KABANATA 9: Lupa

8K 292 53
                                    

Isang linggo na ang nakalipas simula noong huli akong pumunta sa mansyon ni Heneral Vicencio. Matapos niya akong ipatingin sa manggagamot ay napagdesisyunan niyang pansamantala kaming hindi magkita.



Ang hindi ko pagpunta sa kanyang mansyon ay ang aking kapayapaan. Mas napagtuunan ko ng pansin ang aking pamilya, ang katipunan at higit sa lahat ay mas marami akong nailaang oras para sa sinta kong si Binibining Juana.




Sa nagdaang mga araw ay hindi nawaglit sa aking isipan ang paghatid sa binibini patungo sa aming bayan. Matapos iyon ay tutungo ako sa katipunan upang makapanayam ang mga makapangyarihang tao sa pamahalaan na may adhikaing mapanatili ang kapayapaan sa buong San Fernando. At tuwing darating ang takip-silim ay nagkakaroon nang maiksing pagpupulong kasama ang mga sundalong militar.




"Kuya..." pagtawag sa akin ni Stella matapos siyang pumasok sa aking silid.





Magkasaklob ang kanyang mga kamay nang lumakad siya palapit. Tila ba mayroong bumabagabag sa kanyang isipan kaya ko iniwan ang ilang papeles sa lamesa. Inanyayahan ko siyang umupo sa sulok ng aking higaan bago ako umupo sa kanyang tabi.



"Anong sadya mo rito aking mahal na kapatid?" mahinahon kong saad.




"Nais lamang kitang kamustahin, kuya," lanyos niya. "Bago pa bumalik sa San Fernando si Binibining Juana ay tila maraming bumabagabag sa iyo, at labis akong napanatag nang siya'y bumalik dahil nakikita kong masaya ka sa kanyang piling."




"Wala kang dapat ipag-alala, Stella. Naging abala lamang ako sa pag-aasikaso sa ating nasasakupan noong nagdaang linggo," turan ko.




"Iniibig mo bang tunay si Binibining Juana?" direkta niyang tanong kaya ako nabigla.




Ilang segudo akong natahimik bago tumugon. "Oo, Stella. Iniibig ko pa rin si Binibining Juana."




Simula pagkabata ay nangako ako sa aking sarili na kung hindi lang rin si Binibining Juana ang aking iibigin, ay hindi na lamang ako iibig. Ngunit sa paglipas nang maraming taon naming nagkawalay ay labis akong nalumbay. Noong muli siyang bumalik sa San Fernando pagkalipas ng sampung taon ay napakalaki ng kanyang pinagbago. Walang duda na siya pa rin ang Binibining Juana na aking inibig noon, subalit ang kanyang kilos ay nag-iba. Marahil ay kaya ganoon ang kanyang kinikilos ay dahil sa tagal niyang nawalay sa lupang kanyang sinilangan. Gayunpaman ay handa ko siyang tanggapin ng buong puso.




"Mag-iingat ka sa iyong pagbabalik, ginoo," wika ni Binibining Juana matapos ko siyang maihatid sa Mediko Del Fuego kinabukasan.




"Babalik akong muli pagsapit ng ala syete ng gabi upang sunduin ka kung iyong mamarapatin," yumuko ako nang bahagya, hinihintay ang kanyang magiging sagot.




Napaigtad ako nang hawakan niya ang aking dalawang balikat bago siya tumingkayad upang halikan ang aking kanang pisngi. May ngiti sa labi ang binibini nang siya'y aking masilayan. Iyon ang unang halik na natanggap ko sa kahit sinong kababaihan.



"B-bakit?" pakiramdam ko'y namula ang aking mukha.





Pinasadahan ko ng tingin ang pagamutan at dahil hindi pa sumisikat ang araw ay kaunti pa lamang ang mga tao roon. May ilang kabataan na patungo sa eskwelahan at mga mamimili na ang destinasyon ay sa norte kung nasaan naman ang pamilihang bayan. Payapa ang paligid at ang tanging maririnig ay ang huni ng mga ibon sa malapit na kagubatan.




Pinunasan niya ang pisngi kong namarkahan ng pula niyang labi. "Batid kong hindi ka pa nakakapagpahinga, ginoo. Maari ka nang umuwi sa inyong mansyon sapagkat napakiusapan ko ang aking ama na asikasuhin ang katipunan ngayong araw."



Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon