon ay masyadong maraming tagpo sa aming dalawa kanina na nakayakap o nakahawak siya ng kamay sa akin. Siya lang ang unang lalaki na gumawa nun sa akin. Hindi pa doon matatapos din yung paghihirap ko dahil mayroon pang fake wedding ceremony bukas.

May bukas pa ulit.

"Hinugasan ko lang yung mga naiwan dito." Kaswal na sagot ko sa kanya.

Sinilip niya yung malinis na lababo bago ako hinarap. "Hindi mo na sana ginawa iyan, Lia" May hinahon sa boses niya pagkatingin sa akin.

What Lies Ahead  (TMS # 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon