Band Aid Solution

9 0 0
                                    

Noong bata ako, madalas akong isama ng Tita ko sa school kung saan siya nagtuturo. My aunt was a public school teacher kaya maaga pa lang ay na-introduce na ako sa konsepto ng eskwelahan.


For me this is a place where I can run free. It used to be my playground. Laking Lolo at Lola kasi ako kaya hindi ako laging pinapayagan maglaro sa kalye kasama ng mga ibang bata. Lagi lang ako sa loob ng garahe namin at nanonood sa mga naglalaro sa labas. Kaya naman tuwing sinasama ako ng Tita ko sa school nila, tuwang-tuwa ako.


I can play all day to my heart's content. Ang dami kong kalaro. Bukod pa dun sa mga classmates ko dahil naging saling ketket ako sa kindergarten class dun, kalaro ko rin yung mga estudyante ng Tita ko. Sila yung naatasan kasi na maging tagabantay ako. Kaya naman habol dito, habol doon sila kahit saan ako magpunta.


Wala ring nagbabawal sa akin. Lahat ng mga teachers sa school dun kaibigan ng Tita ko. Lahat din giliw na giliw sa batang mataba na nagtatakbo sa school grounds. Madalas pa nga akong makaharbat ng mga pagkaing bigay nila.


Hanggang isang araw, naranasan ko ang ang pinakamasakit na pwedeng mangyari sa isang batang paslit. Ang madapa. 


Bagong bagay ito sa akin. Kasi nga hindi naman ako lumalabas para maglaro. Sa bahay naman namin, bawal ang tumakbo at mas lalong bawal madapa. Bawal raw kasi magkagalos dahil hindi maganda sa isang babae ang may peklat sa balat. Kaya never ko na-experience ang madapat at masugatan. That was the first time.


Nadapa ako sa baku bakong walkway na gawa sa magaspang na aspalto. Kumayas yun sa tuhod ko at gumasgas. Hindi naman malaki ang sugat. Gasgas lang pero enough para tumulo ang ilang patak ng dugo. Palahaw ako ng iyak. Natakot ang mga estudyante ng Tita ko na nagbabantay sa akin. Yari sila sa terror nilang adviser dahil nadapa ako.


Dinala ako ni Kuya Danny, ang school janitor, sa clinic. Wala naman kasing makabuhat sa akin dahil dambuhala ako. At dahil sa iniindang sakit na noon ko lang naranasan, halos hindi ako makalakad na animoy ay napakalaking injury ang natamo ko.


Siyempre hindi pa uso ang Betadine nun. Ang uso ay iyong gamot na pula na pang-disinfect kuno. Methiolate iyong gamot na kulay reddish pink na dati ay effective raw na panlinis ng sugat. Until later on, natuklasan na may mercury content kaya hindi na raw recommended na gawing disinfectant.


Yes, this is the same substance na ginagamit na pampapula ng bagong pedicure or manicured mong kuko. Kasi nga raw disinfectant kaya inilalagay sa kukong natanggalan ng ingrown para raw hindi mamaga. Tapos later on ginawa na lang na foot blush or pampula ng sakong after mong magpa-foot spa.


Lalong umatungal ang batang mataba. Ang hapdi kaya nun! Nang dumampi ang bulak na pinatakan ng merthiolate, parang pinunit ang balat ko. Nagpumiglas ako at pati si Kuya Danny ay hindi na ako nakaya pang pigilan.


Ang ginawa ng friend ng tita kong teacher, pinahanginan na ang sa electric fan ang sugat ko. Binola-bola muna nila ako. Tapos kumuha ng Band Aid. Wala pa akong kamalay-malay kung ano yun noon. Basta ang alam ko, lahat ng gamot mahapdi sa sugat ko.


Pero sabi nila sa akin, gamot daw na walang aray. Idinikit lang nila sa sugat ko. Mahapdi pa rin ang sugat pero hindi naman dahil sa Band Aid. At dahil sa Band-Aid, napatigil na ang pag-iyak ko. Hindi ko na kasi nakikita iyong sugat. Hindi ko na nakikita iyong dugo.


