Hindi ka naman pwedeng tumigil mangarap

8 0 0
                                    

Pinanood ko ang pelikulang Meet Me in St. Gallen ni Carlo Aquino at Bela Padilla. Maganda iyong movie. Akala ko nung una pa-cute lang. O kaya copycat lang sa Before Sunrise na movie. 

Well, may pagkaganun ang theme. Pero may sarili namang identity ang pelikula. May lalim at may hugot. Buo ang mga emosyon. Very character-driven. Magaling din naman kasi mga artista. Nabigyan naman ng hustisya ni Carlo Aquino at Bela Padilla.

Pero hindi ito movie review ha. Hindi ko lang talaga akalain na magugustuhan ko siya. Ilang beses ko na kasing nakita ito sa Netflix at IwantTFC pero ngayon lang ako nag-decide na panoorin.


"Hindi ka naman pwedeng tumigil mangarap."

This was Bela's line from the film na talaga namang tumagos sa akin. Tumama ng husto.


Suddenly, the tears started falling. It hit me. Bakit nga ba ako tumigil mangarap?

Dahil ba naabot ko na ang mga bagay na pangarap ko lang dati? 


Well, hindi naman lahat. Meron pa rin sa bucket list ko na hanggang ngayon hindi ko pa nagagawa. Hindi pa ako nakakasulat ng sarili kong script. Hindi pa ako nakakagawa ng sarili kong pelikula. Hindi ko pa naranasang puntahan ang mga lugar na gusto kong puntahan. Hindi ko pa naa-achieve ang magkape sa isang coffee shop na katapat ang Eiffel Tower mala-Emily in Paris. O kaya ay umakyat sa bundok at namnamin ang view habang nagsusulat ng sarili kong nobela. Hindi pa rin naman ako nagiging sikat na manunulat. Ang dami ko pang bagay na dapat matutunan sa pagsusulat.

Pero bakit nga ba ako tumigil mangarap?


Hindi ko rin alam. Siguro dahil mas marami nang responsibilidad ngayon na dapat harapin. Siguro hindi na ako kasing tapang ng dating iwasiwas na lang ang lahat at lumusong para suungin ang malalakas na alon. Siguro dahil wala na ang mga taong naging sandigan ko at nagsilbing assurance sa akin na anuman ang mangyari, may mauuwian ako at may sasalo sa akin.


Siguro kapag tumatanda ka na, sadyang natitigil ang mga pangarap. Mas nilalamon ka ng realidad na may mga bills at utang kang dapat bayaran. May mga obligasyon kang dapat panagutan. 


Partida pa, sa kaso ko, wala pang nakaasa sa akin dahil wala pa naman akong anak na kailangan palakihin at buhayin. How much more pa iyong ibang nasa phase na ito na may pamilyang nakaasa sa kanila? Tumigil na rin ba sila sa pangangarap?


Mahirap mangarap kapag pinangungunahan ka ng takot. Takot na mawalan ka ng stable na hanapbuhay at maayos na sweldo dahil lubog ka na sa utang. Takot na kapag hindi umubra ang pangarap mo, baka hindi ka na makabangon dahil wala ka nang panahon. Parang ang iksi na ng panahon mo sa mundo dahil nasa halos kalahati ka na ng buhay mo.


Takot na wala ka nang sapat na lakas at hindi ka na ganun kalusog para kayanin pang banggain ang malalakas na alon. Takot kasi mag-isa ka na lang. Kasi either wala ka nang magulang or nasa dapithapon na ang mga taong nagpapalakas at gumagabay sa iyo. Kasi sa pagkakataong ito, ikaw naman ang dapat maging malakas para sa kanila.


Mas maraming takot. Mas maraming pangamba. Kaakibat ba yun ng edad? Kaakibat ng pagtanda? Kaakibat ng walang kasiguruhang hinaharap? Kaakibat ng lahat ng sakit na iniinda ng katawang lupa mo ngayon?


Siguro kasi nararamdaman mo na ang panghihina ng sarili mong katawan. Ang pag-usbong ng mga sakit na dati wala kang pakialam. Siguro dahil mas marami nang nakataya ngayon at mas marami nang mawawala sa iyo.


O dahil ba nadala ka na? Na-trauma sa mga failures mo noong nakaraan kaya mas naging praning ka na. Dahil ayaw mo nang pagdaanan ulit lahat iyon kaya mas naging maingat ka. Mas naging hesitant ka.


Are you facing life the negative way? Or are you just being realistic?


May age limit ba ang pangangarap? May expiration ba ito? 


May due date na rin kagaya ng mga bills mo na buwan-buwan na lang ay iniisip mo kung saan ka kukuha ng pambayad dito?

Hindi...hindi dapat tumigil mangarap.

Kwarentita DiariesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon