Chapter One
Larawan ng kasiyahan ang may-edad na babae na nakatayo sa gitna ng bulwagan. Bakas sa mukha nito ang natural na kagandahang hindi nagawang pawiin ng nagdaang panahon. Napalingon ang karamihan nang magsalita ang isang ginang na malapit dito, mas bata nang may tatlumpung taon.
"Nais kong hingin ang atensyon ninyong lahat," ani Elena Garcia.
Si Neo na noon ay nakikipag-usap sa pinsang si Gabriel ay napalingon sa tinig ng ina. Walang sampung pye ang layo niya buhat dito.
"Ipinakikilala ko ang babaeng pakakasalan ng aking anak, ang aking unico hijo, si Neo-si Jasmin Costales, ang apo ni Doña Caridad.
Natigilan si Neo. Kung nabigla man ang binata ay mabilis iyong naikubli. Sa dalawampu't walong taon ng buhay niya ay ngayon lamang nanghimasok ang ina sa ganoong bagay. Oo, naroon at sumi-segunda ito sa kanyang papa kapag nagpapaalalaang huli na baka tumanda siyang binata. Pero hindi ganito ang inaasahan niya.
"You're a dark horse, Neo. Nagawa mo akong papaniwalain na wala sa bokabularyo mo ang kasal!" ani Gabriel. Tinapik siya nito sa balikat, waring sinasabi na lapitan niya ang babaeng nagngangalang Jasmin. "Napakasuwerte mo, Pinsan. Wala yata sa mga naging nobya mo ang kasingganda niya. Ang ipinagtataka ko, bakit ngayon ko lang siya nakita?"
Gusto niyang sabihin: Pareho tayo, ngayon ko lang din siya nakita.
Pasimpleng hinagod niya ng tingin ang dalaga habang marahang lumalakad patungo sa ina. Tama si Gabriel, napakaganda nga ni Jasmin. Bibihira ang babae na hindi maiinggit sa mala-anghel na mukhang iyon ni Jasmin.
Tiningnan niya ang kanyang mama, hinahagip ang mga mata nito, pero mailap ang mga iyon. Alam nito na hindi niya gusto ang nangyayari. Inilibot niya ang paningin sa mga bisita sa paligid saka naalala ang ipinagdiriwang nang gabing iyon. Anibersaryo ng kasal ng kanyang mga magulang. Parang hinintay lang ng kanyang ina na magsidating ang importanteng bisita bago inanunsyo ang kanyang engagement.
"Neo," Jasmin wasted no time addressing him.
Napaarko ang kilay niya, nang-uuyam ang pilit na ngiti sa mga labi. Hinawakan ng babae ang kanyang pisngi at hinalikan siya sa mga labi na para bang matagal na silang magkakilala at dati na nilang ginagawa iyon. Nagpaubaya si Neo. Ito ang tipo ng babaeng hinding-hindi niya pagtatiyagaan.
Hindi ngayon ang gabi para komprontahin ang ina.
"Magandang gabi, Nyora Idad," bati niya sa doña. Iyon ang talagang tawag dito. Walang pagkukunwari ang respeto niya sa matanda. Nasa mga mata niya ang pagtanto na mayroon pala itong apo. Bukod sa pagkakataong ito ay isang beses pa lang niyang nakakaharap ang matanda. Kaarawan noon ng kanyang mama at nagdiwang sila sa isang sikat na hotel. That was years ago.
"Nakita ka ni Jasmin sa isang party," pagbibigay impormasyon nito.
Gustong matawa ni Neo, ayaw lang niyang maging impertinente sa harap ng matatanda. Dared he believe na pagkakita sa kanya sa party na iyon ay nagkagusto sa kanya ang Jasmin na ito at ngayon ay gusto nga siyang mapangasawa? Wow. Hanga siya sa impluwensya ng babae. Pinilit niyang tumingin ng tuwid sa mga mata ni Nyora Idad, pero hindi tumugon. Imahinasyon lang ba niya o naroon talaga ang pagpapaumanhin sa ekspresyon ng matanda?
Sinipat niya ng tingin ang katabing dalaga na sa pagkarinig niya at pakakasalan niya. Pinagmasdan niya ang kaaya-aya nitong mukha at ang porselanang kutis, ang tuwid na buhok na halos umabot sa baywang nito, ang hugis-pusong labi at ang matangos na ilong. Kung ganda lang ang hanap niya sa babae, higit pa ito sa pasado.
"NEO, alam kong gising ka pa. Buksan mo ang pinto," ani Elena.
Mag-aalas tres na ng umaga. May dalawang oras na simula nang umalis ang mga bisita. Ang totoo ay nakatulog na siya. Asahan mong hindi matahimik ang kanyang ina sa multong ginawa nito. Nagkamali ito at gustong humingi ng paumanhin. Binuksan niya ang pinto at tinungo muli ang kama para maupo sa gilid niyon. Sapo ng kanang palad ang mukha, naramdaman niya nang ilapat ng ina ang pinto.
BINABASA MO ANG
IN LOVE WITH A LIAR
RomanceUmuwi ng Pilipinas si JM o Joana Mae para makilala ang ama at ang kakambal na si Jasmin Mae. Pero nalaman niyang nasawi ang huli sa isang aksidente at kinailangan niyang magpanggap bilang ito para sa lola nilang may sakit. Mahirap dahil parang araw...