Isang milagrosong gamot kasi nakakalakad na ulit ako. Isang himala!


Tapos sabi nila may lalabas raw na pari, tren, or kanin sa sugat ko. Nag-antay ako buong gabi noon kung lalabas nga ang mga iyon sa sugat ko. Pero kampante ako kasi natatakpan naman ng Band Aid. Hindi ko alam kung sinong baliw ang nagpauso nang haka-haka na iyon. Pero kung sino man siya, libu-libong bata ang tinakot niya.


From then on, minahal ko ang Band Aid. Nauso pa nga iyong may mga designs. At tuwang-tuwa ako mangoleksyon. Iyong iba nga ginawa pang parang sticker ang Band-Aid na may designs.


Band-Aid din ang naging go-to solution ko kapag nagpapaltos ang paa ko sa matigas na bagong sapatos. Hindi ko alam kung anong meron sa leather ng mga sapatos pero lagi iyon. Tuwing may bago akong sapatos, nagpapaltos ang paa ko. Hanggang ngayon naman eh.


Walang Himala


Fast forward sa to present. Kung saan mas marami nang sugat ang natamo ko literally and figuratively. Tumaas na rin ang tolerance ko sa pain. At dahil naging Medic ako noong CAT days, na-train din ako paano mag-first aid ng sugat. And yes, wala nang merthiolate. Betadine na or iodine solution ang uso. Iyong kulay brown na solution na panglinis ng sugat. Hindi na ito kasing hapdi ng merthiolate or alcohol.


Pero dahil sanay na nga sa sugat at sakit, minsan ang simpleng galos ay hindi na iniinda. Hinayaan na lang. Matutuyo rin at maghihilom na kusa. Hindi na kailangan takpan at papaniwalain ang sarili na walang sugat.


I learned that Band Aid is a temporary solution. It covers the woulds and hides it from your sight to cover up the pain. Pero it does not heal the wound. Dahil pagkatanggal mo ng Band Aid, may galos ka pa rin. May peklat ng sugat. May alaala ang nakaraan.


At sa paglipas ng panahon, tumapang na rin ako. Iba't ibang sugat na ang natamo ko at nakita ko rin sa iba. May nakakarimarim. Minsan nga kahit hindi ko sugat ramdam ko pa rin ang sakit. Hindi pala pwedeng hindi ka masaktan. Hindi rin pwedeng hindi ka masugatan. Hindi rin pwedeng hindi ka madapa.


Bahagi pala lahat iyon ng buhay. Kasama sa paglaki. Kaakibat ng mga bagay na kailangan mong maranasan to find the truth, find love, find happiness. Mahirap paghilumin. Masakit kung lilinisin. Pero mas maganda kung lalanggasin. Para hindi maimpeksyon. Para hindi lumala. Para maghilom.


Kapag matanda ka na, hindi na pwede ang Band Aid solution lang. Meron ba namang na-CS na Band-Aid lang ang katapat? Meron ba naman na masectomy na Band Aid lang ang katapat? Meron bang apendectomy na Band Aid lang ang inilagay sa sugat? Maghihilom ba ang gunshot wound kapag Band Aid lang ang nilagay? Baka pati si Kardo Dalisay mamatay sa impeksyon.


Dapat pala, kahit gaano kahapdi, kahit gaano kakirot, maging matapang tayo na harapin ang lahat. Dapat din hindi iniinda ang galos, ang gasgas. Kapag nadapa, bangon lang ulit. Laban lang ulit. The number of wounds shows the amount of courage you have to live. The number of falls defines your journey towards success. Kahit gaano ka kaduwag, tatapang ka kapag hinamon ka ng buhay at nang kapalaran.


Lahat tayo nasugatan at one point in our lives. Naka-Band Aid pa rin ba sugat mo hanggang ngayon?  Tanggalin mo na yan. Mabubulok lang iyan. Hayaan mong maghilom ng kusa. Hayaan mong turuan ko nito kung paano ang maghilom.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 29, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Kwarentita DiariesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon